Avatar at ang Nostalgia sa Komunalismo

Sa Avatar, ang isinisiwalat ay ang kolektibismong magpapatagumpay sa maraming bilang ng katutubong alien sa pamumuno ng isang hybrid (baldadong ex-marine officer na substitute sa maagang namatay na kakambal na siya namang nag-train para sa trabaho, na kahit pa sa huli ay naging organikong alien ay hindi naman inetsapwera ang modernong gawi at pag-iisip na nagligtas sa mundo ng katutubo) at ang pagpasok ng syentifikong diskurso (ang namatay na punong syentista na naging bahagi ng kolektibong ninunong kinokonsulta sa sagradong puno) ay nakabatay din sa hindi pag-disavow sa giyera at militarismo.

Sa unang banda, militaristiko rin naman ang kalikasan ng katutubong alien. May rite-of-passage (parehong kalahok ang babae at lalake, kahit pa may distinksyon ang namumunong lalake sa spiritual na lider na babae) tungo sa pagiging kabahagi ng kolektibo ng mandirigma at mamamayang lipunan. Sa kabilang banda, ang katutubong militarismo ay napagtagumpayan sa pamumuno ng pinakaabante nito, kahit quasi-kasapi na miyembro.

Na kahit pa pinatalsik ang Amerikanong contingent sa mundo ng katutubong alien, malinaw na kailangan maging mapagbantay at mapaghanda ng mismong mga katutubo sa di mawawalang hinaharap na pananakop. At malamang, gagamitin ng mga katutubong alien ang naiwang military hardware para sa interes sa hinaharap. At suwabe na ang transisyon mula sa komunalismo tungo sa isang lipunang may nabubuong kaantasan batay sa pag-aari ng infrastruktura ng pakikidigma at pamumuno.

Isinasaad ng pelikula ang pagpasok ng mga diskurso at kagawian tungo sa mas maunlad na panlipunang formasyon: syentifikong kaalaman (karakter ng syentista), militarismo (all brawn, no brain na heneral), at kapitalismo (ang yuppie na na-assign sa operasyon). Sa pamamagitan ng humanistikong sabjektividad ng pilay na operator ng avatar, napaabante niya ang katutubong pamayanan tungo sa susunod na yugto ng transformasyong pang-ekonomiya.

Napaabante ang militarismo, nainternalisa sa kolektibong tradisyon ang syentifiko, at nag-aabang ang kapitalismong panunumbalik sa planeta. Sa huli, natapyasan ang equilibrium at balanse ng katutubong alien. Inilahok na ang bagong pamumuno bilang pag-unlad sa naunang inosenteng kalakaran. Mas militante na ang pamumuno, mas nagbukas na ang ekonomiya ng planeta.

Ang kakatwa siempre sa inihahain na nostalgia ay ang kawalan-saysay nito sa agam-agam ng kasalukuyan, maliban sa paglalahad ng plataporma ng hegemoniya ng Hollywood at kapitalismo ng US. Ang inaakalang radikalismo ng pelikula ay nananatiling puro, sa lebel ng imahen, wala sa naratibo. Ito ang makinarya ng pelikula na patuloy na naglalako at nag-aalok ng kasiyahan at eskapismo bilang relief sa agam-agam.

Magpahele muna, dahil nga mas mahal ang bayad sa pelikulang ito. Tangkilikin ang inaakalang novelty kahit at dahil luma naman ang sinasaad. Mamangha sa radikalismo kahit kasing purol at walang saysay ito sa neoliberalismo ng kasalukuyan. At tunghayan ang sarili bilang may kapangyarihang ahensya, ang manonood ang siyang nag-intelektwal na labor kahit pa ginawang conducive naman ang paglikha ng radikal na pagbasa, pagpapaubayang gumastos nang malaki, at gawing kasiya-siya ang novelty.

Sa huli, nagtagumpay ang Avatar sa paglikha ng avatar sa kasalukuyang agam-agam: na may inaakalang potensyal pa rin sa radikalismo kahit pa pinapupurol ang intelihensya at iplinaplakda ang pagpipilian sa edad ng global na neoliberalismo at anti-terorismong pakikidigma. Ang nostalgia para sa primitibong komunalismo—puro, dalisay at wagas—ang rekurso sa panahong ang Palawan, halimbawa, ay patuloy na binibiyak ng mga minahan at iligal na pagtrotroso, o ang mga natural nitong kalikasan ay nagiging komersyalisado at di na aksesibol sa sarili nitong mamamayan.

Nagiging turista at tourist guide ang lahat sa imahinasyon ng proposisyon para sa makabagong kaayusan. Nakangiti at naglalaan ng kahandaan para sa purong kaalaman, kolektibong pagpupursigi, purong imahen. Maligayang pagdating sa ampaw na pabalat ng Hollywood at neoliberal na imperialismo! (Bulatlat.com)

Share This Post