Pagkain, Heograpiya at Etnisidad

May biro ang isa kong Kapampangan na guro na ang San Fernando raw ang may pinakamaraming bilang ng klinika, ospital at testing stations sa buong bansa dahil nga sa dami ng may sakit sa puso, dugo at iba pang internal organs. Hindi nga rin ba ang isang status ng pagiging maykaya sa buhay ay ang pagiging mataba? May yaman kasing makabili ng mamahaling pagkain, hindi manwal ang trabaho, at ang konsepto ng pagkain ay lampas para mabuhay lamang.

Kakatwa ang pagkain dahil ito ay may turing na ramdam ng panlasa. At hindi lamang simpleng pagkain ang nilalasan, kundi ang akses sa mga marka ng makalidad na buhay—sariling bahay, katiwala, edukasyon, travel at bakasyon, at iba pa. Ang panlasa rin ay may kasungitan dahil ang kahalintulad na gawain nito ay gatekeeping o pagbabantay at pagproprotekta ng poder.

Kung gayon, kahit pa pangunahin ang pyudalismo sa kaayusang pang-ekonomiko ang humubog sa mahabang kasaysayan ng Pampanga at Ilokos, at sa mamamayan nito, magkaiba pa rin ang pagdanas dahil ang etnisidad ay nakapaloob din sa makauring relasyon sa mga lugar na ito. Ang heograpiya ay hindi lamang ukol sa bundok, ilog at hagin, ito ay ang lokasyong napapatagos ng karanasan ng bansa sa imperialismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Na kahit mayaman ang Filipinas ay naghihirap ang nakararaming Filipino. Na sa kalahating milyong mamamayang nagugutom araw-araw, hindi pa pagkain ang nagbibigkis ng pagkamamamayan. Sa ilalim ng rehimeng Gloria Arroyo, nagkakaisa ang Filipino sa pagdanas ng matinding kagutuman. (Bulatlat.com)

Share This Post