Haranang Handog sa Isang Aktibista, Hinahamon ang Tadhana

NI E. SAN JUAN, JR.
Inilathala ng Bulatlat

Pambihira ka

Matatag matingkad mabagsik ang luntiang apoy sa iyong mga mata
Habang dumadampi ang hamog ng umaga
Sa iyong pisnging hinog sa pangarap ng masamyong kinabukasan—
Nagliliyab ang iyong tapang, nakapapaso ang dingas ng iyong determinasyon—

Nabighani sa sanghaya ng iyong dangal at sa panaginip
Nangahas ang kaluluwang lumantad madarang, nahimok ng kung anong bagwis
Ng tukso sa bulong ng iyong labi’t galaw, dagling naligaw sa paglalakbay—
Walang sindak mong binaybay ang karimlang mapanganib
Namumukod sa madla, lumilikha ng landas tungo sa liwanag….

Kahit sumabog ang pulbura sa larangang binagtas ng iyong budhi, wala kang takot
Hawak ang sulo ng katarungan, sumusugod ka– O mapusok na anghel ng bukang-liwayway, Bumabangon sa iyong bisig at kamao ang masa mula
Sa kasawiang-palad upang bawat nilalang ay magkaroon ng pambihirang katangian—
Upang maging pangkaraniwan ang iyong pambihirang giting at kariktan—

O Paraluman ng pag-asa’t pagnanais, sisikapin kong ipagbunyi ang dahas ng iyong

kabayanihan

Ang bungang inihasik ng talim ng iyong pagpapasiya

Bagamat baliw akong nakasubsob sa hiwagang masalimuot,

pinagtalik ang kapalaran at tadhana,

Walang makapipigil sa iyo, matatag at mabagsik na luntiang apoy ng himagsikan,

humahagibis ang katawan mong lumalagablab

yapos ang bulalakaw ng katwiran

at halimuyak ng kasarinlan.

Inilathala ng Bulatlat.com

Share This Post