Ang problema kay Manny Pacquiao: “gay is fine, gay marriage is bad”

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Ito ang paglilinaw ng pinakatanyag na boxingero’t Filipino sa naunang release hinggil sa kanyang tugon sa pagpabor ni Barrack Obama ng same-sex marriage. Ano pa rin ang problema rito?

Matatanggap ang kaibang pagkatao pero may bagahe’t limitasyon ito: basta hindi sila magpapakasal, magkakaroon ng legal na estado sa patriarkal na mundo ng kapitalismo, pati na rin magkaroon ng preferensiya sa pag-ampon na ibinibigay sa kasal na partners, pati sa diborsyo’t sa kamatayan at hatian ng ari-arian. Ito ang hangganan ng tolerance o pagtanggap dahil may hangganan ang pagtanggap, at kaya nananatiling isang anyo pa rin ng intolerance o hindi pagkatanggap.

Sa isang liberal na demokrasya, mahalaga ang pluralidad ng opinyon at posisyon dahil sa huli, inaasahang magkaroon naman ng konsensus, tulad sa eleksyon at publikong opinyon na magtatangi sa pangkalahating opinyon ng nakararami. Ito ang gagalanging posisyon kahit pa hindi pabor ang lahat. At ang nagwaging posisyon naman ay hindi tahasang ieetsapwera ang iba pang alternatibo’t nominal na mga posisyon.


Ganito rin ang pagtingin ng tolerance sa multikulturalismo na ang mga tao ay may kanya-kanyang natatanging pinanggagalingan, na sa maraming pagkakataon ay kabahagi ng package deal sa pagkapanganak (sex, kasarian, ekonomikong lagay, relihiyon, nasyonalidad, etnisidad, at iba pa) at afinidad na pinili (sexualidad, bagong relihiyon, makauring aspirasyon, at nasyonalidad sa migrasyon, halimbawa) at na hindi pinili (refugee, migrante, at detenidong politikal, halimbawa).

Marami nang literatura ang nasulat na tinutuligsa ang idea at praktis ng tolerance—na ang ginagawa nito ay isang mito dahil sa aktwal ay ikinakahon lamang ang posibilidad ng iba pang identidad at posisyon. Tanggap ang pagiging bakla, lesbiana at iba pang kabahagi ng LGBT, pero hindi tanggap ang posibilidad ng same-sex marriage dahil, tulad kay Pacquiao, mas mahalaga ang afinidad sa iba pang kultural na formasyon (relihiyon sa kasong ito).

Sa ganitong lohika, pwedeng kumilos bilang bakla pero burado ang ibang posibilidad: kasal, pag-ampon, surrogate parenthood, pagkilala sa kanilang anak, hati sa yaman, at iba pang karanasang ipinagkakaloob sa “normal” (ang pribilehiyado) na pagkatao at pagkanilalang. Hanggang dito ka lamang, at maraming salamat po. At kapag lumampas, ang trespasser ay lumabag sa alituntunin na napagkasunduan—ang ipinagkaloob at tinatanggal sa kanya.

Sa interview ni Mario Lopez kay Pacquiao, ang pagkabalangkas ng tanong ay paglilinaw-mensahe sa kanyang gay fans-paghingi ng patawad. Ang yugto ng paglilinaw ay pag-uulit lamang ng texto at kontexto ng kontrobersyal na tugon, walang bago. Ang yugto ng paghingi ng mensahe sa gay fans ay pag-angat naman sa may kakayanang bakla at lesbiana na makaapekto sa ekonomiyang ganansya ni Pacquiao, pink currency ang prinoprotektahan.

Ang huling yugto ng paghingi ng tawad ay ang pagbabalat-bunga sa proseso ng pagbabalik-loob (atonement) sa retorika ng showbiz at pop Catholicism: pangungumpisal sa pagkakasala, paghihikayat ng pagmamahalan, at paghuhudyat na “let’s move on from here.” Ang ipinapakita ng pagsasayugto ay ang bite-size na kaalaman hinggil sa isyu, at ang pagbabalangkas ng media kung ano nga, paano at bakit ito ganito—ang pagpapanatili ng status quo.

Hindi ba naman, si Pacquiao ay nananatili pa ring nasa rurok ng kanyang larangan at tagumpay, kahit pa bilang na ang nalalabi nitong laban? Siya at ang kanyang handlers ay may pangangailangang protektahan ang kanilang investment na, liban pa sa ibang bagay, ay nagpahalal sa kanya bilang pinakamayamang kongresista sa bansa?

Ang paghingi ng paumanhin ay isang performatibong gesture: ginagawa dahil kailangan, hindi dahil tahasang nagkamali’t nagpasama ng loob ng iba o dahil nagbago ang opinyon. Nilinaw ang dapat malinaw, pero ang paglilinaw ay hindi nagdulot ng bagong pag-unawa kundi reafirmasyon ng homophobia, bigotry, prejudices, at diskriminasyon.

At tulad ng paghingi ng kapatawaran sa “lapse in judgment” ng pangunahing patron ni Pacquiao sa nakaraang administrasyon, wala namang ipinagkaingat pa si Gloria Arroyo. Ang naganap na rasyonalisasyon ay sa ekonomikong imperatibo lamang. At tulad ng inaasahan sa diin sa rasyonal, paano at bakit mo ito lalabanan?

Sagradong ekonomikong figura pa rin si Pacquiao, tatangkilin pa rin siya ng kanyang LGBT na fans kahit nagkaroon ng agam-agam kung itutuloy pa nga ba. Pero ang mahalaga, nakita na ang bitak sa masasabi na ring icon ng kapitalismo—siyang rags-to-riches ay hindi nakahabol ang pag-angat at pagbubukas ng kamalayan: nananatiling sarado kaya kailangang mabitak kundi man sapilitang buksan ang kolektibong pagkasara ng angat na uri.

Ito naman ang kanilang hangganan. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post