Sex Video Scandals ni Hayden Kho

Ni ROLAND TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat

MANILA — Ito ang laman at laman-loob ng balita. Lahat na lamang ay binubusisi — mga babaeng kalahok, paraan ng pakikipagsex; camera angle; sexual na posisyon; reaksyon ni Vicky Belo, ang aktwal na karelasyon ng lalake sa video. Lahat ay may opinyon. Lahat ay gustong pumapel para sa 15-minutong kasikatan ni Hayden Kho — ang Senado, liderato ng pulisya, talent managers, GMA na mother studio ni Katrina Halili, isa sa mga babaeng kalahok sa sex video scandals, at iba pa.

Iba ang skandalo na dulot ng bagong teknolohiya. May misteryong kalahok. Di nga ba’t ang sinasabing sex scandal ni Marcos at ng Amerikanang artista, si Dovie Beams, ay naipalaganap sa pamamagitan ng audio-tape sa DZUP? Hindi na lamang tsismis, dahil may patotoo ang media sa aktwal na kaganapan. Nandiyan din ang iba pang sex video na naipalaganap sa pamamagitan ng Bluetooth at forwarded video sa cellphone.

Hindi skandalo kapag voluntaryo itong inu-upload ng mga kalahok, tulad ng dumaraming kabataang lalake na nag-a-upload ng cellphone video nila sa iba’t ibang internet sex video sites. Pero karamihan dito ay ang kalahok ay ang isang individual lamang. Walang kaeska-skandalo kapag willing ang kalahok o mga kalahok.

Ang nosyon ng skandalo ay kapag may malisyang dulot ng panloloko, pagtataksil, akusasyon at ang reaksyong pagsasawalang-kibo, at kung magsalita, walang remorse kundi man mag-failure-in-judgment mode lamang. Eskandalo dahil may illicit na bagay na ginawa, hindi lamang illegal. At dahil bawal itong bumuyanyang, nag-trespas ang event sa angkop nitong lunan.

Maging ang reaksyon sa skandalo ay patuloy na nagpapabaga sa orihinaryong skandalo: hindi dapat manisi ng iba, hindi maghuhugas-kamay maliban para akuin ang pabalat na aspekto ng pagkakamali, at dapat wala nang iba pang video at event na lalabas pa. Wala nang pagmamalinis dahil illicit nga ang event, paraan ng pagpapalaganap nito, at paraan ng pagtunghay nito: ang idea na ang manonood ay nanonood ng bagay na dapat ay hindi niya pinapanood, na pwede kang arestuhin ng Optical Media Board sa pagkakaroon ng kopya at kaalaman sa sex videos.

Tinext ako ni Tom, isang professor sa UP Visayas, na magpalitan ng idea hinggil sa sex videos ni Kho. Bakit daw nahuhumaling ang mga tao sa skandalo? Napaisip ako at nag-text-back. Sa pamamagitan ng skandalo, narereafirma ang ating abang lagay—na silang nakakataas sa lipunan ay mas masahol ang buhay, mas di stable ang panlipunang posisyon ng mga nasa kapangyarihan, na maari rin silang magkamali at maging dahilan ng kanilang pagbagsak.

Trahedya-in-the-making ang sex scandals. Trahedya dahil ukol sa batayang kahinaan ng taong nakakataas sa lipunan na magiging kadahilan ng kanilang pagkakamali at pagbagsak. Pero sa skandalo lang ito sa great literature at texts—mga diyos at diyosa, si Dr. Frankenstein, Adam, San Pedro, at iba pa. Sa kasaysayan naman ng skandalo sa lipunang Filipino, ang trahedyang nilalang ay hindi absoluto. Kung may ekonomiya at politikal na kapangyarihan ang kalahok, hindi siya/sila absolutong mapapabagsak.

Tama si Tom. Voyeurismo ang kasiyahang dulot ng pagtunghay sa sex videos. Pamboboso dahil isang sexual act ang tinutunghayan na bawal. Bawal sa Katolikong lipunan ang sex sa labas ng kasal, pero ginawa ito sa mga kaso ni Kho. Bawal sa lipunan ang non-missionary position sa sex, bawal ang vine-video ang sarili habang nakikipag-sex. Bawal ang multiple sex bago nga ang kasal.

May kasiyahang dulot ang pagtunghay sa bawal. Mas maliit na kasalanan naman dahil tumutunghay lamang, hindi aktwal na kalahok sa sex videos. Na hindi hiwalay sa conspiracy ng paglusaw ng politikal na subjectivity sa malling, panonood ng commercial cinema, pagvi-video games at arcades, at iba pang aspekto ng kulturang popular. Tumutunghay, hindi naman ikaw ang aktwal na namamatay at pumapatay sa computer games, internet chats, pelikula, malling at iba pa.

Ang kakambal na mukha ng voyeurismo ay pagiging exhibisyonista. At tunay namang enjoy si Kho sa kanyang conquest videos. Masasabi rin na ganito ang reaksyon ng mga babaeng kalahok. Ang pagkakaiba nga lamang, si Kho lamang ang may cinematic powers, ang kapasidad na kumuha ng imahen at bigyan-ngalan at puwang ang mundong kinukunan ng imahen. Siya lamang ang may alam na direktor pala siya nitong sex videos.

Sa madaling salita, ang mga babae na walang alam at complicity ay dumaranas ng biktimisasyon sa kapangyarihan ni Kho na idirehe ang kanilang buhay noon (sandali ng sex, na hindi naman tinataguriang illicit kung sila-sila lamang ang gumanap at nakaalam, na parang ang metapisikal na problematiko na “hindi ba nahulog ang puno sa gubat kung walang nakarinig ng pagbagsak nito?”) at ngayon (sandali na nabuyanyang ang sikreto sa publikong spero).

Kay bigat na pasanin naman ito sa mga babaeng kalahok sa videos! Inisip ko, kung lalake ang mga kalahok sa sex videos ni Kho, magkakaroon pa rin ba ng exploitasyon? Hindi rin, dahil kapag ang consensus ay sa sex lamang, ang videos ukol sa sex ay nananatiling bawal, at lumampas si Kho sa panununtunan ng dapat at di dapat, kahit pa sa unang instance ay di naman talaga dapat nangyari ang sex.

Pero walang batas na nilabag ang pag-engage sa sex act. Bawal lamang ito sa moral na uniberso ng Katolisismo at Kanang konserbatismo. Ang pagkuha ng video sa sex act ay hindi consensual, pero mahirap patunayan ito. Ang pagbuyanyang sa publikong spero ng sex videos ay hindi rin pornographic dahil hindi naman ito ukol para sa kita o sistematikong panghihikayat ng libog. Marami rito ay individual na konsumpsyon lamang.

Ang sinasaad din ng sex videos ngayon ay ang proliferasyon nito sa internet. Hindi ito lubos na masusukol dahil maraming sityo ang internet, hayag at mapagkubling sites, at hindi ito kayang i-monitor lahat. Naalaala ko ang firewall sa mga ilang lugar, tulad sa UP, pero kahit may firewall, pwede kang tumungo sa mga blog at iba pang individual na sites, kung bawal buksan ang YouTube at iba pang mas popular na video engines.

Ang figura ng bawal ay isinakatawan sa sex videos ni Kho ng mga babae. Si Kho ang patriyarkal na figura ng machismo at kapangyarihan. At sino ba si Kho? Na ang dalawang claim to fame ni Kho ay ang pagiging contestant sa isang reality search show, at ang pagiging karelasyon ng isa pang produkto ng media, si Vicky Belo, ang cosmetologist-entrepreneur.

Share This Post