Akademya at Indie Filmmaker

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

MANILA — Limang taon pa lamang ang indie cinema sa bansa, pero malinaw na ang demographics ng indie filmmaker: kabataan, edad na di tatanda sa 40, kalakhan ay lalake ang direktor, tapos ng degree sa kolehiyo, at at least, middle-class ang class origin. Tulad sa mainstream cinema, marami ay nag-apprentice lang sa mas nakakatanda, ibig sabihin ay mas senior na filmmaker o lamang lang ng ilang pelikula para matuto ng technical skills. Pero dahil iisa lang naman ang film-degree granting na undergraduate na programa, kahit marami nang sulputan na mamahaling film schools sa Metro Manila at Cebu, marami rin sa filmmakers ay DIY (do-it-yourself) na natuto at paraan ng paggawa ng pelikula.

Kung nag-aral ang filmmaker sa UP Film Institute o sa iba pang film schools, may kakayahan ito sa buhay. Ang film program ang sinasabing ikalawang pinakamahal na degree sa UP, matapos ng medicine. Kahit DIY ang filmmaker, kailangan pa rin niyang makapag-invest sa computer bilang kanyang pwersa ng produksyon. Pero di tulad ng katuwang na artist ng filmmaker, ang manunulat, maari siyang walang day job na pinaghahalawan ng kanyang kabuhayan. Kung mayroon man, rumaraket ang maraming filmmaker, habang nag-aantay ng kanilang susunod na pelikula, bilang programmer, guro ng literatura, editor, cinematographer, at iba pang teknikal na gawain sa kapwa filmmaker.

Di tulad ng kabataang manunulat na kailangan ay may ibang trabaho bukod sa malikhaing pagsusulat, ang kabataang filmmaker ay maaring maging fulltime filmmaker at artist. Sa elite na nabuo ng limang taong indie cinema sa bansa, nakakapag-tap into ang “high-end” filmmaker na ito sa international funding programs para sa kanyang pelikula at kabuhayan. Walang fulltime writer, pero may fulltime filmmaker. Paano nangyari ito? Ano ang papel ng edukasyon at kolehiyong buhay sa pagiging filmmaker?

Ang nangyari sa malikhaing pagsulat at creative writing—na maari nang pag-aralan ang craft at mismong pagkatao ng manunulat mula certificate program, undergraduate, postgraduate hanggang Ph.D.—ay nagsisimula nang mangyari para sa pelikula. Ngayon ay one-year hanggang four years ang filmmaking degree. Mayroong short-courses at workshops ang marami ring institusyon. Sa kalaunan, tila magkakaroon na rin ng MA in Film, mula sa kasalukuyang MA in Media Studies major in Film na programa ng UP College of Mass Communications. Pero hindi kailangan ng degree sa pelikula para maging filmmaker.

Ang DIY filmmaker ay hindi naman mawawala. Malaki ang demand ng indie cinema na makapag-produce ng subgeneration ng indie filmmakers. Dati, ang quest ay para sa Cannes Palm d’ Or, o ang grand prize sa upper crust na international film festival. Una na itong nagawa ni Raymond Red para sa short film na Anino (2000), at muli itong nagawa ni Brillante Mendoza sa Kinatay (2009). At para lang itong mahabang pila sa nag-a-apply sa SM, fastfood, at bars sa Quezon Avenue, hindi nawawalan ng aplikante, o wanna-be filmmaker.

Nandiyan pa ang Venice, Berlin at Toronto—iba pang upper crust film festivals–na wala pang Filipinong pelikula ang nakakapanalo ng grand prize, o ang pelikula at hindi direktor lamang ang manalo sa Cannes Film Festival, tulad nang nagawa ng new cinemas ng Taiwan, South Korea, Hong Kong at maging Thailand. Ang indie cinema ang bagong cultural at social capital ng kabataan sa kasalukuyan: cultural capital dahil may premium, tulad sa job description ng naunang artist na manunulat, poet, fictionist, playwright, author, ang label na “filmmaker;” kakatwa nga na ang indie filmmaker ay mas sikat pa sa artista ng kanyang indie film (o kaya ng filmmaker na makapag-attract ng mainstream actor sa indie film), at social capital dahil maraming nakikilalang mahahalagang tao na makakapagbukas ng mas malaking pinto sa kasalukuyang indie cinema.

Ang indie film ang calling card ng kanyang filmmaker. Nakikilala ang filmmaker sa pangunahin, bilang artist, at kasing lebel nito, ang kapasidad niyang makangalap ng alternatibong pagpopondo sa kanyang pelikula. Mas matalas ang skill ng filmmaker na makapag-raise ng pondo, mas matatag ang fundasyon ng label ng pagiging filmmaker. At lahat ng ito, sa palagay ko, ay nagsisimula pa lamang sa undergraduate program na inaalok ng pagiging filmmaker.

May clustering ang filmmakers batay sa eskwelahan at org (organisasyong) pinagmulan. May UST group na si Dante Brillante ang pangunahin nitong tampok; may Ateneo group na sina Khavn de la Cruz, Sherad Anthony Santos, Alvin Yapan at John Torres ang nabubuo nitong liga; mayroong UP na si Raya Martin, Michael Christian Javier Cardoz, at Pepe Diokno, pawang mga estudyante at graduate ng UP Film Institute ang bumubuo nito. May tatlong film orgs sa UP Film Institute. Bagamat wala namang direktang alyansa nabuo dahil sa pagiging kaeskwela ng mga direktor, mayroong tasitong suporta ang mga institusyon para sa mga anak nito.

Ang dyaryong Varsitarian ay host ng isang film festival na kinatampukan ng mga pelikula ni Mendoza. Nakatanghod ang miyembro ng mga film org tuwing may thesis defense para i-champion ang mga pelikula ng kanilang org mates sa UP Film Institute. Tumatabo ang maraming indie films na na-screen sa unibersidad, tulad ng pelikula ni Alvin at Sherad sa Ateneo. Si Adolfo Alix ay nagturo na sa Pamantasan ng Lunsod ng Maynila, kung saan siya nag-graduate.

Mahalaga pa ang liberal na edukasyon sa pagkahubog ng ethos ng pagiging indie filmmaker. Na kahit pa hindi natutunan ang paggawa ng pelikula sa kolehiyo, ang indie filmmaker ay natuto sa kanyang general at undergraduate education para mabuo ang kanyang pananaw sa pelikula at sining—kung paano ang sining ay tampok na bentahe sa pagiging filmmaker. Kaya napakinabangan ang isang semestre ng humanities at art course, maging ang kurso sa panitikan. Pero ang kakatwa, nakahalaw ang future filmmaker ng bisyon ng pelikula sa mismong panonood ng pelikula—mapa-classroom o DIY na adbentura sa pamamagitan ng available at accessible film piracy market, maging ng mga film festivals ng mga embassies at Cine Adarna.

Dito papasok ang bind ng pagiging kabataan at middle-class na artist sa isang kalakhan ay Third World na formasyon—nabibigyan ng pagkakataon ang maraming individual na makapagkwento, tulad ng tagline ng Cinemalaya, “Ano ang kwento mo?”, pero ano ang kwentong ikinukuwento mo? Saan manggagaling ang materyal ukol sa buhay sa Third World—maski ang denial nito—mula sa kabataan ang aspirasyon ay may afinidad sa kapwa kahenerasyon nito: maging globally mobile, maging parang pelikula ang drama sa buhay, maging sikat at maykaya?

Parang sa pagiging manunulat, ano ang life experience na pwedeng ilako ng gitnang uring kabataang manunulat mula sa karanasan ng kanyang limitadong mundo? Pero sining naman ang pinag-uusapan, at ang sining ay natutunan at naiste-staged. Mula sa naging kabataan ding dakilang direktor na sina Ishmael Bernal at Lino Brocka, naging matingkad ang kanilang career at opus dahil sa kanilang uncompromising stand sa politikal at estetika batay sa partikular na panahon na kanilang ginawan ng pelikula. Na kahit malaki ang compromises sa industrial cinema, ang naiwan pa rin ay ang uncompromised political at artistic doing sa pelikula.

Kaya ang pelikula sa pagiging artist, kahirapan at kabadingan, na paborito pa ring paksa sa Third World new cinema ng bansa, ay hindi nakakalaktaw sa hulmahan nito dahil sa propensidad na ito ay maging hilaw at self-serving venture sa kamay ng kabataang filmmaker. Ang modalidad ng filmmaking, batay sa demographics ng filmmaker, ay nagsasaad na nang kasalatan sa worldview na nagbabawas sa artistikong kagalingan. Ang pagiging artist ay pagiging consumed sa sarili—sarili bilang pakikipagrelasyon sa kapwa na matingkad parati ang sarili.

Kaya ang suhestyon ng pilosopong si Michel Foucault ay parang ganito: the less one loves oneself, the more one can love others. Ito ang ginagawa ng political filmmaking collectives sa Metro Manila, halimbawa, tulad ng Kodao at Tudla, Sipat ng sektor ng kabataan, at May Day ng manggagawang sektor. Hindi sentral ang direktor sa filmmaking process, kabahagi lamang siya sa konseptwalisasyon at exekusyon ng konsepto at aktwal na pelikula. Ang mamamayan at sektor ang may kapasyahan sa porma, laman at substansya ng mga lumalabas na dokumentaryong pelikula.

Sa huli, hindi lamang ang tanong ay “ano ang kwento mo?” pero “ano ang causa ng kwento mo?” Ano ang ipagpapatayan mong paninindigan para sa ginagawang pelikula? At madalas, ang kasagutan ay nasa di natatanaw na labas lang ng gitnang uring kabataang filmmaker. (Bulatlat.com)

Share This Post