Tulak ng bibig, kabig ng dibdib (para sa Morong 43)

Ni RICHARD GAPPI

Nanawagan ngayon si Pangulong Noynoy Aquino
na palayain na si Aung San Suu Kyi, ang halal na pangulo
at lider ng Kilusang Demokrasya sa bansang Burma na inagawan
ng kalayaan at ikinulong ng militar matapos
ang kudeta at itatag ang junta.

Reaksyon ng pamunuang militar: “Pag-aaralan pa po natin.”

Sa Filipinas, halos siyam na buwan nang nakakulong
ang mga manggagawang pangkalusugan
na tinatawag na “Morong 43,”
kabilang na ang dalawang ina na bagong
panganak. Hinablot sila ng militar
gamit ang palyadong arrest warrant
at palsipikadong ebidensya.
Sa loob at labas ng bansa, matagal nang
ipinapanawagan ng mga kakila, kaibigan, kamag-anak
ng Morong 43 at ng mga samahang nagtataguyod sa karapatang
pantao, ang kanilang agarang pagpapalaya.

Reaksyon ni Pangulong Aquino: “Pag-aaralan pa po natin.”

11: 58 n.u., Biyernes, 29 Oktubre 2010
Angono, Rizal, Pilipinas

Share This Post