Kahirapan at Kulturang Popular

At ito ang afinidad ng kulturang popular sa kahirapan, ang muling pagtatatag ng gitnang uring fetishismo na magpapasuka sa mababang uring pinagmulan. Fetishismo ito dahil walang panahong mapapatid ang fantasya at tunay (real) na ugnay ng utak (psyche) ng indibidwal sa artiFice na isinusuot at magpapatungo sa kanya sa gitnang uring fantasya. Pag nasimulan ang paggamit ng cellphone, halimbawa, kahit pa nabuhay naman sa isang panahong wala ito, hindi na niya ito bibitawan bilang kabahagi ng marka ng gitnang uri sa kanyang pangangatawan.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Mataas ang antas ng kahirapan sa bansa. Sa konserbatibong tantya, 35.5 porsyento ng pamilyang Filipino noong 1994 ay hindi lamang mahirap kundi nasa abang kahirapan. 47 porsyento ng pamilya sa probinsya ay mahirap. Kung sa populasyon naman ang titignan, 40.6 porsyento ng bilang ng mamamayan ay naghihirap simula pa 1994. Mataas na 53.1 porsyento ay nasa kanayunan.

Ang pinakamayaman na 20 porsyento ng mamamayan ay may hawak ng 52.3 porsyento ng kita ng bansa. Samantala, ang pinakamahirap na 20 porysento ay may hawak lamang ng 5.4 porsyento ng kita ng bansa. Ang kita ng pamilya ay napupunta sa pagkain (37 porsyento), damit at sapatos (3 porsyento), gaas at kuryente (11 porysento), gamot (1 porsyento), edukasyon (14 porysento), at pamasahe at komunikasyon (1 porsyento).

Mas mataas pa ang ginagasta ng pamilya sa Indonesia para sa gamut at pangangalaga sa maysakit (5 porsyento). Ang 20 porsyentong pinakamataas na kumita sa Pilipinas ay may sweldong 14 beses ang laki (P502.1 bilyon) sa 20 porsyentong pinakamababang ang kita (P35.8 bilyon). Ang pinagsamang kita ng 80 porsyento ng mga pamilya ay 44 porsyento lamang ang parte sa kabuuang kita, at ang pinakamataas na 10 porsyento ay may hawak ng 39.3 porsyento ng kabuuang kita.

Kung nawengwang kayo sa pagbabasa ng mga statistika, huwag mabahala. Hindi kayo nag-iisa. Ang epekto ng statistika ay masifikasyon ng mismong masa at ng kanilang kolektibong lagay sa matinding kahirapan. Ang epekto, kahit pa sabihin, mayorya ng populasyon at pamilya ay dumaranas ng kahirapan at matinding kahirapan, ay desensitisisasyon na may dalawang subepekto: sa tumutunghay, ng invisibilidad ng karanasan sa kahirapan; sa nasa lagay ng kahirapan, ng pagkamanas sa matinding pagdanas ng karanasan sa pang-araw-araw. Wala nang epekto, perfekto na—para sa estado—ang epekto.

At itong pagkawala ng epekto ay may sabayang tinutungo: una, ang naturalisasyon sa kamalayan at lipunan ng malawakang kahirapan bilang normal, kundi man, standard ng pang-araw-araw na buhay na nais maibsan, kundi man pagpantasyahang takasan; at ikalawa, ang universalisasyon ng gitnang uring fantasya na nagsasangtabi sa historikal na pagdanas sa kahirapan para sa mantra ng buhay na nagnanais maging kabahagi at mamintina ang pagiging “gitnang uri.”

At ito ang afinidad ng kulturang popular sa kahirapan, ang muling pagtatatag ng gitnang uring fetishismo na magpapasuka sa mababang uring pinagmulan. Fetishismo ito dahil walang panahong mapapatid ang fantasya at tunay (real) na ugnay ng utak (psyche) ng indibidwal sa artifice na isinusuot at magpapatungo sa kanya sa gitnang uring fantasya. Pag nasimulan ang paggamit ng cellphone, halimbawa, kahit pa nabuhay naman sa isang panahong wala ito, hindi na niya ito bibitawan bilang kabahagi ng marka ng gitnang uri sa kanyang pangangatawan.

Ang tinutungo ng fetishismo ng gitnang uri ay ang neoliberal na direksyon ng kasalukuyang kapitalismo. Pribatisado sa antas ng indibidwal ang pagkilos tungo sa gitnang uring panuntunan kahit pa sistematiko ang koersibong paggaganyak sa buong lipunan. Ang resulta, isang mala-liberal na demokratikong formasyon sa kultura: tila pare-pareho ang asta, suot, pagtangkilik at pakikitungo sa loob ng mall, halimbawa, gayong matingkad pa rin ang distinksyon ng uri sa gamit at aksesibilidad sa espasyo nito.

Kung iisipin, ang mga karanasan sa kulturang popular ang pangunahing daluyan ng pribatisasyon ng pagnanasa ng pagiging bahagi sa gitnang uri, at ang pagmimintina, kahit hindi pa nga naabot, hanggang abot-tanaw abot-kamay lamang (at exakto ito dahil kailangang magkaroon ng tila aksesibilidad ang mababang uri para talikuran nila ang kanilang pang-uring interes), ng gitnang uring fantasya. Ito ang fantasya na kahit hindi pa nga nakakamit ay nagtitiyak na ng interes ng naghaharing uri.

Sa panonood ng sine, ang tinutunghayan ay isang mass na produkto ipinapakalat ng media. Marami ang nakaupo sa silya sa madilim na sinehan. Iisa ang direksyon ng pag-upo at nag-aantay ang lahat sa pagdilim na mabilisang maggaganyak sa mundo ng fantasya ng pinakakaasam na karanasan sa pelikula. At mula sa likuran ng manonood, ang ilaw na magdadala ng mga kumikilos na higanteng imahen. Ang pagdanas sa lahat ay mas malaki sa sarili: higanteng mga mukha ng pogi at naggagandahang artista, pati ang kinang ng mga mata at luha ay natutunghayan; higanteng mga suso, mga matitikas na abs; mga higanteng imahen laban sa naglahong kolektibidad ng manonood na hindi man lamang naalaala kung sino ang kasama nila sa panonood ng sine.

Ang pelikula ay mass media, pero ang naratibo nito, kahit pa sa pagiging pangmalawakang mamimili, ay dinaranas mag-isa sa kakatwa at makapangyarihang paraan. Individuated ang pagdanas ng pelikula. Mayroon itong nata-tap sa utak ng indibidwal na manonood mula pa sa pagkamusmos hanggang pagkabata at pagkatanda nito. Sa pamamagitan ng lente ng pelikula, nagno-nostalgia trip ang indibidwal sa sarili nitong nakaraan bilang pagproseso sa mga agam-agam ng kasalukuyan.

Tulad ng daydream, free association ang lahat ng bagay pero ang hindi naman kakatwa, ang indibidwal pa rin ang bida sa sarili nitong pagpapantasya. Bakit naman hindi? Libre lang naman ito, at ang indibidwal ang absentee direktor sa paggawa niya ng kanyang panaginip. Sino pa ang gagawing bida? Siya na direktor at bida ay para ring Barbra Streisand o Kidlat Tahimik production—siya rin ang cinematographer, scriptwriter, production designer, supporting actor, technician, at iba pa, o siya ang lahat-lahat sa kanyang pelikula.

Sa mundo ng fantasya, ang indibidwal ay may tasitong kapangyarihan. Hindi ito ladlad dahil sa aktwal na lipunan, wala siyang kapangyarihan. Na kahit ang ahensyang inaakala niyang mayroon siya sa indibidwal man lamang na antas ay kay dali at kay bilis na kayang kuhanin sa kanya ng aktwal na may hawak ng kapangyarihan. Ang tanging lunan ng kanyang paglaya at pagdanas ng kalayaan ay sa kanyang utak.

Pero hindi rin naman purong paglaya ito dahil pinananatili rin ng mismong agam-agam ng kanyang kakulangan o kalabisan sa pagdanas sa kahirapan ang mismong kondisyon sa kanyang utak para mamantasya. Ang agam-agam ang impetu sa paglaya; at ang paglaya ay nagaganap mismo sa kondisyon ng agam-agam. Kung iisipin natin, parang ang preso ito, na ang materialidad ng kondisyon ng kanyang selda at kulungan ay ang impetus para mamantasya siya ukol sa pagdanas ng kalayaan. Anong romantikong ligaya nga ang hindi maikulong ang utak kahit pa ang utak ay nasa loob ng materialidad ng kulungan?

Mababaliw naman ang preso kapag hindi siya namantasya ng kaiba sa kanyang material na lagay, ang idealismo ng humanistikong indibidwal na umaasam-asam na maging malaya ang sarili. Hindi rin siya mamamantasya ng sado-masokismo—ng aktwal na kadena at paghagupit ng latigo—dahil ang mismong material na lagay at kapasidad mamantasya ay nakapaloob na sa isang sado-masokistang relasyon. Siya na alipin ay nagiging masayang alipin sa kanyang fantasya, o dili kaya’y masayang amo, pero mapagkaanuman ang papel sa laro (role-play) ay parating masaya lang. Kahit ang pagpapahirap—lalo na sa isang sado-masokismo—ay parating isinasaalang-alang sa ngalan ng kasiyahan.

Masayang “alipin” ba ang maller na jologs? O ang reversal, masaya bang maglakad ang taga-Ateneo o taga-Forbes Park sa Payatas at Tondo? Ang kahirapan—aktwal na ipinanganakan at kinasadlakan, o tinungo sa outreach program o kinilala bilang daluyan ng Christian charity—ay ang kondisyon ng pagkaalipin. Epistemelohikal na pagkaalipin dahil minamangmang ang indibidwal ng pagdanas ng kahirapan sa literal na karahasan sa pagdanas nito (kasama ang sistematikong etsapwera-sisasyon ng naghaharing uri, at ang voluntaryong pagtitimpi at represyon ng indibidwal na kabahagi ng kahirapan).

Walang karanasan sa pagkaalipin dulot ng kahirapan ang hindi marahas. Sino ba ang gustong maging mahirap? Hindi naman ito pinili, tulad ng maraming kultural na kategorya (lahi, etnisidad, sex, relihiyon, uri, at kasarian), ang pagiging mahirap ay kinapanganakan ng indibidwal sa kondisyon ng kanyang bansa sa edad ng imperialistang globalisasyon. Ang tangi ngang lunan ng kanyang pag-igpaw sa matinding sistematisasyon ng estado sa kahirapan na burahin at mamuhay ng normal na tila wala ito kahit narito ito, o narito ito para mabili at magamit sa politika na isa pang katiyakan ng pagkabura ng kahirapan, ay ang utak ng indibidwal.

Hindi man nag-uusap, silang naghihirap ay dumadanas ng kaligayahan sa utak sa pagdanas ng kahirapan. May ginto sa basura, kahit sa utak lang ito at hindi sa aktwal na bundok ng basurang minimina araw-araw ng libo-libong mangangalakay. Maging ang mayamang napadpad sa Payatas, Tondo at maging sa mas maliliit na sityo ng maralitang tagalunsod sa estero, pader ng subdibisyon at iba pa, ay nagpapakaalipin sa kahirapan. Umaasta silang mangmang o may kamangmangan, dumadanas din ng karahasan sa pagiging mayamang napadpad bilang turista at tagapamudmod ng charity project sa komunidad ng mahihirap.

Magpapakapagod din sila sa paggawa ng tutuluyang bahay sa proyektong Gawad Kalinga, magbibigay ng pag-aaral hinggil sa diyos at Katolisismo bilang outreach ng kanilang Religion Clubs, mamumudmod ng relief goods kahit wala namang bagyo. Ang kasiyahan naman nila ay sa aktwal na pagpasok sa karanasang kaiba sa kanilang material na mundo: ang pagiging alipin dahil sa pang-uring posisyon na sila ang amo. Maging ang paglalakad sa kalsada sa labas ng kanilang pribadong eskwelahan o subdibisyon, sa laylayan ng mall centers, ay pag-aastang mababa sa aktwal na mataas nilang pang-uring lagay.

Kaya sila ang biktima ng cellphone snatching, at ang permutasyon nito sa notebook snatching. Habang sila ay nagtra-tralalala sa kanilang paglalakad, nakakaligtaang sila ay nasa poder ng mas malawakang pagdanas ng kahirapan—wala sa loob ng santwaryong alok ng kanilang sari-sariling poder—nilalapastangan ng lumpeng indibidwal ang kanilang pribadong pag-aari at ang kanilang pribadong pagdanas ng aktwal na pagkatao.

At magiging laman na naman ito ng urban legend at balita hinggil sa persepsyon sa mababang uri at sa kahirapan, batayan para sa mas higit pang sistematisasyon ng etsapwerasisasyon ng mga ito. Sa pelikula, ang gitnang uring panuntunan ang natutungyahan kahit pa ang kwento ay ukol sa kahirapan. Sa mall, ang gitnang uring panuntunan ang nagsasaad ng indibidwal na pagprepreso at pamamayagpag sa mga sityo at bituka ng konsumeristang espasyo. Sa cellphone, ang gitnang uring panuntunan ang isinasaad kaagad ng modelo, stilo, paraan ng pagsagot at paggamit nito.

At sa likod ng lahat ng pamamantasya sa gitnang uring panuntunan, ang figura ni Gloria Arroyo bilang invisible na kamay na lalong naghihigpit sa taling sumasakal sa mahihirap. Na sa pagsagap ng nakaw na hangin, makakaligtaan ng naghihirap ang kanilang material na estado sa kahirapan. Siya na may responsibilidad na aktwal na palayain ang naghihirap na mamamayan ay hindi niya ginagawa sa labas ng retorikang ampaw. Bakit nga naman niya gagawin? Ang maging mahirap ng nakararami ay pagiging makapangyarihan ng iilan.

Ano ang fantasya mo? (Bulatlat.com)

Share This Post