Pag-angat ng Starbucks sa Ordinaryong Pag-angat

Ang karanasang Starbucks at gitnang uri ay nagsasaad ng bagong auratiko o ang pakiwari na ginawa ang lugar para sa iyo lamang: lugar na pwedeng pagtrabahuan ng notebook computers (may wi-fi card na pwedeng bilhin para sa Internet), pwedeng pag-aralan bitbit ang makakapal na librong binabasa at minememorya (parang haven ng mga estudyanteng sawa na sa ingay at gulo ng dorms nila), wholesome pero angat na date place (pwedeng makapag-usap nang maayos nang hindi nabibingi sa ingay ng banda o ang inarmirol na paligid ng mamahaling restaurant), at lugar ng business meeting (informal pero dahil sa paligid, kailangan pa rin ng dekorum).

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
KULTURANG POPULAR KULTURA
Vol. VIII, No. 8, March 30-April 5, 2008

May 131 branches ng Starbucks sa Pilipinas, 113 ay nasa Manila, kalakhan ay nasa Luzon, anim ang nasa Cebu. Bagong career option na ang “barista” o isang experto sa preparasyon ng expresso na inumin. Na ayon sa isang salary search, ay dapat kumikita ng $17,000 kada taon. Sa harap ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, ang Starbucks ay tambayan ng mga estudyanteng nag-aaral o gustong makipagkwentuhan nang medyo seryoso—dahil iba naman ang “distinctive Starbucks experience” (non-smoking para manatiling puro ang aroma ng kape, trained na baristang gumagawa ng kape, at kapeng inani ng kamay).

Katabi ng Starbucks Katipunan ang isang Mexicanong inuman, Shakey’s Pizza, McDonald’s at Jollibee. Angat sa angat ang Starbucks. Para kang nasa mamahaling sala, hindi sa cafeteria na upuan ng McDonald’s at Jollibee, hindi rin sa family restaurant mode ng Shakey’s, at ng hile-hilerang mesa sa tambayang inuman. Itinaas ng Starbucks ang benchmark ng “gitnang uri” sa bansa: mas angat sa gitnang uring may akses na sa fastfood at gimikang lugar.

Ang karanasang Starbucks at gitnang uri ay nagsasaad ng bagong auratiko o ang pakiwari na ginawa ang lugar para sa iyo lamang: lugar na pwedeng pagtrabahuan ng notebook computers (may wi-fi card na pwedeng bilhin para sa Internet), pwedeng pag-aralan bitbit ang makakapal na librong binabasa at minememorya (parang haven ng mga estudyanteng sawa na sa ingay at gulo ng dorms nila), wholesome pero angat na date place (pwedeng makapag-usap nang maayos nang hindi nabibingi sa ingay ng banda o ang inarmirol na paligid ng mamahaling restaurant), at lugar ng business meeting (informal pero dahil sa paligid, kailangan pa rin ng dekorum).

Sa Japan, dahil sa limitadong espasyong pwedeng pagtipunan, ang Starbucks at iba pang coffee shops ay lugar na pwedeng magtutorial ng ingles at iba pang wika. Tinatangkilik ito ng maraming babae sa kolehiyo at trabaho dahil “safe” ang pakiwari sa paligid. Neutral din daw itong lugar sa imbitasyong mag-usap ang lalake at babae. Kapag sa Italian o French restaurant ay imbitasyon na rin para formalisahin ang relasyon. Kaya kung ayaw ng babae ay tatanggi ito sa, gamit ang kung ano-anong dahilan maliban sa hindi niya gusto o mahal ang, lalake.

Hindi lang kape ang Starbucks. Sa isang banda, espesyalisadong kape ito. Bawat order ng hindi coffee-of-the-day ay ginigiling ang beans para isilbi sa espressong batayan ng bawat order ng latte, cappuccino at frappe. May ibinebentang coffee paraphernalia para sustenidong ipagpatuloy ang Starbucks experience sa loob at labas nito: tumblers, grinders, coffee press, beans, mugs at iba pa. Ang sala set ay tinaguriang “Third Space” sa pagitan ng bahay at trabaho. Mas relaxed kaysa sa trabaho, mas formal kaysa sa bahay. Laking gulat ko nang ang isang kaibigang nagtratrabaho sa Citibank ay biglang pumunta sa counter at sinabing hindi niya nagustuhan ang lasa ng unang higop na Caramel Machiatto, at dagling gumawa ang nadismayang barista ng ibang pamalit dito.

Sa kabilang banda, kape and more ang mabibili sa Starbucks. Hinihimok tayong kumain dahil tunay namang kumakalam ang sikmura kapag apat na oras ka nang nagkakape. May pang-light meals: sandwiches, pastries at cakes. Bagamat kami ng mga kaibigan ko ay nagsasalitang lumabas para kumain nang mas mabigat (at mas masarap) o sila para manigarilyo, wala namang nagpapaalis sa aming pwesto. Ito o ang paulit-ulit na ambient music na mabibili rin sa counter. Habang may nakalapag na produktong may insignia ng sirena ng Starbucks, may karapatan at entitlement sa mesa at karanasan.

Hindi naman rocket science kung bakit namamayagpag ang Starbucks sa bansa sa kasalukuyan. Hindi nga ba’t ang Starbucks ay fixture din sa mga gusali ng call centers na 24/7 na umaariba ang manggagawang may sobrang kita para sa luho ng kape at beer bilang pang-araw-araw na fixture ng pagiging angat sa piniling trabaho at kita? Hindi nga ba’t ang anunsyo ng ekonomiyang statistika ni Gloria Arroyo ay umaangat ang bansa, at kung gayon, patunay nga na may nabibiyayaan ay ang liga ng pila at tambay sa mga super-elite na establisyimento, tulad ng Starbucks?

Na tulad ng bagong Greenbelt Mall na laman ay higanteng shops ng fashion brand names, pero maliban sa nagtitinda ay wala halos katao-taong nagsya-shopping dito? Na kaiba rin sa naging stratehiya ng unang high-end shopping mall, ang Shangrila na dahil nilalangaw at nakakalito ang espasyo ng escalators na hindi tiyak ang floor na kalalagpakan ay kinailangang magpasok ng fastfood, Bench at iba pang so-so na establisyimento at nagsisiksikang mini-carts na outlets sa eskinita para kumita?

Share This Post