Kaya rin hindi ako nagtataka kung bakit wala na ang legacy ng social realism ni Lino Brocka at modernistang critique ng gitnang uri ni Ishmael Bernal. Nawala na ang politikal na filmmaking sa bokabularyo ng indie filmmakers. Ang piniling idioma ay halaw sa language ng mainsteam filmmaking.
Tanging ang indie filmmakers na piniling manatili sa laylayan ng laylayan (ang naunang posisyon ng Cinemalaya) ang may nalalabing bisang gamit ng kultural na kapital. Na tila nagsasaad ng sumpa: na kapag piniling maging (tunay na) indie filmmaker, kailangang magpakatotoo sa sarili, na ang sarili ay konektado, sa batayang antas, sa sining, at ang sining ay halaw sa lipunan.
Walang short cut dahil kina-cut short ng mainstreaming ng indie films ang pagpapanatili sa indipendiente at transformatibong sining. Kaya rin hindi kakatwa na CCP ang venue at host ng Cinemalaya dahil tunay na tagapagpadaloy ang institusyong kultural ng estado sa nesesaryong kondisyon ng pangangapital ng estado.
Parang harsh, di ba? Pero alin ang mas harsh: ang kooptasyon ng CCP sa indie films sa direksyong tinungo nito sa paanan ng kapital—may audience pero bawas na ang integridad; may puri pero dulot na ng pagka-pickup nito ng international film festival programmer (kahit pa kinuwestiyun din itong purposiveness ng indie films sa pagiging circuitable sa foreign art market)–o ang kawalan ng market pero may mas angkop sa mas maliitang niche audience na sabayang tumatangkilik at trinatrasforma ng sining?
Dalawang magkausap na representatibo ang boundary markers nitong huli. Sa isang banda, ang figura ni Lav Diaz na nagbukas at nagpanatiling bukas ng panibagong landas para sa indie filmmakers—ang pagtuon ng susing diin sa sining at politika ng pagsasaad nito para sa politikal na transformasyon, hindi man ng politika, kundi ng sining ng politika.
Sa kabilang banda, ang dokumentaryong politikal na film collectives na lumilikha ng indie films (hindi naratibo, hindi feature-length) para sa partikular na sektor ng kilusang masa. Politikal ang panuntunan ng sining at ang sining ay gamit sa politikal na transformasyon.
Ang ipinagkaiba ng nakapaloob sa dalawang marker? na ito sa Cinemalaya ay ang politikal na intent sa indie filmmaking. Pinananatili ang politika ng sining at ang gamit ng sining sa politikal na transformasyon sa panuntunan ng mga figura ni Diaz at political film collectives. Nilulusaw na ito sa Cinemalaya.
Kapag mainstream, wala nang gamit ang kultural na kapital. Mismong kapital na ang impetu ng sirkulasyon ng pelikula, filmmaker at indie cinema. Kung gayon, pangangapital na turing ang mainstreaming ng indie filmmaking.
Kaya sa huli, ang tunay na indie filmmaking ay wala na sa kamay ng estado, kahit may aspekto pa rin ng paggamit dito (FDCP, halimbawa, sa pagbibigay ng pondo sa mga natanggap na pelikula sa dayuhang festivals, at siempre, ang pag-claim nito sa produkto bilang kanya na rin). Ang vanguards nito ay ay pagtungo sa pinakamalayong sulok ng estado, kung saan ito mahina at walang lubos na galamay sa pagpapatagos ng pangangapital nito. Kung saan ang tao ay pinakadahop ang kondisyong panlipunan, at kung gayon, pinakahinog para sa pagbabalikwas.
Ang tunay na indie cinema ay ang pagpanig sa tao at bayang mas nakapanig sa interes ng indie filmmakers, at kasangga sa paglaban sa estadong puno’t dulo ng malawakan at malalimang kaapihan nilang lahat. Ang tunay na indie films ay ang lumalaban sa interes ng estado, at nakakiling sa interes ng mamamayan.
Kaninong kwento ang ikinuwento at ikukwento mo? Alin rin kwento ang papaniwalaan at papanigan ng mamamayan?(Bulatlat.com)
Pingback: Palabas/Pelikula/Kasaysayan/Bayan: A Reading of El Presidente (Mark Meily, 2012) and Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio (Mario O’Hara, 2010) | Ang Mundo ni Jacob Laneria
Pingback: Philippines news: Pambansang sinema mula sa antagonismo at kolaborasyon ng indie at mainstream cinemas | Pinas.Net
Pingback: Philippines news: Pambansang sinema mula sa antagonismo at kolaborasyon ng indie at mainstream cinemas | Pinas news library