Pagkain, Heograpiya at Etnisidad

Kumpara sa kapayakan ng pakbet ng Ilokano ang kabonggahan ng relleno ng Kapampangan. Maaring bangus at palaka ang nirerelleno. Ang morcon at embotido ay kahalintulad na preparasyon ng relleno. Ang mga sahog sa relleno ay giniling na baboy, pasas, embodito, patatas, carrots, tinapay, at iba pa. Mas maraming sahog, mas magarbo ang resultang pagkain.

Metikuloso at takaw sa panahon ang paghahanda at pagluluto ng relleno. Kung bangus ito, kailangan pisilin ang kalamnan ng isda hanggang sa maging gutay-gutay ito. Ilalabas ang mga tinik at laman, babanlian ng tubig, kundi man pakukuluan nang maluto at as madaling paghiwalayin ang laman sa tinik. Matapos ay igigisa ang laman sa bawang at sibuyas, at ihahalo ang iba pang rekados. Y’ung iba ay nilalagyan pa ng pickles para mas maging malasa.

Matapos ay muling ipapasok ang nalutong stuffing sa halos balat na lamang ng isda. Tatahiin ang tiyan at irorolyo sa harina, kung nanaisin. Babalutan ng dahon ng saging o aluminum foil at ipipirito. Deep fry pa nga para mas pantay ang luto. Hihiwain bago isilbi, at ang pinakapremyadong bahagi ay ang matatabang tiyan.

Matutunghayan na may panahon at pambili ang nagluluto ng relleno. Hindi naman ito kakatwa dahil mas malalim ang pyudal na relasyon sa Pampanga at Central Luzon. Malalaki at mayayaman ang lupain. Nasa tabi ng pampang kaya may steady na supply ng patubig. At mula sa heograpiyang ito, umunlad ang pang-uring relasyon ng mga magsasaka, artisano at panginoong maylupa.

Ang nagluluto ay ang mga artisanong ang spesyalisasyon ay pagluluto. Tulad ng mga artisanong gumagawa ng Kapampangang parol o ang manlililok ng mga santo’t mwebles ng Betis, ang mga cook ay isang spesyalisadong gawin. Fulltime rin kumbaga dahil mayroong may pera at kapital na may kapasidad na makapagbayad ng serbisyo para sa ganitong kakayahan.

Magarbo ang kulturang Pampanga dahil may pisikal at panlipunang heograpiya na sumusuporta nito. May yamang nalilikha ang lupa, at sobra-sobra ito para makapamili ng serbisyong susuporta sa produksyon ng yaman. Kasama na rito ang spesyalisadong cook, tagaluto ng minatamis, tagagawa ng atsara, kakanin, at iba pa. Kung iisipin pa nga ang iba pang lutong Kapampangan—kare-kare, enselada, embotido at morcon—kahanay lang nito ang Negrense sa kagarbohan ng pagkain.

May presentasyon pa ang parehong pagkain. Hindi tulad ng iisang kulay ng lutong pakbet. May kulay, may packaging, may kasiyahan dulot ng abibo’t aksesorya. May partikular na kubyertos, plato at lalagyan ng mga pagkain. May eskaparate na nga na mwebles para paglagyan ng mga gamit sa pagkain. At tandaan, hindi lang simpleng mayaman ang kalidad ng pagkain ng Pampanga at Negros—ang mga kilalang pagkain ng etnikong grupo na tinatangkilik ng mga nasa labas sa grupo, sa partikular, ang mga restaurant sa Manila—mayaman din ito sa kolesterol, asin, taba at iba pang peligro sa kalusugan, kung masosobrahan.

Share This Post