Pulitika at Peligro ng Agresibong Pagmamaneho

Hindi man katanggap-tanggap ang klase ng pagmamanehong maaaring makaabala o makadisgrasya sa iba, kailangan ding isaisip ang panlipunang kalagayang nagtutulak sa mga drayber na gawin ang sa tingin nila’y nararapat para lang kumita. Sa madaling salita, may konteksto ang anarkiyang nakikita sa mga lansangan, at may dahilan ang desperasyong nakikita sa agresibong paghawak sa manibela.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 50, January 27-February 2, 2008

Madalas pag-awayan naming mag-asawa ang paraan ng aking pagmamaneho.

Mahirap mang aminin, may dahilan naman para magalit siya sa akin: Kung saan kasi ang lubak, doon ako napapadpad. Dahil masunurin ako sa mga markadong daan sa mga lansangan, hindi ako basta-basta lumilipat ng lane na siyang dahilan ng pagkaantala ng aming biyahe kung mabagal ang sasakyang nasa harapan ko.

Hindi ko rin gustong mag-eksperimento sa mga ruta na ikinagagalit din ng aking asawa, lalo na kung nagmamadali kami. Napansin ko kasing may mga kalyeng one-way na walang nakalagay na marka, at bigla ka na lang huhulihin dahil sa isang kasalanang hindi mo naman alam. May mga kalye ring bigla na lang kumikipot o nagsasara dahil sa mga nagbebenta ng kung anu-ano. Para sa akin, hindi bale nang mahaba ang ruta, basta’t sigurado ka sa direksiyong pupuntahan. Sabihin mo nang aksaya ito sa gasolina, pero sa tingin ko’y mas ligtas ka namang makakarating sa patutunguhan.

Alam ko na ang sasabihin mo: Bago pa lang kasi akong nagmamaneho. Kahit na sabihin mong ilang beses na akong nakapagmaneho mula Maynila hanggang Cavite, Tagaytay, Lucena at kahit Camarines Norte, wala pa akong isang taong gumagamit ng sasakyan. Totoo, marami pa akong kakaining bigas kumpara sa mga beteranong drayber.

Pero kung anuman ang limitasyon ng aking karanasan, pinipilit kong punan ng praktikal na kaalaman. Bago pa man ako humawak ng manibela, nagbasa ako ng mga libro tungkol sa epektibong pagmamaneho. Siyempre pa, binasa ko nang buo ang manwal na kasama sa sasakyang binili namin. (Gusto ko mang kumuha ng pormal na pagsasanay sa pagmamaneho, napakamahal naman ng bayarin. Ito ang dahilan kung bakit pinakiusapan na lang ng aking asawa ang kanyang pinsan para turuan ako.)

Isinakonteksto ko rin ang sitwasyon sa lansangan, partikular ang mga estadistika tungkol sa mga aksidente na nakuha ko mula sa Philippine National Police Traffic Management Group (PNP-TMG). Alam mo bang noong 2006, nagkaroon ng 15,064 aksidente sa lansangan, o 41 bawat araw? Lumalabas na ang 4,182 aksidente ay dahil sa pagkakamali ng drayber. Ang iba pang pangunahing dahilan ng mga aksidente mekanikal na depekto (2,388), masyadong mabilis na pagpapatakbo (1,956), sariling aksidente (1,115), maling overtaking (1,067) at depekto sa mga lansangan (1,021).

Nagresulta ang mga aksidenteng ito sa pagkamatay ng 674 katao at pagkasugat ng 3,767. Nagkaroon din ng 10,623 kaso ng pagkasira sa ari-arian.

Akala ko noon, karamihan ng mga aksidente ay nangyayari sa gabi at karamihan sa mga ito’y kinasangkutan ng motorsiklo. Pero lumalabas sa opisyal na estadistika na noong 2006, 9,102 aksidente o 60 porsiyento ay nangyari sa araw na kung saan mas maraming sasakyan at mas matindi ang trapiko. At kung susuriin an gang pagkakahati ng mga aksidente ayon sa tipo ng sasakyan, pinakamarami ang mga aksidenteng kinasangkutan ng kotse (27 porsiyento) na sinundan ng motorsiklo (20.7 porsiyento), dyip (19.2 porsiyento), trak (11 porsiyento), traysikel (10.9 porsiyento), bus (7.6 porsiyento) at iba pa (3.6 porsiyento).

Ipinapakita ng mga estadistikang ito ang peligro ng agresibong pagmamaneho. Pero dapat tandaang may obhetibong batayan sa ganitong ugali at hindi lang ito basta-basta maiuugat sa “likas na masamang ugali” ng isang tao. Bakit nga naman dadaan sa peligro ang isang taong nasa matinong pag-iisip? Sino ba naman ang may gustong maaksidente?

Sa kaso ng mga taksi, dyip, traysikel at iba pang pampublikong sasakyan, parati silang may hinahabol na oras para makarami ng pasahero. Malaking bagahe para sa kanila ang trapiko sa lansangan, kaya ginagawa nila ang lahat para umiwas sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko. Pero hindi ba’t madalas na ang mga kapwa nila drayber din ang kadalasang sanhi ng mga ito dahil sa kanilang basta-bastang pagpapasakay at pagpapababa ng kanilang pasahero?

Hindi man katanggap-tanggap ang klase ng pagmamanehong maaaring makaabala o makadisgrasya sa iba, kailangan ding isaisip ang panlipunang kalagayang nagtutulak sa mga drayber na gawin ang sa tingin nila’y nararapat para lang kumita.

Sa madaling salita, may konteksto ang anarkiyang nakikita sa mga lansangan, at may dahilan ang desperasyong nakikita sa agresibong paghawak sa manibela.

Kung susuriin mo ang aking pagmamaneho, mapapansin mong ako na mismo ang umiiwas sa mga pampasaherong sasakyan dahil alam kong maaaring maging walang pakundangan ang kanilang pagmamaneho. Hangga’t maaari, iniiwasan ko rin ang mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA at C-5 at dinaraanan ko na lang ang mga kalyeng walang masyadong trapiko. (Buti na lang at maraming alternatibong ruta mula sa aming bahay sa Marikina hanggang sa UP Diliman!)

Tunay na ang anarkiya sa mga lansangan ay repleksiyon ng kaguluhang nangyayari sa ating lipunan. May malalim na dahilan sa agresibong pagmamaneho ng ating mga kababayan na hindi kayang lutasin ng kung anumang polisiyang ipapatupad.

Kaya kung gusto nating baguhin ang kalagayan ng ating lansangan, may mas malaking “bagay” tayong dapat baguhin na puwede mong sabihing dapat magsimula sa katagang “Patalsikin!” Pinoy Weekly / Inilathala ng (Bulatlat.com)

Share This Post