Lakan ng Parokya 2009

May dalawang kontestant na paborito kung pagbabatayan ang tili ng audience. Ten percent rin ng score ang audience impact. May tarpaulin pa ang isa na laman ang mga studio shots ng kontestant. Moreno ito. Iyong isa naman ay may placards na nag-aanunsyo ng pangalan. Tisoyin ang isang ito. Parehong di naputungan ng titulong Lakan ng Parokya 2009 ang dalawa.

Natalo sila ng isang Pinoy ang hitsura, matikas maglakad (ang iba kasi ay kakabinata pa lamang na hindi pa kumportable sa katawan), at may sponsor para sa iba’t ibang costumes. Matatas din itong nakasagot sa napakahalangang q-and-a portion. Masaya siya dahil siya rin ang isa sa magiging escort ng isa pang beauty pageant na inaanunsyo nitong gabi—ang Hiyas ng Quezon City.

Ito ang katawang kapital na tampok sa kabataan. Sa pamamagitan ng beauty pageant—rurok ang pagiging kontestant kahit pa may pagpribilehiyo rin sa mga iba’t ibang edad na may halay sa pagsasayaw—naiinternalisa at normalisa ang kalakaran na paggamit ng katawan para makaangat sa lipunan. Sa kaso rito, ang lipunan ng KNL bilang representasyon kundi man isang pagkakataon ng ehersisyo ng mediang lipunan.

Na sa isang pagkakataon ay feeling matinee idol ang mga kontestant, kundi man lima sa pito ay magiging Lakan at ang kanyang mga konsorte. At sa pamamagitan ng katawang kapital na ito, maaring mapaunlad sa panlipunang (sosyal na) kapital. Dahil ang beauty pageant ay pinopondohan at pinapaligiran ng sponsors—tarp sa politiko, magulang at bading sa gastusin ng kontestant—gamit ang katawan para maka-attract ng mga kakilalang makakatulong sa layunin ng panlipunang pag-angat.

Ang sosyal na kapital ay pangangalakal sa kung sino ang kakilala para maging katulong at kabahagi ng aspirasyong makaangat sa lipunan. Ang katawan ay sentral sa networking. Hindi ba’t ito ang dinadamitan—o hinuhubaran—sa beauty pageant? Ito ang batayan ng score, na sa personalidad (tikas, boses at pakikitungo) ay kayang pabagsakin ang mahalagang q-and-a.

At ipinapaalaala sa manonood ang kasaysayan ng katawan ng Lakan. Nandoon ang mga dating nanalo, at nagkaroon sila ng pribilehiyong makaakyat muli sa entablado. Nandoon ang paulit-ulit na pagpapaalaala sa mga sponsor ng gabi—kura paroko, kapitana ng baranggay, dating kapitan, at kung sino-sino pang mahalagang tao sa komunidad. Nandoon ang pagdambana sa Lakan 2009 at ang kanyang konsorte.

Balita ay mulat ang parish na magtaguyod ng Lakan at ang katumbas nito sa mga babae bilang paraan ng pagrekruta ng paglahok sa gawaing simbahan. Ibig sabihin, maging ang simbahan ay aktibo sa paggamit sa katawang kapital bilang lunsaran ng sosyal na kapital (hindi ba’t ang “sosyal” ay referensiya rin sa pagiging high class, at kung gayon ay ang substansya ng high society sa produksyon ng kapital?).

At ito na ang mga pagpapahalagang titingalain ng mga henerasyon ng kabataan—paano literal at figuratibong magamit ang kanilang katawan, maging ang katawan ng iba, para sa sariling pag-angat? Sa isang banda, paano huhulmahin ang katawan para magkaroon ng marka ng gitnang uring panuntunan? Sa kabilang banda, paano kakasangkapin ang katawan para matupad ang aspirasyong panlipunan?

Dito, hindi lamang tampok ang utak o skills. Mas higit na tinatanghal ang pisikalidad—dinidispley ang katawan bilang pisikal na lahok sa aspirasyong makaangat sa lipunan. At sa kitid ng lagusan sa mobilidad sa administrasyong Gloria Arroyo at estadong Filipino, mas kailangang mag-sing-and-dance ang katawan ito para mabigyan ng pansin, kundi man makaapak palampas sa iba pang kumakasangkapan din sa kanilang katawan.

“Ingatan ang katawan,” ayon sa nagtatanghal na machong pagkalalakeng grupo ng Hagibis. Ingatan para mapagkakitaan. Ang pag-iingat ay nakalahok sa pagtingin sa katawan sa purong pisikalidad nito. Nagpapabili sa pinakamataas na bidder. Na nagpapahiwalay sa nosyon ng katawan sa lakas-paggawa. Hindi na kailangang may kapangyarihang makagawa ang katawan, kailangan lang ng katawan ng—gitnang uri o purong imahen ng—pisikalidad.

Kaya sa huling pagtutuos, ang dinidispley na costume at personalidad ng mga kontestant ay ang katawang walang kapangyarihan, kundi man sumuko na, sa lakas-paggawa. Katawan ito ng imahen ng katawan mas madaling mabili sa pamilihan ng kapitalismo sa bansang ito. Mabuhay ang Lakan 2009 sa kanyang pagkahirang, at ang kamatayan ng kanyang kapangyarihang makapag-akda ng konkretong kasaysayan. (Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. wala akong naintindihan dahil hindi tungkol sa larong arnis

Comments are closed.