Hindi lahat ng pabango, mabango. Yung iba, maganda lang ang tatak pero masangsang kapag inamoy na.
Para sa mga sundalo, mahalaga ang pagpapaganda. Palibhasa, may pangit silang reputasyon. Malawakan na nga ang korupsyon, malawakan pa ang paglabag sa karapatang pantao. Hindi ba’t may matataas na opisyal tulad nina Carlos Garcia at Jovito Palparan ang napatunayang nagkasala at nakulong?
Sino ba ang nakalimot sa “pabaon scandal” noong 2011 na kinasangkutan nina Garcia na namigay ng milyon-milyong piso sa mga “pinagpalang” retirado ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pati na sa ilang masusuwerteng asawa nila? Para naman sa mga katulad ni Palparan, ilang buhay ba ang nawala dahil sa kanilang “misyong” burahin sa mapa ang mga komunista, kahit na nangahulugan ito ng pagpatay sa maraming inosenteng sibilyan? Si Palparan nga, nagtago pa nang halos tatlong taon bago nahuli noong Agosto 12, 2014. At sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, 250 na ang biktima ng extra-judicial killings samantalang 10 ang biktima ng enforced disappearances mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019.
Sina Garcia at Palparan ang masasabing “mukha” ng AFP. Nakakasuka, nakakairita, nakakadiri, nakakagalit. Bagama’t dalawa lang sila sa tinatayang 171,500 na aktibong personnel ng AFP, masasabing sila ang representasyon ng pangkabuuang kalagayan ng institusyon. Sina Garcia at Palparan kasi ang ebidensiya ng korupsyon at paglabag sa karapatang pantao.
Kahit si dating AFP Chief of Staff Alexander Yano, inamin noon 2008 na hindi kayang depensahan ng militar ang bansa kung sugurin tayo ng dayuhan. Ito ay dahil sa masyadong nakapokus ang AFP sa pagpuksa sa mga lokal na komunista, bukod pa sa malawakang korupsyong nabanggit kanina. Sa korupsyon kasi napupunta ang anumang inisyatiba para sa modernisasyon.
Matatandaang sinisante ni Duterte noong Agosto 13, 2018 ang 20 opisyal dahil sa mga maanomalyang proyekto sa V. Luna Medical Center, isang ospital ng mga sundalo, na nagkakahalaga ng halos P1.5 milyon. Aba, kapapasok lang ng pondong P50 milyon noon para sa modernisasyon ng ospital na iyon at may anomalya na kaagad!
Sa ganitong sitwasyon ng paglabag sa karapatang pantao, pati na ang korupsyon, ano ang solusyon? Para sa AFP, simple lang: Maging agresibo sa pag-imbita ng maraming artista para gamitin silang pabango.
Naging ikalawang lieutenant ng Army Reserve Command (ARESCOM) si Zarah Bianca Saldua, Miss Air Philippines 2018. Gayundin ang naging reservist na ranggo ng aktor na si Matteo Guidicelli. Samantala, binigyan naman ng ranggong private ang isa pang aktor na si Gerald Anderson. Habang sinusulat ito, nasa training din si Rocco Nacino para maging reservist.
Bago pa man napabalita ang pagsapi nina Saldua, Guidicelli, Anderson at Nacino, mahaba-haba na rin ang listahan ng mga artistang naging bahagi ng ARESCOM. Ayon sa isang ulat ng Rappler, ang ilan sa kanila ay sina Nash Aguas, Dingdong Dantes, Christopher De Leon, Yves Flores, Lucy Torres-Gomez, Richard Gomez, Elmo Magalona, Jerome Ponce at Vilma Santos.
Kung sakali, puwede nang gumawa ng isang pelikula tungkol sa AFP ang mga ito sa sobrang dami nila. Posible naman kayang maging makatotohanan ang istorya? Kung oo, sino ang gaganap sa papel nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, pati na ni Raymond Manalo? Kung hindi kilala ng mga artistang ito sina Karen, Sherlyn at Raymond, siguro’y napapanahon nang magsaliksik at magsuri. Marahil doon lang nila mapapagtantong tulad ng mga may-ari ng studio at produktong ineendorso nila, sila ay nagagamit din ng AFP, partikular ng ARESCOM, para maging katanggap-tanggap ang gawain ng mga berdugong magnanakaw na, mamamatay-tao pa.
Sana nama’y tandaan nilang hindi sila simpleng pabango dahil sila’y totoong tao. Suriin ang konteksto ng pabango para maamoy ang taglay na baho nito.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com