Rebiswalisasyon ng Petroglyph

Ang Petroglyphs ng Angono (Marco Ruben Malto II, 2015, acrylic on canvas, 336 in. x 80 in.)

Rebyu ng “Ang Petroglyphs ng Angono” ni Marco Ruben T. Malto II

Ni ROLAND B. TOLENTINO, PhD
Bulatlat.com

Paano ilulunan ang mural ni Malto?

Una, ang petroglyph ay kaugnay sa ‘pre-writing’ o ang kawalan ng panulat. Ang diin ay oralidad, at ang petroglyph ay ang transliterasyon ng oralidad sa biswal. Ang alpabeto’t iba pang unit ng panulat ay paglalahad ng indexikong ebidensya sa ‘writing.’ Sa ‘pre-writing,’ may sinasaad ang bumibigkas sa nakikinig, at ang atas ng nakikinig ay sapulin ang isinasaad, gamit ang sariling pagkaunawa at imahinasyon. Sa pag-uulit ng nakikinig muli niyang inaakda (sinusulat sa isip at kosmos) ang kanyang napakinggang bigkas. Ang petroglyph ay biswalisasyon ng mga kwento ng ating pinakaunang ninuno.

Ikalawa, ang petroglyph ay pag-ukit ng mga imahen sa ibabaw ng mga malalaking bato. Ang petroglyph ay hango sa dalawang salitang Griyego para sa “paglilok” at “bato.”May pangmatagalang pagmamarka ng pagdanas ang unang mga tao sa lugar at magiging bansa. Ang naukit na mga imahen ay nagbabadya ng mga kwentong may pagnanais maipasa sa kanila at sa ating kasalukuyang henerasyon. Ang mga imahen ang nag-uugnay sa nakalipas at sa ngayon, sa nauna’t kasalukuyan, sa nabura at nagpapatuloy. Ang mga imahen ay ang kwentong nagbibigkis sa mga henerasyon ng bansa.

Ikatlo, ang mga petroglyph sa Angono-Binangonan (ayon din sa National Museum dahil ang lugar ay Binangonan) ay mula pa sa Neolithic era (2.6 milyon hanggang 10,000 taon ng nakaraan). Ang petroglyph ang nag-uugnay sa ating mga ninuno sa maraming petroglyph na matatagpuan sa buong mundo sa panahong ito hanggang sa Paleolithic era. Hindi hiwalay ang mga imahen sa pandaigdigang pagdanas at pangarap ng mga kasabayang ninuno. Ang petroglyph ang lumalabas na ating pamayanang tinig sa pandaigdigan kaisahan tungo sa higit na dunong, kagalingan, kalayaan, at kolektibidad.

Kung gayon, ang makabagong biswalisasyon ng mga petroglyph ni Malto ay muling pag-aakda ng imahen ng kolektibo (pamayananan, bansa, at mundo) sa nauna’t kasalukuyang pagdanas ng tao, pagkatao, at sangkatauhan. Tulad ng petroglyph, may hugot si Malto sa nakaraan at kasalukuyan, pangarap at pagpupursigi, sa kinagisnan at pagbabago. Sa pamamagitan ng pitong panel na bumubuo ng instalasyon ng petroglyph, tulad ng aktwal na mga petroglyph sa Angono-Binangonan, walang linearidad ng simula, gitna, at wakas.

Bawat imahen ay nakaugnay sa kabuuan, ang individual ay nakaugnay sa kolektibo. Hypertext kumbaga na sa sariling pag-unawa ng biswal na nakikinig (ang tumutunghay) nagkakaroon ng halaga at kabuluhan ang pagdanas. Pero hindi tulad ng mga petroglyph, ang pag-aakda ni Malto ay nagsasaad ng mas halatang ugnayan ng lokal at global, ng nasyonal at transnasyonal, ng natural at teknolohikal. Dahil na rin ito, mas mahaba ang karanasan ng kasalukuyan sa mga pagdanas ng nauna sa kanya.

Makulay, marami ang tauhan at simbolo, may proximidad at distansya, may lawak ang perspektiba at komposisyon, ang mga petroglyph ni Malto ay mulat na paglalahad ng mga diskursong sinisipi mula sa iba’t ibang panahon at espasyo ng kanyang sariling pagdanas sa bansa at mundo, at sa muling pag-aakda nito sa nireimbentong sining biswal. Kolektibo ang hugot ng mga petroglyph ni Malto dahil kolektibong kwento ng aspirasyon at pagpurpursigi rin ang kanyang nais maging publiko, ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyon.

Kung may tasitong nais sambitin ang una’t nag-iisa, so far, na petroglyph sa bansa at ang mga petroglyph ni Malto ay ang biswalisasyon ng nakaraan at kasalukuyan ay nagsasaad din ng biswalisasyon ng hinaharap. Tumaya ang mga ninuno ng isang lipunang malaya sa sakit at pagdurusa, na may sagana at ginhawa. Ang kay Malto ay gayundin, isang pamayanan, bansa, at mundo na may pagkatanggap sa naiiba, may patas na kalakaran, at may mas magandang bukas kaysa sa kasalukuyan.

Pero sa kasalukuyan ni Malto, ang mga diskurso muna ng kontradiksyon at kontestasyon. Walang kapayapaan dahil wala naman talaga sa aktwal na pagdanas. Matingkad ang mga pakikipagtunggali at ang kasaysayan ng mga familiar na imahen. Nagbabadya ang mga petroglyphs ni Malto ng alternatibong bukas sa maigting na kasalukuyan. At ito ang biswal na oralidad na inaatas sa tumutunghay: ang muling akdain ang binibigkas ng mga petroglyphs.

Kung matuto lang tayo muling makinig sa sinasabi’t hindi ng mga imahen. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post