a
Lampas sa Ginebra ang Laban ng mga Lumad at Katutubo

A police mobile runs over several protesters in front of the United States Embassy, Oct. 19. (Photo grabbed from Altermidya video)

Published on Oct 20, 2016
Last Updated on Oct 26, 2016 at 9:41 am

ADVERTISEMENT

Ni JOEL COSTA MALABANAN

Sablay ang lay-up ni Durham, akusahan pang bayaran?
Ang Meralco ay luhaan, pakana raw ng dilawan
At isinalpak ni Brownlee, habang pulis nangigigil
Ang barangay ay nagdiwang, atras-abante ang mobil

Sigawan sa Araneta ay panahoy sa ALCADEV
Sa diskarte ng Tinyente, tumatahip yaong dibdib
Sa pagbuslo ng Ginebra, nalapastangan ang IPRA
Habang sila’y maligaya, katutubo’y nagdurusa

Walong taon ang hinintay, sa Lumad ay habambuhay
Ang korona ay inangkin, mga lider ay pinatay
Panatiko’y lumuluha, mga mangmang nangungutya
Ang ligaya’y nasa bola, ang paglaya’y nasa lupa

Si Tim Cone ay dinakila, at ang Kano ang sinamba
Nalampasan si Dalupan, sinisi ang aktibista
Pagkat liga ay kapital, nakikibaka ay hangal
Alak ang itinanghal, rally ay pagpapatiwakal!

Muling nabola ang bayan, manhid walang pakialam
Nagdiwang sa kasiyahan, habang Lumad ay sugatan
At minsan pang aabangan, katarungang inaasam
Na magwagi ay ang bayan, makapiglas kay Uncle Sam!

(https://www.bulatlat.com)

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This