Kung bakit ako tumutula

Lagi kong tinutulaan
ang araw at ang buwan,
noong aking kabataan.

Ang ningning ng mga bituin
at ang mga alon ng sa dagat
ang paboritong paksa
ng aking panulaan.

Hindi ko tinutulaan
ang kahirapan, polusyon,
korpsyon, at iba pang sakit
ng ating bayan.

Mahirap tumula
kapag ang batang nakalahad ang palad
at nanlilimos ng awa
ang iyong paksa.

Masakit sumulat ng mga linya
kung ang sinusubukang
isatitik ay ang walang laman
na tiyan ng mga mamamayan
sa Kamaynilaan.

Napupuno lamang ng luha
ang papel na naghihintay ng aking tula.
Ngunit hindi nagtagal
naghimagsik ang mga salita.

Nagrebolusyon ang aking mga tula.
Hindi ko napigilan
ang pagsulat tungkol sa mga bata,
kina ate at kuya, sa mga ina at ama,
na nagtitiis manilbihan sa dayuhang bansa.

Hindi ko mapigilang buhayin ang diwa
ng mga magsasakang inagawan ng lupa,
ng mga isang kahig isang tuka manggagawa,
gamit ang mga nag-aalab na salita.

Sa gayo’y nakilala ko ang tunay na gamit ng talinghaga.
Na ito’y hindi lamang pumpon ng mga maririkit na salita
kundi mga kaisipang nagpapalaya
sa mga pinagsasamantalahan at pinahihirapan
ng sistemang dapat nang palitan ang mukha.

Ni Rowie Madula
(https://www.bulatlat.com)

Share This Post