Karaoke Koersyon: Politikal na Protesta sa Kulturang Popular

Sino ang may powers na kayanin ang sukdulang disavowal ng karanasan? Sa bansa, ito na lamang ang mga katutubo at mamamayang namumuhay sa sekluded na espasyong di pa rin nababahiran ng karanasan sa modernidad, o ang mga nagrerebolusyong di nakapasok sa mantra ng gitnang uring fantasya ang pagdanas sa kulturang popular. At kung gayon, may kontraryong kosmopolitanismo ang isinasaad ng di pagdanas sa idioma ng karanasan ng pambansang modernidad.

Ang kontraryong kosmopolitanismo ang nagpapatunghay sa kontra-produktibong kalidad ng kosmopolitanismo ng pambansang modernidad. Ang pambansang modernidad ay nakaangkla sa pagpapadanas ng gitnang uring fantasya bilang kalakaran para maitago ang perpetwasyon ng kahirapan at elitismo, kasama ang korapsyon at siste ng patronahe.

Ang kalidad ng kosmpolitanismo ay tungo sa pagkakaroon ng kawing sa aktwal na may hawak ng kapangyarihang politikal at ekonomiya, at ang pagpapalaganap ng pamamatronahe bilang kalakarang panlipunan. Ang panlipunang kapital (social capital) na nagbibigay-diin sa indibidwal na pag-angat sa pamamagitan ng network ng kakilala ang primaryong kalakaran para sa pagnanasang umeskapo sa kasalukuyang mababang predikamento.

Maghahanap ng patron na makakatulong ang mayoryang nasa ibaba gayong ang mga idolo at politiko ay nangangako lamang ng posibilidad ng pag-angat, hindi ng aktwal na pag-angat. At nakakasapat na ang pangako para sa posibilidad para mamintina ang hegemoniya ng kalakarang kosmopolitanismo.

Ang masamang balita, kung gayon, ay walang kalakarang politikal na protesta sa kulturang popular. Walang matagumpay na consumer group sa bansa, walang nagtagumpay na boykot ng mga produkto at serbisyo ng mapanupil na korporasyong nagmamay-ari nito. Napatay si Ka Fort, ang lider-unyon sa Nestle, pero hindi naging malawakan ang panawagan para boykotin ang mga produkto ng kompanyang nagpapalaganap ng karahasan sa manggagawa at unyon nito.

Nagwelga ang manggagawa ng ShoeMart (SM) at Kowloon Siopao pero hindi napatumba ng panawagang boykot ang mga mapanupil na kalakaran ng mga negosyo. At ito ang napagtagumpayan ng negosyo, ang pagdanas sa produkto at serbisyo bilang materialisasyon ng gitnang uring fantasya. Paano mo iisipin na mapanupil ang kalakarang subcontracting at union busting sa SM gayong invisible naman ang operasyonalisasyon nito sa establisyimento.

Kaya pala wala tayong nagiging kaibigang dispatsadora, barista, crew, at iba pa? Dahil naliligwak na sila bago pa man tayo magkaroon ng pantaong relasyon sa kanila, o hindi rin naman araw-araw ang pagtangkilik sa negosyong pinagtratrabahuan nila.

Sa aking childhood memory ng pasalubong na siopao mula sa Kowloon (kahit mas personal kong naging paborito ngayon ang Ma Mon Luk, na iba pa ring nostalgia sa mas matandang edad), o ang peryodikong pagmalling at ang panonood ng sine at pagpapalipas ng oras sa loob ng mall sa panahong may limang oras na blackout sa bansa, at sa ibang pinalaki ng Disney channel, treat ang panonood ng Disney film o ang pagkain ng kiddie meal na mayroong laruan mula sa pinakabagong pelikula ng Disney, ang pasalubong na mahal na Disney na damit mula sa kamag-anak na nakapagtrabaho sa labas ng bansa—paano magiging exploitatibo at pang-uring kaaway ang negosyong nagpapadaloy ng gitnang uring fantasya?

Ang kontraryong kosmopolitanismo ay di lamang nagpapamulat sa operasyon ng gitnang uring fantasya kundi pagpapapatid sa fantasyang ito, nagbibigay ng alternatibong direksyon sa produktibong fantasy-ideal na sumasaklaw sa kolektibong pagpupursigi para sa kabutihan ng nakararami. Saan mabibili, este, matatagpuan ito?

Ang politikal na protesta ay matatagpuan sa labas ng karanasan ng kulturang popular. Hindi ito reaksyon sa operasyonalisasyon ng kulturang popular, pero kabahagi rin ito. Ang kosmopolitanismo ng politikal na protesta ay pagdadala ng agenda (fantasy-ideal) ng organisadong mamamayan para sa pagpapatupad ng hustisya sosyal, ekonomiyang kagalingan, at politikal na empowerment, mga bagay na wala sa pangunahing purview ng estado.

Hindi rin ito “asersyon” (kung matatawag nga ito) ng kasalukuyang civil society, ang paggigiit sa estado ng karapatan para sa civil na karapatan na nakabatay sa definisyon at kalakaran pa rin ng gitnang uring fantasya ng pagkamamamayan. Ang politikal na protesta, kung gayon, ay matatagpuan sa lansangan, kanayunan, kabundukan, sa mga pabrika, komunidad at paaralan nagsusulong ng kilusang mamamayan.

Hindi ko iniisip na hardline ang ganitong panuntunan ng politikal na protesta. Kung iisipin, walang ibang makakapatid sa gitnang uring fantasya kundi ang literal sa pangunahin at figuratibo sa pangalawang usapin na gawaing rebolusyon, ang pagtatalaga ng utopia ng hustisya sosyal, ekonomiyang kagalingan at politikal na empowerment para sa mamamayan, across-the-board o para sa lahat.

Kung iisipin pa nga, hardline na naporma at nasubstansya ang produktibong docile subject na mamamayan sa pamamagitan ng gitnang uring fantasya. Na gaya ng aking paliwanag, ito ay hindi maitatatwa ng simpleng pagtatatwa lamang dahil sa pananakop ng karanasan sa lahat ng spero ng modernong buhay. Na ang mismong kamalayan ay nakolonisa na rin, at hindi rin makakaranas ng lunan na hubad sa karanasan, hubad sa kasiyahan.

Sa karaoke, dalawa ang isinasaad ng pagbabago ng kulay ng sinusundan titik—ang kapasidad umalinsabay, at ang pag-alinsabay na may lakas o tikas ng paninindigan (tandaan ang karaoke score ay nakabatay din sa lakas ng boses). Maging ang politikal na protesta ay itinalaga na lamang sa praxis ng pang-araw-araw at pagtanggap na nga sa pluralidad ng identidad at subject position. Pinasasabay ang hine-herald na identidad para sa asersyon ng ahensya, hindi ng indibidual kundi ng aspekto ng kanyang pagiging subject.

Ang identity politics ay nakatalaga para bigyan-resonance ang alingawngaw ng sarili na hindi ito lubos na natimpi, kahit pa ang episodikong binibigkas nito ay bahagi na ng script sa pagiging—at hindi kailanman magiging lubos—mamamayan. Nasa domeyn ng kilusang masa ang imahinaryong makakabaklas ng gitnang uring fantasya, nakasalig sa utopia ng pagbibigay-diin sa kontraryong kosmopolitanismong hindi binibigyan-ngalan ng gitnang uring fantasya, ang utopia ng sambayanang nakikibaka para sa tunay na ikakalaya at ikakabuti ng mamamayan nito. (Bulatlat)

Share This Post