Kalansing

ni MARK ANGELES

Sa isang dako ng daigdig,
isang kamay ang nagpalaya
sa isang limang pisong barya,
hinagis ito sa himpapawid,
kumislap pang tulad ng nguso
ng mapusok na baril
na kinalabit ang gatilyo
bago bumulusok
sa mga musmos na palad
na sabik na naglulumiyad
para hulihin ang barya
tulad ng isang mailap
na tutubi.

Sa isang dako ng daigdig,
walang kurap ang mga mata
ng isang batang
tinuturuan ng kanyang ama
kung paano mapaglalaho
ang isang limang pisong barya
sa loob ng binuhol na panyo.

Sa isang dako ng daigdig,
kalansing ang dighay
ng kinakalawang na lata
nang busugin
ng limang pisong barya
isang linggong nabundat
sa mga lobo at sampagita
ang tarangkahan ng simbahan.

Sa isang dako ng daigdig,
sinasara ng gobyerno
ang isang kasunduan—
regalong naghihintay
sa bawat magsasaka
ng buong kapuluan—

isang limang pisong barya
na hindi nangingiming
magwika ng, “Gantimpala
sa pagbabanat ninyo ng buto!” “Pagdamutan na ninyo.”
“Iyan lang ang nararapat
sa inyo, mga putangna kayo…”

Anak ng pitong kulog!
Saang tumbong kaya humuhugot
ng lakas ng loob
ang mga taong-gobyerno?
Sukat akalaing matatanso
ang mga bihasa sa karit at araro,
lansihin sa kalansing
silang nagpapahinog
ng lintik at kamao.

Saan mang sulok ng daigdig
nakaumang ang kanilang anino.

Share This Post