Sino ang Nagnakaw ng Nunal ni Gloria?

NI REYNA MAE TABBADA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 29, August 26-September 1, 2007

Ang most wanted na tao sa Pilipinas
ay ang nagnakaw umano ng nunal ni Gloria.

Binigay daw ito sa kanilang angkan
upang maging gabay sa katarungang
hindi maiiwasang may kilingan.

Ang nunal ang panghatak sa bawat kusing,
bawat turon sa kalye, bawat nakasampay
na panty, bawat alkansya sa ilalim ng bintana,
at kahit na sa bawat utak ng mga taong
ginagawang food stub ang balota.

Pero isang araw nagising na lang siya
na bakante ang tabi ng kanyang labi,
kinapa’t hinanap ang nunal na dapat
ay nandoon.

Pagkahilamos at pagkalagay ng bagong
nunal na gawa ng pentel pen, si Gloria
ay nag-utos ng state of emergency.

Mga suspek: manunulat na gumagamit
ng pulang pluma, estudyante na nagdadala
ng bandilang pula, beterano ng giyera
na umiinom ng pulang gamot, haliparot sa
daan na nakasuot ng koloreteng pula, at
sanggol na nakapulang sapatos.

Basta lahat ng nakapula. Dahil pantay ang
pamantayan niya, lahat ay paghihinalaan.

Puwera na lang sa mga nasa listahan ng
stocks araw-araw, katwiran nila’y hindi
naman nagpupula ang mga iyan.

Hanggang ngayon ay nawawala ang
matalinhagang nunal ni Gloria,
araw-araw ay kailangan niyang magpahid
ng mabahong pentel sa kanyang pisngi.

Sino kaya sa mga suspek ang kumuha ng nunal?

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post