Undas (II)

Ni RICHARD R. GAPPI

Saang puntod magtitirik ng kandila
ang mga mahal sa buhay, kamag-anak
at kaibigan ng mga hinablot ng dilim
at piniringan ang paningin
upang wala silang makita at makapa
kung saan man sila huling dadalhin?
Wala silang pangalan, walang lapida.
At tuwina, taon-taon, tulad ngayon,
ang kanilang pagkawalay at pagkawala ay sugat
sa diwa at kaluluwa na hindi naghihilom
ngunit laging nananariwa, parang patak
ng kandila, na nagpapasidhi sa kirot
at sakit ng pagkawala. Kung ang payapang hukay
ang huling hantungan ng nilalang,
ano’ng saklap ng ating maligalig na panahon
dahil sila mismo ay ninakawan nito.
Saan itutulos ang kandila?
Sa patio ng parokya?
Sa komunal na kamposanto?
Sa lansangan ng protesta?
Maaari.
Ngunit mungkahi ko, itarak ito
sa dibdib at puso ng mga nanghahablot sa dilim.
Gawing punyal ang kandila
upang mahiwa ng mga sinag ang nakalambong na gabi
at upang maitambad sa liwanag ng madla
ang kanilang mga mukha at pangalan –
silang nagnanakaw ng pangalan sa mga walang pangalan.

12:39 n.h, Lunes, Nobyembre 1, 2010
Angono, Rizal, Pilipinas

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. Panalo ang tula ni Richard Gappi–isaksak sa bunganga ng AFP-PNP!

Comments are closed.