Ang Pelikula bilang Pabaong Amerikano at Inobasyong Filipino

Si Ferdinand Marcos ang unang epektibong gagamit sa pelikula bilang politikal na instrumento. Integral ang pelikulang Iginuhit ng Tadhana (1965) sa kanyang pagkahalal at ang Pinagbuklod ng Langit (1969) para sa kanyang reeleksyon. Ang nauna sa kanya, si Diosdado Macapagal ay gumamit ng The Macapagal Story (1963) at Ang Daigdig ng mga Api (1965), ang bio at campaign movie na ipinantapat sa biofilm ni Marcos, at idinirek nina Lamberto Avellana, Eddie Romero at Gerardo de Leon, mga importanteng figura na magiging National Artists sa hinaharap. Si Gerry de Leon din ang nagdirek ng kasabayang pelikula ni Marcos. Ang sinimulang produksyon ng biofilm sa panahong ito ay mamamayagpag sa susunod na mga pambansang eleksyon sa post-Marcos era, na may resultang hindi katagumpayan. Bawat mahahalagang politikong nagnais mahalal bilang senador at pangulo ay nagkaroon ng biofilm, tulad nina Ruben Torres at Alredo Lim. Ang pinakamatagumpay na gagamit ng pelikula para sa politika ay ang mga ikonikong artistang hinubog ng sarili nilang studio, sina Joseph Estrada at Fernando Poe, Jr. na ang substansya ay ang kolektibong identifikasyon sa inaaping masa. Kakatwa na mula sa pelikulang bakbakan nanggagaling ang kasalukuyang mga senador, kasama ang second-generation na action stars, tulad nina Lito Lapid, Bong Revilla, Jr., at Jinggoy Estrada.

Ang kasaysayan ng pelikulang Filipino, dulot ng simulain at pabaong ng Amerikanong kolonialismo, ay kasaysayan ng politika at politikal na ideolohiya. Ang isa ring ginawa ng postwar na pamamayagpag at pagiging global na dominant ng Hollywood films ay dalawang bagay: una, panghinain ang lokal na industriya ng maraming bansa, kasama ang Pilipinas sa huling bahagi ng 1990s, at pag-takeover ng Hollywood hindi lang sa boxoffice kundi pati na rin ang mimicking ng lokal na pelikula sa narrative conventions ng Hollywood films; ikalawa, ang umiigting na softselling ng Hollywood sa ideolohiyang Amerikano na dati ay pumapabor sa Cold War na naging neoliberal rhetorics sa kasalukuyan, o ang pamamayagpag naman ng ideolohikal na cover ng Amerikanong pragmatikong ideolohiya sa kanyang global war on terror na nag-iwan sa bansang ito bilang natitirang global hegemon sa militar na usapin. Hindi kakatwa na matagal nang naging global hegemon ang pelikulang nito, ang Hollywood, bago pa man maabot ng US ang pagiging pinakamilitaristikong kapangyarihan sa mundo.

Ang huli kong nais tumbukin ay ang isa pang inobasyon ng lokal na industriya ng pelikula sa Hollywood—ang pagsasalin ng kolektibong ethos sa pribadong karakter at bida sa pelikula. Sa pamamagitan ng melodrama na matatagpuan sa lahat ng genre ng pelikula—mula social melodrama hanggang aksyon na ang bida ay lalake, sa bomba film hanggang sa horror film—ang anxiedad ng kolektibo ay natutunghayan, mapapalawig pero sa katapusan ng pelikula, magkakaroon lamang ng rekurso, tulad sa panlipunang antas, sa indibidwal na resolusyon. Mabigat ang mga pelikulang Filipino—kung bomba, ito ay ukol sa gahasa at kahalayan ng babaeng bida; sa aksyon, ang pang-aabuso sa moral na lalake, at ang kanyang panunumbas at paghahanap ng katarungan—na sa kabigatan nito, o ang kapasidad na ilahok ang historikal sa indibidwal na problema, ay hindi kailanman lubos na natutumbasan ng pagwawakas ng pelikula.

At ito ang pelikulang pinapanood ng marami, kahit pa naging tunay na gitnang uring karanasan ang aktwal na panonood sa multiplex na sinehan. Sa kasalukuyang indie cinema at ang propensidad nitong itampok ang mga karakter na latak sa pinakalatak, ito ang governmentalidad o ang kalakaran ng kalakaran ng governance, o ng maigting nitong failure sa buhay ng mamamayan ng bansa sa pang-araw-araw na pagdanas ng kanilang buhay. Kung sa panahon ng golden age ni Marcos ay natutunghayan ang dialog sa diktadura—dahil wala namang hayag na bumatikos sa martial law nito—sa pamamagitan ng affect ng masisikip at claustrophobic na lugar at mga mabubuting taong lumulubog unti-unti sa kumunoy ng panlipunang kasadlakan, ang kasalukuyang pelikula ay nagdadala sa usapin ng mas matingkad na voyeurismo, dahil sa kasalukuyang dispensasyon ng kapangyarihan, sa imeldific legacy ni Imelda kay Bayani Fernando, halimbawa, nililikha ang naghihikahos na mamamayan bilang invisible. Ang melodrama sa pelikula ang nagpapakita na hindi ito lubos na nagaganap.(Bulatlat.com)

Sipi mula kay Jose B. Capino, “Prsethetic Hysteria: Staging the Cold War in Filipino/American Docudrama”

Share This Post