Testimonya ng Isang Kontrabando

NI MARK ANGELES
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 28, August 19-25, 2007

Labing-isa kaming Pinoy sa eroplano
kasama ng ilang Pakistani at Indiano.
Kinontrata kami ng First Kuwaiti
para magtrabaho sa mga otel ng Dubai.

Mapasok ko sana ang pinakamataas
na lugal sa layag ng Burj al-Arab
na nakahimpil sa payapang pasigan
tulad ng isang Arabong barkong dhow.

Sa tulad naming buhay-alamang,
pulot ang tingin sa pangingibang-bayan.
Mamatamisin pa ang umalis sa banig
kahit nakaambang mawasak ang pamilya.

Tulad noong araw, nag-uwi ng maleta
ang babaeng aking kinakasama.
Pinaglumaan raw ng kanyang Kuyang;
iniwan nang magbalik sa Al-Khobar.

Si Utoy naman ay may regalong
ibinalot pa niya sa lumang dyaryo:
ang aking kinakalawang na pait
na ilang araw ko nang hinahanap.

Kinarga ko siya noon at aking niyakap.
Electrician si tatay sa Dubai, anak,
sabi ko na para ba akong nahihilam
sa ganitong tagpong bihirang dumapo.

Padadalhan ko si “misis” ng kamelyo.
Biro lang, sabi ko, syempre pabango.
Sapatos na pamasok naman kay Utoy
at imported na tsokolate sa aking byenan.

Ngunit laking gulat naming lahat
patungo raw ang eroplano sa Baghdad,
anunsyo sa ere ng aming kapitan
gayong pang-Dubai ang aming pasaporte.

Bato ay aming tinibag, semento ay hinalo:
unang U.S. Embassy ay aming itatayo
sa Iraq na bagong kolonya ni Uncle Sam
nang kanya ring i-Saddam ang demokrasya.

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post