Una Bilang Trahedya, Ikalawa Bilang Katatawanan

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sina Marx at Engels ang unang nagsinop ng obserbasyon ni Hegel na ang pangyayari at personahe ay dalawang beses umuulit. Pero para sa dynamic duo, ang unang pagkakataon ay bilang trahedya, at ang ikalawa ay bilang katatawanan (farce).

Trahedya nang unang madanas ang conjugal dictatorship ng Marcoses, pati na ang karanasan sa First Family. Sa resulta ng Mayo 2010 eleksyon, si Bongbong Marcos ang unang naging senador ng next-generation ng Marcoses habang si Imee ay naging gobernador ng Ilocos Norte, at ang grandmama at tunay na farsikong si Imelda ay naging representatibo mula sa naturang rehiyon. Idagdag pa ang takaw-gulong model-wannabe na si Borgy, pati ang half-brother sportscaster nito si TJ Manotoc, at halong-kalamay mode lang.

Kaya hindi rin masasabing comeback ito ng Marcoses dahil wala sa rurok ng halos dalawang dekadang diktatura ang kaya pang maabot na kapahamakan nito. Sa isang banda, namamayagpag sila sa politikang hindi na sila ang major player kahit major minor block pa rin sila. Sa kabilang banda, ito ang posisyon na magtitiyak na ang kanilang yaman ay kailanman hindi lalong malalapit na masasalat ng gobyerno para maibalik sa kaban ng bansa.

Postmodern stalemate lang—parang estado ng Puerto Rico bilang perennial Commonwealth ng U.S. o Filipinas bilang neokolonya ng U.S.
May kabig pero walang lubos na tagumpay at talunan mode. Kaya katawa-tawa ang mode: nagka-amnesia na naman ang kasalukuyang bansa para muling mahalal ang major players ng Marcoses, at sila naman, mas spektakulo kaysa substansya pa ang kanilang ambag sa kasalukuyang politika ng bansa. Joker’s wild kumbaga.

Nakabalik ang lahat ng gustong magbagong termino (mga junior action star na Bong Revilla, Estrada at Lapid; mga fosil tulad nina Santiago at Enrile) at pati na ang dating senador na muling nagtagumpay (Drilon) sa Senado. Sa Kongreso, ang karnabal (minus ang carnivalesque o ang subersyon sa inversyon ng kapangyarihan) ay pinangungunahan ng pambansang kamao Manny Pacquiao, lifestyle host Lucy Torres, at asawa ng senador at direktor sa San Miguel Corporation, Lani Bong Revilla.

Pero mas maigting ang sinasaad nina Marx at Engels kay Noynoy Aquino. Sa unang termino ng kanyang ina, mataas ang euphoria sa People Power. Nagsabi itong magiging “exact opposite of Marcos,” lalo na sa larangan ng moral righteousness. At mula sa rurok ng kasagsagan ng kanyang popularidad, downhill from there. Ang sinasaad ng marami, nag-miss out si Cory Aquino sa mahalagang pagkakataong ibinukas ng kasaysayan.

Dahil “rebolusyonaryo” ang kanyang pamahalaan, maari sana itong nagpatupad ng mga order at konstitusyong higit na nagproprotekta sa pambansang soberenya sa lahat ng larangan. Maari sana niyang nareimbento ang governance na maka-mamamayan at makabayan.
Pero ang nangyari, unti-unting nalagas ang makakaliwa, kundi man pinatay, ang mga pwersa sa kanyang koalisyong gobyerno. Hanggang sa ideklara niya ang “sword of war” laban sa komunismo, at ipatupad ang low-intensity conflic (LIC) na ang katumbas sa kagyat na kasalukuyan ay ang Oplan Bantay Laya I at II, mga operatibo para “tanggalin ang tubig sa isda” (ang suporta ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan).

Vigilante killings laban sa pinaghihinalaang komunista ang malawakang naganap sa panahon ni Aquino, na naitago sa pamamagitan ng suporta ng simbahang Katoliko sa ilalim ng tagasuportang si Jaime Cardinal Sin at ang patuloy na euphoria para kay Aquino sa ibang bansa. Pumanig si Aquino sa social democrats na ang cause-for-being ay ang maging aktibong anti-komunista.
Ang pinakakasalanan ni Aquino ay ang hindi kumilos nang matwid (maka-mamamayan at makabayan) sa panahong maari itong mangyari. At tulad ng teorya ng shock treatment sa ekonomiyang larangan sa panahon ng matinding kaguluhan sa politika, naging pagkakataon para maipatupad ni Aquino ang mga ekonomiyang polisiyang magbubukas sa bansa sa mundo ng neoliberalismo.

Marami sa mga pribatisasyon at deregularisasyon ay unang umusbong at pinaunlad sa panahon ni Aquino. Maraming bagong buwis at pahirap sa masa na polisiyang ekonomiya at politika—na sa ordinaryo ay hindi kakayaning ipatupad sa nagpoposturang demokratikong goberyno ni Aquino—ay paradoxikong naipatupad din sa administrasyong ito.
Sa pagkamatay ni Aquino noong 2009, aakalaing santa ito. Wise old woman na sa huling bahagi ng kanyang buhay ay naging decisive sa pagsuporta laban sa katiwalian ng administrasyong Gloria Arroyo. Masyadong makapangyarihan ang imaheng ito na pati ang kanyang kawalan-karanasang unico hijo ay naging kwalipikado at morally upright na presidential candidate, at ngayon ay president-in-waiting.

Ang trahedya ni Cory ay ang di pagbukas sa pinto ng kasaysayang maaring makapagpabago sa kalakarang pambansa. At trahedya ito dahil nga sa bigat at pwersa ng kinatunggali nito, ang diktaduryang Marcos, na kahit hindi siya nag-isa ay sinamantala niya ang panaginip ng mayoryang mamamayan para panatiliin ang elitista at maka-dayuhang pambansang kalakaran.

Ang magiging katawatawanan kay Noynoy ay manggagaling dahil wala itong engrandeng metanaratibo na binabalikwas. Magiging Don Quixote lamang ito na tumutugis sa windmills sa mga masibong korapsyon ni Arroyo. Hindi niya ito maipapakulong dahil kailangan niya ang bilang at pwersa ni Arroyo at ang partido nito para sa balanse ng kapangyarihang politikal na magtitiyak ng kapangyarihang ekonomiya para sa naghaharing uri.
Hindi lubos na dinis-enfranchized ni Arroyo ang mga kapanalig ni Estrada. Di nga ba’t nag-extend pa ito ng olive branch kay Estrada at sa mga alipores nito? Wala ring metanaratibo si Noynoy na maaring magpaiba sa kanya kay Arroyo. Naglipatan na ang economic team ni Arroyo sa kanyang panig. Balik na si Winnie Monsod bilang ekonomista-of-choice, at maging ang UP School of Economics bilang neoliberal adviser to the presidents.

Kundi man aktwal na sila, ang kanilang alipores. At sa mundo ng elitistang politika sa bansa, ang alipores ay kasing makapangyarihan ng sugo. Kaya kahit magbatbatan ang kanyang mismong mga faksyon para sa giriin ng pwestuhan sa kapangyarihan, ang interes ng naghaharing uri ay naibangko na, kahit sino pa mang representatibo ng mga faksyong Noynoy ang mahirang.
Una ay tuminag ang kanyang kampanya bilang matwid, hindi baluktot, at sa simplifikadong korapsyon ang sanhi ng kahirapan; at kung gayon, ang sarili bilang solusyon sa lahat ng magkakasangang isyu ng kahirapan at pagiging matwid. Ikalawa, walang karanasan, totoo ito. Maging ang kanyang ina ay may karanasan man lamang sa civil society bago ito hinirang ng kasaysayan bilang People Power president. Si Noynoy ay wala nang karanasan dito o sa aktwal na lehislaturang gawain na kung saan ilang ulit na nahalal ito.

Na kahit pa people’s choice si Noynoy, ang mayoryang mamamayan ay wala pa ring makabuluhang mapapala sa kanyang administrasyon. Same-same. Na ibig sabihin din, people’s choice siya dahil siya ang may mandate na mapanatili ang interes ng naghaharing uri, at kung may liligwakin man ito, ang pinakakaaway na faksyon ng kanyang naghaharing faksyon.

Sa kampanya pa lamang, nagsimula nang pumasok ang mga detalyeng katatawanan: ang kanyang kabaliwan, ang babaeng tila sinusuyo pero wala pa ring katiyakan ang estado, ang naging asawa ng kanyang binise na dati niyang girlfriend, at iba pa. Ito ang seryeng pagkakaabangan ng marami sa atin. Na kahit alam naman natin ang mangyayari, pati ang ending, nakakasabik pa ring antabayanan ang inaasahang pambansang farsikong palabas. (Bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.