Toast to Summer

Kaya ang sinasaad ng ad ng Penshoppe ay kakapitbisig ng Bench at iba pang fashion at consumption brands. Nanghihimok ang mga ito na kumonsumo, lumikha ng natural na koordinasyon sa pagpapalit ng panahon sa higit pang konsumerismo. Partikular nga lang sa Penshoppe, itong mga pretty alien-looking na kabataan, at ang subtema ng romantikong pag-ibig, na hindi kasing narsisistiko ng individual na modelong hubad ng Bench.

Ang isa pang sinasaad ng “toast” ay “patay.” Na kung iuugnay pa rin sa campaign ay nagsasaad ng estetisadong kamatayan sa konsumerismo—ang tostadong modelo bilang patay na pinaglalamayan sa summer. Na sa kondisyon ng lipunang Filipino, silang nakakaangat ay hindi maaring kumilos sa labas ng inklusibo at pribadong mundo ng kanilang gitnang uring karanasan. Na ang imahinaryo ay hindi makabuluhan sa tunay (real).

Saan silang mayayaman may aktwal na pagkamamamayan maliban sa kanilang pribado—bagamat makapangyarihan—na mundo? Ang fantasya ay hiwalay sa tunay, na ang historikal na realidad ay nakapagluwal at nakapagpaunlad ng fantasgorikal na mamamayan. Patay dahil pinapatay nila ang historikal para bigyan-pribilehiyo ang fantasya.

Na kung iisipin, ang pangunahing toast ng bansa ay si mismong Gloria Arroyo dahil sa pagpapanatili niya ng makapangyarihang variation sa tema ng kapangyarihan—ang deadma na aktityud na naghuhugas-kamay at puri sa kanyang masibong koleksyon ng kaso ng korapsyon at pagkabangkaroteng administrasyon. Toast dahil nanghihimok na matosta rin ang mga tao sa estetika ng pabalat na bumabalot sa bulok na siste.

Ang summer lang ang tino-toast dahil ang tag-ulan ay magkatambal na biyaya at sigalot ang kaakibat na dulot. Tino-toast ang singularidad ng panahon—mainit lang forever—at ang singularidad ng homogenisadong karanasan ng gitnang uri. Toast to summer, tostadong tag-init gayong ito rin ay dead summer, patay na tag-init.

Minamarkahan ang hubad na tostadong katawan, at kung gayon ay walang kinalaman ang damit sa pagkatostado ng katawan. Gayunpaman, ang katawan ang aksesorya ng produktong konsumerista. Props ang katawan para sa brand na damit. Pero ito ay mannequin na katawan, kundi man bangkay na. Magandang kamatayan, at ang bangkay ay integral bagamat insidental sa pang-araw-araw at pambansang karanasan.(Bulatlat.com)

Share This Post