Wangwang

Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com

Wangwang imbis na sirena, na malamang ay halaw sa mitikal na nakakapanghalinang tinig ng kalahating-isda, kalahating-tao na nilalang. Sa panahon ng Griyego, inaakalang nakakapagpatulog ito ng mga manlalakbay-dagat na kalalakihan para iligaw sila at hindi na makauwi sa kanilang kinalakihang bayan. Sa epikong Illiad ni Homer, naglalagay ang mga lalake ng wax ng kandila para takpan ang kanilang teinga at hindi makatulog.

Kung sa Ibong Adarna, ang nakakapanghalinang awit ay nakapagpatulog sa mga prinsipeng madungis ang kalooban para maiputan sila at gawing bato, ang sirena ay hindi permanente ang epekto sa pangangatawan kundi sa lokasyon ng katawan sa kanilang bayan. Ang rekurso sa epikong Filipino ay maghiwa ng balat at patakan ng kalamansi—ang asim at hapdi kapalit ng pagiging bato, tulad ng epekto ng titig ni Medussa.

Ang wangwang ay isang onomatopoeia, na ang salita ay halaw sa mismong tunog. May pagka-infantile ang pagbuo nitong salita dahil may pananalig na ang kahulugan ay matutunghayan sa mismong karanasan sa salita. Pavlov’s dog lamang o ang pagdanas ng kaalaman batay sa repetisyon sa karanasan, at sa kalaunan dahil artifisyal lang naman ang konstruksyon, hindi na matatanggap ang arbitraryong kawalan-pagtalaga sa operasyon ng salita.

Hindi matatanggap na ang 5.0 ay pasado o ang kablag ay marahang pagbagsak. At ito naman ang operasyon ng pagpapakahulugan sa mga salita, ang sapilitang pagdulog ng kalapitan at kaisahan ng salita at imahen sa kanilang mga kahulugan. Kaya ang wangwang ay nagiging inaasahang tunog sa mga sasakyang may awtoridad na bumili ng sirena, patugtugin ang sirena, at umastang sasakyang may sirena: nagmamadali’t pwedeng mag-overspeed, pwedeng humawan ng ibang sasakyan, may entourage, may kapangyarihan.

Ang gesture ni President Noynoy Aquino na hindi gumamit ng wangwang at magdusa, tulad ng ibang regular na nasa sasakyan ay tila isang pagpapakumbaba at pagtiwalag sa astang kapangyarihan. Pero ito ay isang fallacy lamang—dahil katawan ng presidente at kapangyarihang pambansa ang nasa sasakyan, kahit pa walang wangwang, may absolutong kapangyarihan sa bansa ito.

At ito ang bagong saklaw ng kapangyarihan ni Aquino, ang piliing huwag itong gamitin. Parang ang astang mayaman, pwede itong mag-integration, makisalumuha sa mahihirap at ang komunidad nito dahil pinili niyang makibahagi—hindi ni-require sa klase o naitalagang programa. Ang resulta nito ay ang magnanimidad (magnanimity) ng kapangyarihan. Piniling hindi umastang nakakaangat at nakakalamang sa mismong komunidad na sistemikong nagdusa dahil sa paghahari ng pribilehiyadong uri.

Magnanimous pero hindi naman aktwal na nababago ang kapangyarihan. Dapat ganito, kung ikukumpara nga naman kahit sa First World na kapangyarihan. Kaya hindi rin arbitraryo ito dahil pinili itong gawin (o hindi gawin) ng pinakamakapangyarihang katawan at awtoridad sa bansa. Tunay pa nga itong subhetibo dahil tanging ang subhetong katawan ng presidente ang makakagawa nito.

Kaya parang may lifestyle check na nagaganap sa mga may kapangyarihang mas mababa sa presidente, sila man ay kinukumpiska ang kanilang wangwang sa sasakyan. Marami pa rin ang hindi magtatanggal ng wangwang sa kanilang mga sasakyan dahil nga subhetibo ito. Maaring maiba ang ihip ng hangin, tunay na nagmamadali ang presidente dahil nahuli sa biyahe mula sa Times Street patungong Malacanang, at maaring ma-tempt itong gamitin—kahit minsanan man lang—ang kanyang wangwang. O ang susunod na presidente, ayaw nang mag-antay sa trafiko at ibalik itong wangwang.

At kapag bumahing ang presidente, ang lahat ay nagkakasipon. Hawaan lang ito. Ganito ang pinanggagalingan ni Aquino kay Gloria Arroyo, ayaw niyang maging korap tulad ng nauna sa kanya. Itong di-substantibong kalakaran ang kanyang panambla kay Arroyo. Ito ang katumbas ng pag-ismid kapag nakatalikod ang tatay o bosing. Hindi naman ma-u-undo ng di paggamit ng wangwang ang korapsyon ng nakaraan, o ang pag-ismid sa galit sa ama. Pero may pakiwaring nakakabuti ito sa sarili.

Ang paradox ng pagiging kaiba sa naunang katawan ng awtoridad ay, sa huli, ang pagiging pareho lamang nito. Ito ang pinangako ni Corazon Aquino nang ito ay maluklok sa People Power I, ang magiging kaiba sa fasismo at awtoritarianismo ni Marcos. Sa kalagitnaan ng kanyang termino, lahat ng leftist sa kanyang kabinete ay tiniwalag, ang kanyang pagpapalaya sa political prisoners ay pinagdanasan ngpagpaslang kina Lean Alejandro at Rolando Olalia, at ang peace talks ay pinalitan ng sword of war.

Si Arroyo ay gayundin kay Estrada. Mas malaki ang korapsyon, mas matindi ang politikal na panunupil, mas bukas sa dayuhang kapital. Ang wangwang ay nag-aanunsyo ng presensya ng kapangyarihan: parating ito, mas mabilis at mas nagmamadali, mas kailangang pumunta sa kanyang dapat patunguhan kaya mas may kapangyarihan. Kete ambulansya, trak ng bumbero o pulis, ang isinasaad ng wengwang ay dapat ang katuparan ng governance sa pagsupil ng krimen at sigalot sa bayan.

Pero dahil ang wangwang ay naging arbitraryo ang paggamit (ibig sabihin, walang katiyakan kung talaga nga bang may ofisyal na operasyon ang nagpapatunog nito), sapilitan na lamang ang pagsunod ng mga tao. Para itong pag-uulat sa telebisyon ng mga drogang nakumpiska ng ofisyal: sino ang nakakatiyak na ito nga ay shabu at hindi pulbos at tawas? Kailangang paniwalaan dahil may kapangyarihan ang nagsasabi na ang mga pakete ay droga.

Kailangang paniwalaan ang ofisyal na katotohanan sa wangwang dahil ofisyal ang nagsasaad nito. Leap of faith na sa huli ay isang reafirmasyon ng mismong faith, lalo na ang faith sa kapangyarihan. At ang kapasidad ng kapangyarihan na paratihang maging ofisyal kahit hindi—sino ang makakapagsabi na hindi naman emergency ang wangwang ng ambulansya at pulis, o si Aquino ay hindi tutungo sa restaurant katatagpuan ng kanyang girlfriend?—ang mas matinding ehersisyo ng aktwal na politikal na kapangyarihan. May makakapalag ba?

Ang kapangyarihan ay walang puwang sa doubting Thomases. Kailangang manalig na ang tunog ay katumbas ng ofisyalidad ng operasyon. Tumabi sa daan, magpaubaya sa nakakataas na kapangyarihan, tanggapin na tae-tae lamang ang posisyon at kotse na kahit pa BMW pa ay walang binatbat sa may kapangyarihang makapagpatunog ng wangwang.

Kaya ang masasabi lamang ay parang “Excuse me lang po,” sabay pinid ng dalawang kamay na parang nagdarasal at gagawing radar para makapag-navigate sa direksyong mas mapagkumbaba ang posisyon kaysa sa pinag-e-excuse me lang po. Masasanay ang lahat sa visualidad ng kapangyarihan ni Aquino kaya kahit salat pa ito sa politikal na karanasan ay de facto na ito na ang nahalal at magiging presidente. Ngayon naman, ang kasanayan ay sa kawalan ng tunog o silence, na sa pelikula ay kasing halaga ng aktwal na tunog.

Ang kawalan-tunog ay nagsasaad ng isang empasis, mas madrama, mas matinag ang eksena sa ehersisyo ng paglalahad ng naratibo. Ma-i-impress ang gitna at kasamang naghaharing uri gayong ang jologs ay magsasabing tanga ang presidente dahil hindi niya ginagamit ang kanyang kaakibat na kapangyarihan: parang si Narda na ayaw isubo ang bato at matransforma sa mas makapangyarihang nilalang.

Sa huli, mas matalino ang jologs dahil sila ang nakakakita na tunay na nakagarbo ng damit pa rin ang emperador. Sila ang nakakaunawa na ang kawalan-tunog ay pagtatanga-tangahan (pagmamaan-maangan) lamang ng presidente. Pabalat-bunga, pabalat-katahimikan lamang sa pagsakay sa trafiko sa mga daan sa bansa. Sa huli, hindi pa rin nagbabago ang batayang abang lagay nang nakararami. May wangwang man o wala. (Bulatlat.com)

Share This Post