Paumanhin sa pagiging pilyo, pero minsan kailangan mo ring intindihin ang mga kapitalista. Alam mo ba kung bakit patuloy silang kumokontra sa mataas na suweldo at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa nila?
Posibleng isang salita lang ang sagot mo: Tubo. Tama naman ito, pero higit pa sa pagkamal ng kita ang dahilan ng mga kapitalista sa pagbibigay ng mababang sahod at kontraktwal na trabaho. Bagama’t mahalaga ang patuloy na pagpapataba ng bulsa mula sa pinaghirapan ng mga manggagawa, iba pang usapin ang pagpapataas ng kanilang katayuan sa lipunan.
Bukod sa tubo, kailangan din nating tandaan ang isa pang salita: Dominasyon. Sa sitwasyong kailangan nilang patuloy na mangibabaw, kailangang nilang may patuloy na pangibabawan.
Ano ang mangyayari kung itataas ang suweldo ng mga nasa ilalim? Magkakaroon sila ng kapangyarihang bilhin ang mga pangangailangan ng pamilya, bukod pa sa makakapag-ipon na sila.
Ano naman ang mangyayari kung bibigyan sila ng oportunidad na maging permanente sa trabaho? Bukod sa mga legal na benepisyo tulad ng bonus at dagdag na bayad sa overtime, hindi na sila basta-basta matatanggal sa puwesto. Mas magkakaroon sila ng kapangyarihan sa loob ng opisina o pagawaan.
Alam ng mga kapitalista na para sa mga manggagawa, hindi lang ito usapin ng pag-iipon ng pera kundi pag-iipon ng lakas. Salungat sa interes ng mga nasa ibabaw ang palakasin ang nasa ilalim, kaya patuloy ang pang-aapi sa huli.
Ang patuloy na pagpapayaman at pagpapalakas ng kapangyarihan ng mga kapitalista ay nangyayari sa patuloy na pagpapahirap at pagpapahina ng mga manggagawa. Ang tanong sa puntong ito: Nagtatagumpay kaya sila? Hindi po.
Pansinin ang sunud-sunod na welga sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Iisa ang mga panawagan, iba-iba lang ang pangalan ng mga opisina’t pagawaan. Iisa rin ang solusyon ng kapitalista’t pamahalaan, iba-iba nga lang ang porma: Karahasan.
Pepmaco at NutriAsia. Sila ang mga Nestle at La Tondeña ng nakaraan. Kung hindi mo alam ang konteksto ng pinagdaraanan ng mga manggagawa sa mga pagawaang ito, sana nama’y natatandaan mo pa ang pakikibaka ng mga magsasaka’t manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Kung hindi mo rin matandaan sa ngayon, may panahon ka pa para magsaliksik.
Tandaan lang natin na ang pribilehiyo ng oras ay wala sa panig ng mga manggagawa. Sa ilalim ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon, ang panahon ng tag-araw at tag-ulan ay mistulang panahon ng kagutuman para sa kanila.
Hanggang saan aabot ang bente pesos mo? Hindi lang ito simpleng slogan ng lumang patastas ng isang produkto ng sorbetes dahil ito ang realidad para sa ilang magsasaka’t manggagawang bukid. Kaya mo bang mabuhay kung ito lang ang neto mo? Ano ang sasabihin mo sa manggagawang bente pesos lang (kung hindi man ilang daang piso lang) ang inuuwi sa pamilya? May konsensya pa kaya ang opisyal ng pamahalaan na nagsasabing, “Pasalamat ka’t buhay ka pa!”
Sa isang sistemang baluktot, kung ano-anong termino ang ginagamit para pagtakpan ang patuloy na pang-aapi sa mga manggagawa. Ginagamit, halimbawa, ang “gig economy,” para ipangalandakan ang diumanong kagandahan ng palipat-lipat ng trabaho depende sa personal na kagustuhan ng isang tao. Nariyan din ang “flexi-hiring” o “flexible hiring” para pabanguhin ang kontraktwal na kalakaran sa pamamagitan ng pag-iiba ng oras ng pagpasok sa trabaho, o minsan pa nga’y pagpapaikli nito na nagreresulta sa mas mababang pasahod (bukod pa sa kawalan ng kaseguruhan sa trabaho).
Anumang termino ang gamitin, hindi nito napagtatakpan ang baho ng sitwasyon sa trabaho. Sadyang mas malalim pa ito sa isyu ng tubo.
Minsan, kailangan mo talagang intindihin ang mga kapitalista. Kadalasan, kailangan mo talagang labanan sila.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.