Indie Cinema bilang Kultural na Kapital

May retransformasyon ng kultural na kapital ang kaakibat ng mainstreaming ng indie films. Ang dating indie filmmaker ay ngayon ay inaasahang maging astute marketers na rin ng kanyang pelikula.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Volume VIII, Number 26, August 3-9, 2008

Kung bilang ang pagbabatayan, indie films na ang namamayagpag sa Pilipinas. Sila na ang bumubuo ng bulto ng output taon-taon, nananalo ng awards sa loob at labas ng bansa. Sila ang tinaguriang “shot in the arm” ng naghihingalong industriya ng pelikula.

Kung pagbabatayan ang ikaapat na Cinemalaya ng Hulyo 2008, ang 27,000 nanood sa higit sa 200 indie films ay nagbabadya na mayroon nang deboto, kundi man komunidad, ang indie films. Ito ang tunay na box-office draw sa elitistang persepsyon at katangian ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ito lamang, maliban sa lingguhang pagtitipon ng El Shaddai, ang nakakapuno sa mga venue sa CCP. Indie films ang lumalabas na tunay na ideal market ng CCP—kabataan, culturati na may interes sa pag-unlad ng lokal na sining, willing tumangkilik, at higit sa lahat, magbayad. Ano pa ang hahanapin ng CCP?

Ang indie films ay nakalikha ng sarili nitong niche community. Niche pa lang ito dahil Metro Manila phenomenon, sa pangkalahatan, ang indie films. Bagamat mayroong pelikula mula sa rehiyon, mas ang itinatampok pa sa kompetisyon sa Cinemalaya ay ang sentrong nag-aaproba ng proyekto ng rehiyon o mga pelikulang may rehiyonal na flavor na pinondohan at nakakapasa sa panlasa ng sentro.

At dahil ang base ng komunidad—ang tumatangkilik—ay mga kabataang culturati na nakakapagbayad (kung gayon, gitnang uri na tulad din ng kasalukuyang audience ng lokal na sineng ang bayad ay P80 hanggang P140 kada tiket), hindi lamang sentrong phenomenon ang indie films, ito ay gitnang uring culturati na kaganapan.

Kumbaga sa pagsusuring pang-uri, ito ang pambansang burgesyang may interes sa pag-unlad ng lokal na industriya ng sining, kahit pa nga ito pinopondohan ng media na interes ni Tonyboy Conjuangco, ang patron ng Cinemalaya.

At kung ito ang katumbas ng pambansang burgesya, maliit ang bilang ng tumantangkilik ng indie films. Matapos ng apat na taon ng Cinemalaya, mabibilang ang indie films na nakapasok sa komersyal na venue, ang cinema complex sa malls. Tanging CCP, isang sinehan sa Robinson’s Galleria, at Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute ang may regular na programa ng screening ng indie films.

Ang empasis ng Cinemalaya sa naratibong pelikula ang nagpaunlad ng kasalukuyang “mainstream look” ng indie films. Kalakhan ng sampung pelikula sa kompetisyon ay mayroong diin sa narrative continuity at suture, tulad ng classical Hollywood narrative cinema.

Ang Boses (Ellen Ongkeko Marfil, direktor) ay epektibong nagpaagos ng luha sa manonood, kasama ako. Sino ang hindi maiiyak sa isang inabusong musmos na nakatuklas ng kapangyarihan ng musika ng biolin para makaagapay sa kanyang abang lagay? Na mula sa pagiging walang magawang biktima ng karahasan ng kanyang ama, siya naman ay naging willing na disipulo ng isang demanding na henyo, ngunit may mababang EQ (emotional quotient)?

Nawala na ang jittery movement na gamit ay mumurahing portable video camera. Napalitan na ng stilisadong off framing, panning at tilting movement para mag-simulate ng sinaunang dokumentaryo at new wave look. Sinadya na ang indie look, hindi nanggaling dahil sa indie mode of production.

Ang kinalabasan ay well-polished indie films, o indie films na may mainstream look. Ang tangi na lamang inaabanteng “indie spirit” ay ang paksa—batang inabuso at nakatuklas sa biolin, call center agents na inaanod (o nilulunod?) ng bagong buhay ng sunshine industry, sensualidad ng Ilonggo cuisine, at iba pa.

Wala na ang lingering camera movements ng poverty films at surrealist look na ang artist at manunulat ang pangunahing tauhan. Na-Hollywood-ized na ang indie films, o nagmistulang indie films sa U.S. na nag-aantay ma-pickup ng major studio. Na kaya na lamang indie films ang mga ito ay dahil hindi pa nga naipapalabas—bagamat kahit ngayon pa lang ay nangangarap na—sa komersyal na sinehan.

Share This Post