Walang Araw na Di Ka Hinanap

(Isang taon ng pagdukot kay James M. Balao)

Ni LUCHIE MARANAN
Northern Dispatch
Inilathalang muli ng
Bulatlat.com

Walang araw na di ka hinanap,
Ang gunita’y tumatakbo sa sandali
Nang ika’y dinagit habang nag-aabang sa daan,
Larawan ng sindak, takot, poot at alinlangan
Paulit-ulit na gumuguhit sa mga salaysay.
Walang araw na di ka hinanap mula noon
Mahigpit ang hawak sa iyong mga kamay
Sa mga paglalakbay na walang humpay
Tuwina’y nakatitig sa iyong mga mata
Umaasang may liwanag ka pang nakikita.
Tanong o pahayag ka na tuldok ay di mailagay
Pagkat kay ilap ng sagot, di mawari saan hahantong
Tinig ka na naumid na hiniyaw sa hangin
Binaybay ang mga kalye’t kampo nang walang alinlangan
Bakasakaling iluwa ka ng rehas o iluwal ng batas.
Ang mga landas na tinunton ng mambunong
Ay di batid at sa hinagap lamang masusundan
Naalo lamang sa pangitaing ika’y mahina ngunit buhay.

Walang araw na di ka hinanap.
Ang nagpaalam nang mga linggo at buwan
Ay saksi sa halinhinang dagok ng dalamhati at galit,
Isang taon ng iyong pagkawala ay panahon ng lungkot
Sa di mawaring pag-aabang sa iyong pagbungad muli sa pinto,
Isang taon ng pagbagtas sa mga tulay na minsa’y mabuway
Ay panahon ng paglanggas ng sugat upang makatawid muli
Kung saan may munting balita, maliit na siwang ng liwanag.
Isang taon ng pagtatanong kung ika’y nandyan pa
Ay pagnanais na ikaw ay nag-iipon ng lakas
At sabik sa yakap ng hanging dala ay paglayang darating.
Isang taon ng paghahanap ay panahon ng alimpuyo
Ng poot at giting ng iba pang nawalan
Pagka’t alam nila kung sino ang dapat ituro.

Walang araw na di ka hinanap
Maalab ang mga panahon ng pagtatanong,
Ng pagtapik sa balikat ng kasamang di nawawalan ng pag-asa
Na ituloy ang pagsubaybay, paglalakbay, pagsasakdal.
Walang araw na di ka hinanap,
Kahit na madilim ang anino ng mandaragit
Ang taas ng lipad at bagsik niya’y matutudla
Ngayo’y di matahimik ang mga naghahanap
Ang bawat hakbang ay tinutulak ng kakaibang lakas
Masdan ang mga mata ng ina, ama, kapatid, kasama
Hindi napapagal ang puso, hindi pa rin isasara ang pinto.

17 Setyembre 2009

Share This Post