Ito ang tagpong pinaka kinatatakutan ko,
Ang tagpong hahabulin ko sa aking gunita
lahat ng alaala
at pagkakasyahin sa ilang segundong
pahinga
habang ikinakasa ang baril.
Sa iilang segundong ito,
ay inaalala ko ang iyong mukha
at ang mga anak natin.
Nakikita kong unti-unti,
nauubos na kami.
Isa-isang natutumba.
Kung ito man ang huling Sandali ng buhay ko,
Mamamatay akong lumalaban
Para sa bayan. Ako
Sampu ng mga kasamahan kong
Handang mag-alay ng buhay
Para sa bansang Pilipinas,
Kahit pa hindi Niya kami
kayang ipaglaban
pabalik
Mamamatay kaming tangan-tangan
ang pag-asang
sa lupang dinidilig ng aming dugo
ay uusbong
ang kapayapaan