(Para kay Fr Jose “Joe” Dizon)
Ni RAYMUND B. VILLANUEVA
Bulatlat.com
Kasabihan itong pinatunayang muli
Ng isang masayahing aktibistang pari:
“Maagang mamaalam ang taong mabuti.”
Naulilang kagyat itong bayang api
Kalaliman ng gabing nag-umpisa ang dalamhati
Bagaman araw na ang bilang ng aming alip-ip
“Malubha’t nakaratay si Fr JoDi
Ipanalangin ang kanyang pagbuti”
Ano ang dahilan hatinggabi siyang pumanaw
Samantalang di naman siya isang magnanakaw
A, wag pagtakhan, dahil hindi sa araw
Sa gabi siya kumanlong ng mga batang ligaw
Ilang manggagawa ang sa kanya’y sumilong
Ilang aktibista ang sa kanya’y nagsuplong
Ilang mahihirap ang sa kanya’y nagtanong
“Aming pagdurusa ba’y ikinasisiya ng Panginoon?”
Kaiba ang tugon niyaring paring palaban
Hindi nagtago sa loob ng simbahan
Lumabas at nagmartsa sa lansangan
“Simbahan ng dukha, yan ang kasagutan!”
Sapagkat ang pananampalataya’y walang buti
Kung di sa dukha’t api ito ay nagsisilbi
Kasabihan itong pinatunayang muli
Ng isang masayahing aktibistang pari
–3:06 n.h.
5 Nobyembre 2013
Lungsod Quezon