Inay, hanggang sa kabilang buhay

Inay, gumising ako sa malamig na banig,
Dumilat, sumilip, ngunit walang natatap ni katiting mong tinig.
Tumungo sa kusina pero ni anino mo’y hindi ko nakita.
Inay, nasaan ka ba? Tayo’y kumain na.

Sa bawat paghalik ng kubyertos sa aking plato,
Ramdam ko ang dampi ng hangin sa paligid ng kwarto.
Sa bawat lagok ko ng malamig na tubig,
Hinihintay ko ang pagbalik ng ‘yong mainit na pag-ibig.

Inay, mula sa bintana tinatanaw ko ang ‘yong pagdating.
Upang maibulalas sa ‘yo lahat ng aking kinikimkim.
Tinutukso, ako raw ay anak ng isang salarin.
Masakit. Mahirap. Hindi ko matanggap kanilang mga pasaring.

Mga boses ng pag-aalala sa isip ko’y umiilanlang.
Inay, magbabalik ka pa ba at ako’y maghihintay lamang?
Pangarap ko’y lumaki habang iyong nasusubaybayan,
Ipagpapatuloy ko ang buhay malayo sa kapariwaraan.

Inay, ang sabi mo sa harap ng tao’y ipagmalaki kita.
Walang pasubali at walang pagdududa.
Mga ngiti mo sa isip ko’y lalong nagniningning.
Parang langit na may anak na nakasisilaw na bituin.

Tangan ko pa ang baro mo bago ka umalis.
Habang hawak ang bago mong biling lapis.
Naaalala ko tuloy ang una nating paglalayag sa ABAKADA.
Inay, saan ka na? Mahal na mahal kita.

Kung ang kapalit ng pag-alis mo at ang bago nating bahay
Ay ang walang kapantay at kapalit mong buhay.
Mas mabuti pang tumira na lamang sa kubo,
Doon maliit man ay magkasama tayo.

Inay, saan ka man naroroon ako ay ‘yong bantayan.
Upang ang bawat umaga ko’y maging makabuluhan.
Inay, wala ka lang bang gana?
Inay, kumain ka na ba?

Masakit. Nakatutulig ang bawat pag-uusig at hiyaw.
Nakabubulag ang pagsubok parang sikat ng araw.
Sa iyo inay, inalay mo ang nag-iisa mong buhay.
Ngunit mga alaala mo sa akin ay walang kapantay.

Masumpungan ko sana ulit ang iyong yakap.
Maramdaman muli ang bawat mong yapak.
Inay…
hanggang sa muling pagkikita natin sa kabilang buhay.

Ni Lee Harvey David
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post