Ang Environment ng Gay Cinema

Hindi naman ito nakakagulat dahil sa pamamagitan ng heterosexual na maskuladong lalake muling nabibigyan-pribilehiyo ang historikal na katawang entidad sa diskurso ng gay sa bansa. Sa naunang panahon, ang identikasyon ng bading na desire ay sa batang heterosexual na lalake. Sa kasalukuyang panahon, ito ay natransforma sa bata hanggang batang matandang straight at straght-acting na lalake, pero gayunpaman, maskulado o pagkalalake pa rin, kahit hindi lantad at performatibo na lamang ang heterosexualidad.

Mayroon parating disjuncture sa gay film. Una, madalas sa madalang, hindi nagkakatuluyan ang desire sa kanyang objek. Hindi nagkakatuluyan ang desire ng hayagang bading sa heterosexual na lalakeng objek. Ikalawa, ang moral retribution sa pagiging hayagan ng pagnanasa—tulad sa babae sa bomba film—ay lampas-lampasan naman sa panlipunang problema at kondisyong kinasadlakan ng bading sa gay cinema.

Kaya madalas din sa madalang, hindi happy ending ang bading. Ano ang sinasabi nito? Kahit pa tematiko ang gay cinema, nakapaloob pa rin ito sa mas malaking genre, tulad ng genreng bomba, sa melodrama. Kung melodrama ito, babae ang bida, at ang feminine ang balon ng domestiko at panlipunang anxiedad, at kung gayon, ang reafirmasyon ng feminine bilang mas mababa sa patriyarka ang magiging resolusyon ng anxiedad. Na kahit pa straight-acting ang objek ng desire, feminine naman ang ethos na gumagabay sa paglalantad ng diskurso sa melodrama ng gay cinema.

Inaapi dahil bading, pinaparusahan dahil nagiging lantad ang kabandingan. Na sa huli, ang mannichean dialectics ay nagpaparusa sa kalabisan. Ang kabadingan ay kalabisan na dapat ipulisya kaya pinaparusahan. At dahil ang kaparusahan ay lampas-lampasan sa aktwal na filmikong realidad, ang afinidad ng subgenre ng melodrama ng gay cinema ay horror movie.

Sa horror movie, grotesque ang patayan, lalo na ang destruksyon ng pangunahing buhay, ang objek ng horror, kahit pa sa pelikula ay hindi naman sukdulan ang pagkalaho. Na kahit na napalaho, parating may pangamba na nagpapatuloy pa rin ang terror. Deviant kasi ang turing pa rin sa bading sa gay film, at kung ganito, deviance ang pagiging bading at paguring sa gay life-choice.

Ang pagparusa sa bading ay reinforcement ng tama at mali sa lipunan. Kinakahon sa huli ang bading dahil sa una pa man ay hindi lubos na katanggap-tanggap ang kanyang presensya. May pelikulang bading na namamatay ito sa huli, pinapatay, ginagawang self-referensyal na lamang sa di-bading na aktor at pelikula (tulad sa Jay), at iba pa.

Ang tawag sa self at kolektibong hatred at galit sa babae ay misogynist. Ang ginagawa sa gay film ay ilantad ang bawal (pagiging gay), sukdulang pamamayagpagin sa kabuuan ng pelikula, pero sa huling bahagi ay sukdulan ding ikahon. Hindi ba’t misogynista rin ang turing sa gay at gay-ness sa gay film?

Tulad sa bomba film, fino-foreground ang sexualidad ng kabadingan sa gay film. At tulad pa rin sa bomba film, fino-foreclose din ang display ng sexualidad. Ang pagbasa ng radical potential ay sa labisang pamamayagpag ng display ng sexualidad, kaya nga may afinidad ang bomba sa gay film, o sa mas precise, gay cinema ang panibagong permutation at continuum ng bomba film.

Pinupulisya ang gay character sa pamamagitan ng pagkahon sa labis na display ng sexualidad sa usaping internal lamang—domestiko sa heterosexual na pelikula. Pero kahit sa bomba film, dahil nag-trespass ang babae sa ipinagbabawal, hindi na ito makakabalik maging sa lugar na laan sa kanya, ang domestikong espasyo. Sa huli, ang paglabag nila ang siyang magtatakda ng kaparusahang di na sila kailanman makakabalik sa loob.

Sa gay character, sa simula pa lamang ay itinakda na na ni hindi siya angkop sa domestikong espasyo. Walang role model ang lipunan ng mga masasayang relasyon ng bading couple. Masasaya, at ang korolaryo nito, o malulungkot lamang ang mga bading. Kaya ang internal na usapin ng kabadingan ay sinasabing panloob ng indibidwal lamang. Hindi ito mailalabas dahil kapag nagawa ito, naging rasyonal at batayan para ito itatwa—hindi tanggapin sa loob at labas ng sarili.

Ang internalisasyon ng tensyon ng kabadingan ay ugma sa relasyon ng mamamayan kondisyon ng posibilidad kay Arroyo—hindi angkop na ilabas ang indibidwal na anxiedad kaya kailangang ipailanlang ito sa panloob ng indibidwal, humanap ng sariling resolusyong di makakabagabag sa iba, lalo na sa awtoridad, at sa puntong ito, ang establisyimento at rehimen ni Arroyo.

Maaring mamayagpag sa internal na envrironment ang mga nire-repress, pero hindi maaring ibuyanyang sa publikong spero. Kung ibuyanyang, mayroong self-reflexivity na gamit ang filter ng heterosexualidad na pagkalalake, at kung magpakaganito, may tasitong agreement na maeetsapwera ang feminine at maging maskulinisadong bading. Samakatuwid, pwedeng magnasa ng mas magandang buhay pero di pwedeng ilabas sa publikong spero, kailangan nakakawing sa kondisyon ng posibilidad, kung bakit patuloy na makakapamayani si Arroyo imbis na maudlot ang ehersisyo ng kapangyarihan nito.

Self-policing, self-censorship ng creativity, self-censorship ng mga journalist para manatiling buhay, at self-flagellation kahit hindi semana santa. Pwede pero hindi talaga pwede, hindi talaga pwede pero pwedeng ipwede paminsan-minsan, at kung ganito, pwede-pwede na. Kung hindi sasanga ang gay film sa ibang direksyon, isang maniobra lamang ng negosyo at gobyerno, maglalaho ito parang bula gaya ng miminsanang bisibilidad ng heterosexual na bomba film.

Ni ang sariling pink market nito, at ang nakikitang oasis ng overseas gay market na mahilig sa exotikong kabadingan ng Third Worldly-ness, ang hindi na rin makakasapat. Ang politikal na sexualidad ng kabadingan ang daan para makausad lampas sa exploitative na antas ng gay cinema. Politikal, ibig sabihin, transformatibo sa sarili at lipunan. Politikal, ibig sabihin, may pagtanaw sa mas egalitaryong hinaharap lampas sa mismong ibinubuyanyang ng sexualidad at kabadingan. (Bulatlat.com)

Share This Post