Pornograpiya at Politika

Bumagsak ang produksyon ng komersyal na pelikula sa administrasyon ni Arroyo—36 na pelikula kada taon mula sa kasagsagang produksyon ng 200. Sa sama-samang pag-unlad ng indie digi cinema, documentary film collectives, at ng independent producers na hiwalay sa major studios, tulad ng pamumukadkad ng “Second Golden Age of Philippine Cinema” sa pinakamaigting na yugto ng diktaduryang Marcos, muling namumukadkad ang pelikulang Filipino sa pinakamapanupil na kalakarang pampelikula at pampolitika sa administrasyon ni Arroyo.

Kung ang bomba film at politika ay ukol sa kalabisan, nagkakaroon muli ng tipping point ang mga ito kay Arroyo. Nawala nga ang bomba film, pero ang kolektibong natunghayan ng mamamayan ay ang serialisado at umiigting na skandalo sa administrasyon ni Arroyo. Kung kay Marcos ay harapan itong dine-deny, kay Arroyo ay nagtatago ito, hinahayaang iba ang lantarang sumagot. At ito ang pinakalabis sa skandalo—ang hindi pagtanaw sa pinanggagalingan at pinatutunguhan ng skandalo. Sa tagong pagmamaniobra ni Arroyo sa mga skandalo ng kanyang administrasyon, mas lalong nagiging kahindik-hindik ang pangangatawan ng kasalukuyang pangunahing bomba star, siya mismo. Tumataas ang anxiedad. Alam ng taong nanonood ng bomba kung ano ang dapat magiging laman ng kanilang pinapanood.

Kung dati ay ang prodyuser na si Mother Lily ang maghihirang ng bagong bomba star sa pamamagitan ng pagbibigay ng mitikong “magic kamison” sa kanyang pagpapalain mula sa reserbadong army ng batang aktres, at sa ngayon na ang tanging hibla ng bomba film ay ang gay film, ano ang natitirang lugar para sa pinakamalaking bomba star at prodyuser ng politika? Hahayaan na lamang ba siyang magpalabas ng hinarangang na pelikula at kasaysayan?

Ang isa sa pinakamatagumpay na horror film, ang Blair Witch Project, ay namayagpag dahil sa kabuuan ng pelikula ay hindi nito ipinakita ang horifikong object, kung sino ang isa-isang pumapatay sa grupo. Sa kaso ni Arroyo, ang kawalan ng figura ng bomba star—ang sentrong accountable na alam ng lahat pero paratihang nawawala sa kasagsagan ng skandalo—ay naghahayag ng mas katagumpayan ng kalabisan na siyang karakteristiko ng pornograpiya at politika. Wala pero labis na nandoon o ang labis ang siyang winawala. Sa kabilang banda, ito ang yugto sa panonood ng sine kung saan sumisigaw ang manonood ng “Harang!” (Bulatlat.com)

Share This Post