Paglalakad sa Commonwealth Avenue

Kakaiba ang pangalang “Commonwealth.” Tunay na legacy ng Amerikanong kolonialismo—nagpapahiwatig ng pag-aaruga sa kolonya ng kanyang amo. Sa mas malaking kabuuan, ang urban planning ng Quezon City bilang kaisa-isang planned city sa bansa ay hango rin sa naunang kolonialismong ito.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 24, July 20-26, 2008

Commonwealth ang pangunahing kalsada sa Quezon City. Tinatayang ang pinakamaraming bilang ng behikular na trafiko ay nandito, lampas pa sa EDSA. At dahil nga ganito, at sa kawalan ng sistema ng elevated pedestrian walks, ito rin ang death highway sa dami ng nasasagasaan araw-araw.

Kakaiba ang pangalang “Commonwealth.” Tunay na legacy ng Amerikanong kolonialismo—nagpapahiwatig ng pag-aaruga sa kolonya ng kanyang amo. Sa mas malaking kabuuan, ang urban planning ng Quezon City bilang kaisa-isang planned city sa bansa ay hango rin sa naunang kolonialismong ito.

Dito dapat itatalaga ang pambansang sibikong sentro ng bansa. Nauna nang naglipatan dito ang National Power Corporation (NAPOCOR), Bureau of Internal Revenue (BIR), Central Bank Printery, at mga spesialisadong ospital (“bopis” nga ang tawag sa Heart, Lung at Kidney Centers).

Kaya rin sa imahinasyon ng naunang city planners, representasyon ng bansa ang pinangarap na kapitolyo. East, West at North Avenues ang pangunahing bumabagtas palabas sa Commonwealth.  Nagtataka tuloy ako kung saan sa orihinal na plano ang South Avenue?

Nandito rin sa laylayan ng Commonwealth ang Mindanao at Visayas Avenue. Natunton ko ang Luzon Avenue makalampas ng Tandang Sora. Makipot at tinitirhan ng maralitang tagalunsod  ito, kumpara sa dalawang kalsada. Ang naudlot na “Republic Avenue” ay nasa gilid ng tirahan ko sa Mapayapa III.

Baroque city plan ang ininbisyon sa Quezon City.  Ang mga maliliit na kalsada ay tutungo sa malalaking kalsada. Ang malalaking kalsada ay tutungo sa pangunahing kalsada ng Commonwealth.  At ang Commonwealth ay magpapadaloy sa sentro ng grabidad ng syudad, ang Quezon Memorial Circle.

Kaya traffic prone ang lugar dahil nga hindi simpleng grid system ang disenyo. Sa grid system, kahon ang bloke at dire-diretso ang mga kalsada. Hindi parang sapot ng gagamba, tulad sa baroque planning.

Sa panahon raw ni Bonifacio, mahalaga ang lugar dahil ito ay isang sentro ng aktibidad ng rebolusyon.  Sa  panahon ng Hapon, ang kasalukuyang pinaglalagyan ng UP ay naging kampo. Sa postwar, naging golf course ang bungad ng campus.

Mura ang karatig-lugar, na sa sweldo raw ng professor sa UP ay makakabili ka ng lote sa karatig-village ng UP, Teacher’s at Sikatuna. Ngayon ay natatadtad na ang mga higanteng lote sa mga bagong-tayong townhouse na milyones ang halaga.  Bagamat ang banggit ng mga nag-canvass ay kalahati pa rin ang presyo sa mas kalayuang Congressional Road.

Maging si Gloria Arroyo ay sinasabi raw na ang asawa niya ang dating nagmamay-ari ng lote ng UP.  Ang naging silbi ng Quezon City ay low-cost housing (mga Project 2, 3, 4, 6, 7 at 8).  At kaya rin nagkakandabuhol-buhol ang mga trafiko at mismong kalsada ay nang maging komersyal area na ang low-cost housing, lumipat sa laylayan ng mga sentro ng syudad ang maralitang tagalunsod.

Bahagi kasi ng low-cost housing ang postwar na plano para sa Manila. Nilalayon maging malapit lamang ang trabaho sa mga pabrika at opisina sa tirahan. At ngayon na nga, wala sa rubric ng relokasyon ang ginagawang demolisyon ng MMDA (Metro Manila Development Authority) dahil tunay na itinatapon lang naman ang squatter sa napakalayong relocation site, kung maililipat man.

Ang nagbunsad ng pag-unlad ng Quezon City ay ang retail shopping. Una sa Cubao na pinagtayuan ng spectatorial leisure (labas sa sabungan) ng Araneta Coliseum. Dito rin naitayo ang unang mall sa bansa, ang Ali Mall na ipinangalan sa world-boxing champion, Muhammad Ali.

Tapos ay ang paghawan ng talahib at komunidad ng maralitang tagalunsod ng ShoeMart North Edsa, na sa kasalukuyang pag-unlad ay kasama na sa sampung pinakamalaking mall sa Asia.

Ang Quezon City ang tinawag ng City Hall na ICT (information communication technology) capital ng bansa. At ito na nga ang tunguhin ng redevelopment ng mayor ng syudad, Sonny Belmonte, ng pagtalaga ng isang malinaw na business district.

Ang centerpiece ng redelopment ay Commonwealth Avenue. Ang mga natitirang bakanteng lote ng UP sa Commonwealth, kasama ng iba pang malalaking lote sa civic center, pati ang mga lote sa magkabilang kalsada ay nilalayon matayuan ng mga bagong building.

Ang impetus ng city development ay call center na negosyo. Pinamunuan ito ng UP na may lima nang call center building sa loteng inupahan ng Ayala Corporation. Nagtayo na rin ng mga gusali ang Convergys sa may St. Peter’s Church (na tunay namang replica ng nasa Roma), at Sykes malapit sa bukana ng EDSA.

Ang pangunahing kliyente sa Commonwealth Avenue ay hindi naman gitnang uri na nakakapagtrabaho sa call center, o mababang gitnang uri na mga empleyado ng pamahalaan. Ang mga negosyong itinatatag sa Commonwealth ay pangmaralitang taga-lunsod.

Ang flagship na negosyo sa kahabaan ng Commonwealth ay ang Ever Gotesco, isang mall chain para sa C-D-E o nakakababang market. Tunay namang jologs ang pantrato sa mallers nito. Mahigpit ang inspeksyon ng guards, mahina ang aircon, sira ang escalators, mahina ang ilaw, at walang bakanteng espasyo dahil sa dami ng pwestong pinagsisiksikan.

At siempre, napakabatayang brands lamang ang matatagpuan sa supermarket. Nang gusto kong bumili ng low-fat milk sa karton, iisa ang ganitong klase sa shelf. Walang virgin coconut oil. Wala ring malalaking oatmeal.

Share This Post