a
Wika bilang kaluluwa ng bansa
Published on Nov 24, 2018
Last Updated on Dec 12, 2018 at 10:45 am

“Bawat bansa ay may sariling wika. Habang may sariling wika ang isang bayan ay taglay niya ang kalayaan. Ang wika ay pag-iisip ng bayan.” – Simoun kay Basilio, El Filibusterismo, Kabanata 7

Kamaikailan lang ay naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema ukol sa pinagsama-samang petisyon na kumekwestyon sa constitutionality ng programang K to 12 ng gobyerno. Kabilang sa rito ang petisyong isinampa ng Tanggol Wika noong Abril 2015 para itigil ang implementasyon ng “Revised General Education Curriculum,” o kilala rin bilang Commission on Higher Education Department (Ched) Memorandum Order (CMO) 20.

Ilang araw lamang ay ibinaba ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng CMO 20 at pinasasagot ang noo’y Ched Commissioner Patricia Licuanan at Pangulong Benigno Aquino III.

Ngunit makalipas ang tatlong taon at kahit walang oral arguments na naganap, pumabor ang mataas na hukuman sa K to 12 program kasama na ang pagtatanggal ng TRO sa CMO 20.

Ang CMO 20 ay nagbubuwag ng Filipino, panitikan at Philippine government and Constitution bilang mandatory general education na mga asignatura sa kolehiyo.

Ayon sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa, hindi raw salungat sa kahit ano mang batas ang CMO 20. Hindi raw nakasaad sa batas na ang Filipino at Panitikan ay dapat na kasama bilang asignatura sa kolehiyo. Ayon pa sa desisyon, “…It is within the authority of the Ched to determine the GE distribution requirements. The Court also reiterates that the study of Filipino and Panitikan can easily be included as courses in the tertiary level, if the HEIs wish to.”

Makatwiran lamang ang pagtutol ng mga eksperto, makabayan, akedemiko, guro at masusugid na tagapagpagtaguyod ng ating wika sa desisyong ito Korte Suprema. Ang paglalabas ng desisyon ng mataas na hukuman na hindi dinidinig ang mga argumentong inihapag sa mga isinampang petisyon ay maaaring repleksyon din ng pagbabalewala sa ating sariling wika.

Ayon nga sa pahayag ng Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman “malinaw na sintomas ito ng kanilang kakulangan sa pag-unawa sa ambag ng wikang Filipino at panitikan ng Pilipinas sa tuloy-tuloy na paghubog ng kaalaman at kamalayan ng ating mag-aaral upang higit nilang makilala at pahalagahan ang sarili nating kultura bilang mga Pilipino.”

Iginigiit noon pa man ng mga nakikipaglaban para sa pagpapanatili ng asignaturang Filipino at panitikan na sa kolehiyo maaaring mas mapag-aralan nang malaliman ang wikang Filipino, mas mataas na antas ng diskusyon at talakayan.

Ayon pa sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), pinahina ng programang K to 12 ang pagtuturo ng nasyunalismo at pagpapaunlad sa tunguhing maglingkod sa bayan. Ayon sa grupo, tinanggal na ang pagtuturo ng kasaysayan ng bansa at nawala na ang konsentradong pag-aaral sa panitikan at kultura ng Pilipinas sa junior high school.

Kaya naman sa pananaw ng ACT, ang K to 12 ay isang neoliberal at makadayuhang patakarang hindi naman magreresolba sa mga dekada nang problema ng eduksayon ng bansa.

Kaalinsabay ng pagtatanggal ng Filipino at panitikan sa kolehiyo ay pagbubuo ng senior high school na magsisilbing murang lakas paggawa para sa mga korporasyon.

Malinaw na walang ibang makikinabang sa mahinang pagtangan ng ating wika, panitikan at kultura kundi ang mga dayuhang interes. Ang mga sunud-sunuran sa mga dikta ng dayuhan ay handang isuko ang mga ito pati na ang ating karapatan sa sariling pagpapasya.

Tulad nga ng sinabi ni Simoun kay Basilio sa nobelang El Filibusterismo, “ang wikang katutubo ay isa sa mga katangian ng pagkabansa.” Kailangan ang wika at panitikan upang palakasin ang ating damdaming Pilipino. Kung wala ito, lalong lalala ang kaisipang kolonyal.

Ayon din sa SWF-UPD, ang wika at panitikan ay isang paraan ng paglalahad ng damdamin at kaisipan ng mamamayan. Kung aalisin ito sa proseso ng pagkatuto, hindi magiging kritikal ang mga mag-aaral sa pagsusuri nito sa lipunang kanyang ginagalawan.

Tandaan natin na ang panitikang kritikal sa umiiral na sistemang mapagsamantala ay sinusupil upang manatili ang mga nasa kapangyarihan sa kanilang poder.

Minsang sinabi ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, Dr. Bienvenido Lumbera, “Kinakailangang kilalanin na ang malaking dahilan ng problema ay ang kolonyal na pinanggalingan. At yung kolonyal na pinanggalingan ay isang problema na hindi mabubura ng gayun gayun lamang. Kailangang ang kasalukuyang kabataan, henerasyon ng mga taong nasa larangan ng edukasyon ay kumilala na may malubhang naganap sa ating mga isipan bunga ng mga pananakop ng mga taga kanluran sa atin. At ang pananakop na yan ay kailangang kilalanin at iwaksi.”

Huwag nating hayaang mawala ang ating wika, ang ating sariling identitad na kailangan sa pag-unlad natin bilang isang bansa. <a href=”https://www.bulatlat.com”><img title=”This story is from Bulatlat.com” src=”https://www.bulatlat.com/wp-content/uploads/2010/12/bulatlat_tagline.jpg” alt=”(https://www.bulatlat.com)” height=”16″ /></a>

Basahin: The national language | Evolution through revolution

 

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This