Cory, Dilaw at Iba Pang Paglisan

Na parang siya si Joan of Arc na hinango tayo sa diktadurya, at ibinalik ang demokrasya. O birhen na dinadambana dahil siya mismo ay isang relihiyosong Katoliko. Ang one-dimensional woman mode kay Cory ang nagpalabo ng mga detalyeng makapanghuhusga sa tunay niyang kontribusyon sa kasaysayan.

Hindi maaalaala si Cory sa kanyang mga kapalpakan sa mismong yugto ng kasaysayang ipinagkaloob sa kanya—hindi niya ito binago, pinaigting niya ang paghahari ng ibang faksyon ng namamayaning sistema, inihanda niya ang bansa sa “shock therapy” magja-jumpstart sa paglahok ng bansa sa imperialistang globalisasyon. Lalo na sa kanyang lamay at libing, pasiyam at 40th day, si Cory ay maalaala lamang sa kanyang one-dimensional na pagkatao.

Na isa pa ring uri ng pambansang amnesia—na ang mga santo at mandirigma nito, tulad din ni Manny Pacquiao, at mga sumikat sa ibang panig ng mundo, sina Lea Salonga, Arnel Pineda at Charice Pempengco, ay walang ginagawang masama. Tanging sa positibo lang sila piniling alalahanin sa kolektibong imahinasyon. Si Cory ang bayaning hindi pa napapanahong itumba. Kung si Marcos nga ay dinadakila na sa textbooks ng kasaysayan bilang modernizer ng bansa, paano pa ang negation ng katiwalian ng administrasyong Cory?

Hindi binabanggit ang paglipat ni Cory ng ekonomikong yaman na kinamkam ng Marcos sa dati nitong may-ari. Na kahit nga ang kontrobersyal na Meralco na inulat na naibenta naman daw bago pa man ideklara ni Marcos ang martial law ng 1972, ay muling nabalik sa mga Lopez. Dispalsipikado ang napasang agrarian reform law dahil sa napakalaking butas na nagpapahintulot ng land conversion (gawing subdivision, mall, golf course at special economic zone, at kung ganito, exempted na), at corporaticization (bigyan ng papel na shares ang magsasaka imbes na lupa).

Hindi binago ang ekonomikong sistema sa higit pang kabutihan nang nakararaming nasa abang lagay na nakibaka para sa kanyang tagumpay. Bagkus, maraming kalabisan sa pambansang kalagayan sa kanyang panunungkulan ang sinabing pamana kasi ng mahabang panahon ng diktadurya. Naalaala ko ang kalahating araw na brownouts araw-araw, kundi man gabi, dahil luma na ang turbines at nilusaw niya ang departamento ng enerhiya.

Naalaala kong ilang ulit na nagpahukay, nagpakabit ng tubo, muling nagpahukay at nagpakabit ng bagong tubo ang nanay ko dahil sa kasalatan ng supply ng tubig. Kulang ang supply kahit may pambayad dahil sa lawak ng saklaw ng kawalan ng tubig. Marami sa mga batas ng pribatisasyon na maaproba sa panahon ni Fidel Ramos ay nakonseptwalisa sa panahon ni Cory.

Ang pagbuwag sa monopolyo ng PLDT, at pagpasok ng iba pang telecom companies ay nasimulan sa administrasyon ni Cory. Pero hindi nito binitiwan ang na-sequester na mga kompanya ni Marcos at cronies nito, malaki ang tubo rito. Ito ang shock therapy (na galing sa Shock Doctrine: The Rise of Disaster Capitalism, 2007, ni Naomi Klein) na sa panahon ng matinding pambansang ligalig ay nailulusot ng gobyerno ang pinakamatinding bigwas ng neoliberalisasyon.

Maraming pagbanggit sa Pilipinas sa panahon nina Marcos at Cory ang bahagi ng shock therapy. Sa pinakamatinding yugto ng panunupil sa mamamayan ni Marcos, higit nitong naipatupad ang mga polisiya ng IMF-World Bank. Imbes na baguhin ni Cory ang kalakaran, kahit nagkaroon ito ng pagkakataon sa maagang yugto ng panunungkulan, malinaw na ipapatupad niya at palalawakin pa ang mga kasunduan ni Marcos. Patuloy ang pagbabayad ng utang sa Bataan Nuclear Power Plant, isinabatas ang pag-peg ng debt-servicing sa pambansang budget, mga bagong taxes at utang na pagkukuhan ng pondo ng administrasyon ni Cory.

Dagdag pa rito, pinalawak ni Cory ang suporta sa naghaharing faksyon ng militar, pinolitisa rin ito, gaya ng gawa ni Marcos, para sa pagtataguyod ng politikal na interes ng bagong naghaharing elite sa kanyang administrasyon. Ang pagbe-baby sa militar ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan, lalo na sa termino ni Arroyo. Marami ring kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa administrasyon ni Cory, bigwas ng pag-“unleash” ng “sword of war” nito laban sa pambansang demokratikong kilusang sumuporta sa kanya.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Mas naging malinaw sa akin kung ano nga ba talaga ang naging gampanin ng dilawang si Cory sa pagbabalik ng Demokrasya kalakaip din ang mga patagong taktikang dapat dakutin ng dustpan.

Comments are closed.