Politikal na Filmmaking

Ang sinasabing barometro ng krisis ay ang pagpapabaya ng mga Marcos sa sensura, ang pag-aproba ng pagbaha ng mga pelikulang bomba, tulad ng pre-martial law era, para raw makalimutan ng mamamayan ang krisis. Maluwag sa pelikulang malaswa para magkaroon ng eskapismo sa realidad. Pero naghigpit pa rin ang sensura kay Brocka sa kanyang Bayan Ko: Kapit sa Patalim dahil sa politikal na mensahe nito.

Sa panahon ni Gloria Arroyo, ipinatupad ang neoliberalismo na siyang magpapahina sa industriya ng pelikula sa bansa. Dagdag pa rito, ang restriksyon ng cinema complexes ng SM, ang pinakamaraming sinehan sa bansa, na magpalabas lamang ng wholesome family entertainment na pelikula. Ang resulta ay ang paghahanap ng ibang paraan ng pagkukwento, at ito rin ang impetus na nagudyok ng third golden age—ang independent digital cinema.

Si Arroyo lamang ang natatanging presidente na sa kanyang termino ay nag-X (pahiwatig na ito ay banned, o hindi maaring ipalabas sa komersyal na benyu) ng pelikula para sa politikal na kadahilanan. Tanging si Marcos lamang ang may record nito. Ang mga pelikulang “Ang Mabuhay para sa Masa,” “Rights,” “Mendiola” at “A Day in the Life of Gloria” ay hindi binigyan ng permit para maipalabas.

Politikal ang pelikula sa panahon ni Arroyo dahil ang media ng pelikula ang nagbigay ng daluyan ng kritisismo sa rehimen. Nabuo ang maraming politikal na kolektibong pampelikula sa panahon ni Arroyo, na siyang matwid na gumagamit sa pelikula, video at new media para makapaglahad ng isyu ng accountability at transparency sa rehimen. Ang resulta ay ang isang aktibong politikal na kilusang pampelikula at kultural bilang susing kawing sa mas batayang sektoral at rehiyonal na kilusan.

At ito ang tunay na indie filmmaking dahil hindi ito umaasa sa film festival circuit o basbas ng institusyong kultural para makagawa ng pelikula. Ang politikal na kolektibong pampelikula ay nagpapaiba sa moda ng produksyon at resepsyon ng pelikula. Kung sa studio system, ang pelikula ay pang-least common denominator na sentral ang ikonograpikong artista, at sa indie digital films ay pang niche art festival market na gamit ang subalternong buhay ng mamamayan, ang politikal na kolektibong pampelikula ay walang artista kundi ang mamamayan at ang isyung kinahaharap.

Ang inaalok ng mga pelikula ay ang pinakamatalas na pagsusuri, na batayang limitasyon ng mga indie cinema dahil sa propensidad na magpahinga sa humanistiko at liberalismong pananaw. Hanggang dito na lamang po at maraming salamat. Sa politikal na kolektibong pampelikula, ang likhang akda ay instrumental sa pagpupukaw, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng mamamayan.

Ang filmmakers ay nakalubog sa komunidad at pagawaan. Pinag-aaralan ang mga isyu, kalahok ang kinikilusang mamamayan. Kolektibo ang pagplaplano, preproduksyon, produksyon at postproduksyon. Kalahok ang mamamayan sa bawat proseso. Lalo na sa pagpuna sa pelikula, bukas ang kolektibo sa puna’t komentaryo ng komunidad para higit pang mapabuti ang kalidad ng akda sa kapasidad na makatulong makapag-organisa ito.

Ang karanasan ng isang komunidad ay kaakibat na karanasan ng iba pa. Ipinapakalat sa mga tsanel ng kilusan ang mga pelikula para tulong pa rin sa pag-oorganisa. Komunidad imbes na personalidad ang mahalaga. Isyu imbes na kathang-kwento. Malinaw, maigsi at may pagsusuring politikal, kabahagi ng pag-oorganisa ang mga pelikula.

May tunay na kasiyahang dulot ang produkto ng politikal na kolektibong pampelikula—ang kasiyahan ng kasaysayan, na siyang mismong kasaysayang ikinakahon ng politisadong depolitisasyon ng pang-araw-araw at historikal ng negosyo at estado. Na minamatwid ang lohika ng depolitisasyong nagsasaad na kailangan magtrabaho para makapag-malling at makapanood ng sine, kailangang magtrabaho para makapaglibang, kailangang makapaglibang para muling makapagtrabaho.

Ang sikliko ng buhay ay inalay na sa poder ng estado. Wala nang panahon ng politikal na introspeksyon, na imbes na magtanong ay umuugma na lamang sa daloy ng pang-araw-araw. Na sa mga akda ng politikal na kolektibong pampelikula, ang sityo ng materialisasyon ng mamamayang may kapangyarihan ay sa kolektibong pagkilos at pag-aakda ng kasaysayan.

Na sa pamamagitan ng mga pelikula, ang makasaysayang kapangyarihan ng mamamayan ay naiaakda para sa mismong manonood nito. At ang panonood ay pag-eensayo para sa rebolusyonaryong gawain, o ang simpleng paghahanap ng makatarungang alternatibo sa mapanupil na kasalukuyan. (Bulatlat.com)

Share This Post