Karaoke Koersyon: Politikal na Protesta sa Kulturang Popular

Sa karaoke, etika ng partisipasyon ang paglahok ng lahat. At least once ay kailangang kumanta dahil hating kapatid naman ang bayad. Kaya whether-you-like-it-or-not, kakanta ka kahit wala kang boses, kahit nga sapilitan kahit pa alam naman ang etikang ito bago pa man pumaloob sa karanasan ng karaoke. Peer pressure gaya ng pagpili sa karaoke bilang bonding mode ng barkada o office mates.

Peer pressure na nga na pinili itong lugar, peer pressure pa rin sa loob ng lugar. At ayaw ni Peer na may nagmamaganda, ayaw kumanta. Maari lamang magmaganda sa tampok na aktibidad sa karaoke, ang pagkanta. Ok kundi man hinihikayat ang pagkulot ng mga nota, pagiging song bird na bine-belt ang lahat ng bahagi ng kanta o parang acoustic music, the-mellow-touch.

Koersibo ang karaoke kahit walang nakatutok na baril. Hindi nakakapanghimok ito ng kontraryong pagkilos sa loob ng kwarto ng karaoke o sa lounge. Kahalintulad ng pag-alinsunod sa kalakaran sa karaoke ang substansya ng politikal na protesta sa kulturang popular. Hanggang guni-guni lamang ito, at maraming salamat po, doktor. Walang ibang magagawa kundi umalinsunod sa kalakaran.

Ang politikal na protesta ay sa antas ng kamalayan lamang—pagkamulat tungo sa mas malaking kontexto ng partisipasyon at resepsyon sa karanasan ng kulturang popular. At kahit magpakaganito, ang protesta ay hindi lubos na nagaganap: wala namang exteriorisasyon ang guni-guni maliban sa pagkibit-balikat, pag-ismid, paglampas lalo sa tono, at iba pa na maaring masapantaha bilang guni-guni o hindi. Malay at paki! Ang nag-aalumpihit ay ang nasa upuan, at sa utak lamang niya nagaganap ang rali. At tunay na wala ngang natigbak kahit isang bloke sa kingdom nina Sy, Gokongwei at Ayala.

Nagaganap ang pangkamalayang protesta dahil sa antas ng edukasyon hinggil sa pagdanas ng kulturang popular. Sa higit na marami, hindi masisilayan ang pagpupula ng silangan dahil nga walang ibang environment na ipinadadama sa mall maliban ang sterile na perfektong pananghaliang panahon sa mala-kahong establisyimentong nakakapanghilo sa aktwal na panahon sa labas ng mall. At sa kamalayang protesta, di lubos ang kasiyahan sa resepsyon sa mall kahit pa ito rin naman ang sentimiento ng sinumang dumaranas sa kulturang popular.

Parating may sabit para muli’t muling tunghayan ang ideal na perfeksyon sa ritualisasyon ng karanasan. May hibla ang sweater ng karanasan na napapansin pero hindi sapat para hugutin ito dahil baka ito ang hiblang makakapagdekonstrak sa karanasan. Kaya nananatiling lantad na hibla kahit nakakubli ito o sapilitang itinatago. Ano ang hiblang natutunghayan para lamang itago mo? Ano ang pinaniniwalaan mong hiblang bumubuo ng iyong panlipunang relasyon sa kasiyahan ng karanasan?

Sa punto ng industriya ng kultura na humuhubog ng mga produkto at serbisyo ng karanasan, ang lahat ay hindi kakatwang ibinabagay tungo sa higit pang explorasyon ng kasiyahan ng gitnang uring karanasang makakapanghimok ng higit pang pagbababad, pagtangkilik at kontraryong kamulatan (tungo sa pinakabagong produkto at serbisyong mabibili para madanas ang gitnang uring panuntunan, at ang kamulatan—literasi sa konsumpsyon—ay uhay na magpapatindi ng pagnanasa sa higit pang konsumpsyon). Na kahit libre ang malling ay hindi pa rin nakakatakas sa kakatwang ritwalisasyon ng konsumpsyon: nalalaman ang bago para mapasa-konsumer ito bago maluma.
Retrospect din ang pagdanas ng mayorya ng mamamayan sa konsumerismo at karanasan. Napag-aralan na ng industriya ng kultura na ang kulay pula ay nakakapagpagutom kaya ito ang kulay ng mga higanteng fastfood, o sadyang nililito ang mga disenyo ng mall para makadanas ng pagkaligaw at nang sa gayon ay mas maraming shops ang mapasadahan at mas malakas ang pagkakataong mag-impulse buying, na ang gitnang seksyon ng shelf sa groseriya ang pinaka-premium na brands dahil ito ang unang matutunghayan ng mamimili bago magkaroon ng ibang mas murang opsyon sa mas di hayag na bahagi ng shelf. Paano magproprotesta kung ang bawat saglit at lunan ng karanasan ay napag-aralan na tungo sa higit na konsumerismo ng gitnang uring buhay at produkto?

Ang politikal ay higit pang mataas na rekisito ng protesta—nanghihimok ito ng transformasyon lampas sa sarili ng indibidual. Na parang oxymoron ang terminong “politikal na protesta sa kulturang popular” dahil paano mo itratransforma ang isang karanasan ang ahensya lamang ay sa indibidual na antas, at magpakaganito, paano mo naman gagawing radikal ang isang bagay na pinuntirya ng industriya ng kultura at ng gobyerno bilang depolisadong karanasan at pagninilalang—ang pagdanas ng langit ng kasiyahan ng gitnang uring fantasya?

Na hindi nga maaring ipolitisa ang kasiyahang ito dahil ito na ang tripleng negation ng karanasan: una, ang supplanting ng manaka-naka at panandaling kasiyahan para sa mas malaking kalakaran ng wika sa pasakit at pighati sa karanasang kahirapan at elitismo, na ang espasyo ng pagtunghay sa karanasan, tulad ng mall at sine, ay tunay na relief sa historikal at panlipunang realidad; ikalawa, ang pagpapalit ng ahensya ng indibidual sa pagdalumat ng karanasan sa estado na tila partnership ang isinasaad gayong wala naman pakialam ang estado kundi ang paglikha ng produktibong docile subject sa mamamayan; at ikatlo, ang replacement ng karanasan sa kulturang popular sa utopia at praxis ng pagrerebolusyon.

Na kahit nga magkaroon ng kritikalidad sa karanasan, ang mismong kolektibidad ng indibidual na dumaranas nito ay mayroon nang self-reflexive na postura sa karanasan: inside out o may kamulatang panlabas sa pagpaloob, at outside in o may kamulatang panloob sa panlabas. Isang paa ay nasa labas ng pinto ng pagdanas gayong ang isa ay nananatiling sa loob.

Share This Post