Bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang Bilibid. Naisakatuparan ang unang plano sa pagpapatayo nito noong 12 Setyembre 1859, subalit dahil sa burukratikong komplikasyon at kakulangan ng pondo, noon lamang 10 Abril 1866 ito naitayo at pinangalanang Cárcel y Presidio Correcional na kasyang magkaroon ng 1127 preso. Una itong itinayo sa dating Mayhaligue Estate sa gitna na Maynila, sa Calle Azcarraga (kasalukuyang Recto). Dahil sa malakas na lindol ng 2 Hunyo 1863, nasira ang mga kulungan ng Santa Cruz at Tondo kaya naging madalian ang pagpapatayo ng Cárcel y Presidio Correcional.
Maraming anomalyang napasangkot sa pagpapatayo ng gusali dito. Dahil sa katiwalian na nagbunga ng paggamit ng mahinang klaseng materyales, artipisyal na pagpapataas ng presyo, at hindi pagsunod sa alituntunin ng pagtatayo ng mga pampublikong gusali, kinasuhan ng pamahalaang kolonyal ang mga kontratistang gumawa ng pasilidad na sina Don Sixto Ojeda Ocampo at Don Diego Jimenez. Subalit dahil sa tagal ng pagdinig ng kaso, pumanaw ang dalawang kontratista bago pa bumaba ang hatol. Ang mga nasasakdal ang napagpasyahang nagkasala at nahatulong maikulong. Sa katunayan, isa sa mga unang preso ng Bilibid si Don Juan Room, ang arkitekto at direktor ng konstruksyon ng pagtatayo ng Bilibid mismo. Manila City Jail na ngayon ang Lumang Bilibid na itinayo sa orihinal na lokasyon. Dahil sa limitasyon sa pasilidad at maraming bilang ng mga preso, lumipat ang Pambansang Bilibid sa Muntinlipa bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Subalit taliwas sa karaniwang kaalaman, hindi lamang mga kriminal ang mga ikinukulong sa Bilibid. Maraming mga rebolusyonaryo at radikal na bayani ang naikulong din sa Bilibid. Naikulong ang mga Katipunerong nakipaglaban sa mga Espanyol noong panahon ng Rebolusyong 1896-98. Sina Faustino Guillermo, Melchora Aquino, Guillermo Masangkay, at ang buong pamunuan ng Republika ng Katagalugan na sina Macario Sakay, Francisco Carreon, Lucio de Vega at Julian Montalan ang ilan sa mga napiit dito sa panahon ng pakikibaka laban sa mga Amerikano. Ginamit ang Bilibid upang maikulong ang mga kumakalaban sa mga Hapones noong nakaraang digmaan. Napiit din sa Bilibid ang ilang pinaghihinalaang kumakalaban sa pamahalaan at binansagang mga komunista sa panahong MacCarthyism matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa panahon ng Batas Militar.
Kahit nakapiit, naging lunsaran din ng mga sulatin ang Bilibid. Ang peryodistang ilustrado na si Isabelo de los Reyes, ang nakapagsulat ng tala ng himagsikan Memorias sobre la revolucion habang nakapiit sa Bilibid. Sinasabing sinulat ni Amado Hernandez ang ilang bahagi ng kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit habang nakapiit din sa Bilibid. Ilan sa mga pinakasikat na sulatin ukol sa karanasan ng pagkapiit sa Bilibid ang kanyang nga tulang Ang Dalaw, Mapula ang Araw sa Labas ng Rehas na Durungawan, at Isang Dipang Langit – mga tulang nagsasalamin ng saloobin ng isang napiit dahilan sa kanilang paniniwala at paninindigan.
Bukod sa panlipunang kalagayan ng mga detenidong politikal sa loob ng Bilibid, mahalaga ring tingnan ang kalagayang pangkalusugan ng mga preso sa Bilibid. Sa Bilibid unang naitala ang kaso ng kolera sa epidemya ng 1905. Dahil sa siksikan ang mga tulugan, maruming palikuran, di sapat na pagkain at kontaminadong tubig, higit na mabilis kumalat ang kolera sa mga nakakulong sa Bilibid at mas marami ang nangamatay dito. Mula sa Bilibid, kumalat ang kolera hanggang maraming bahagi ng populasyon sa labas ng kulungan ang nagkasakit at namatay dahil sa sakit na ito.
Naging episentro ng Bilibid sa panahon ng pandemia ng Influenza ng 1918. Halos lahat ng nakapiit sa Bilibid ang nagkasakit sa panahon ng pandemia. Sa mga naitalang nagkasakit nang may kaugnayan sa kumplikasyong respiratory, namatay ang halos kalahati sa bilang ng mga ito. Sa kabuuang bilang ng 2,674 kaso ng influenza, 1,897 ang hindi naipagamot sa hospital ng piitan at kinailangang gamutin sa loob ng kanilang mga selda. Sa lahat ng mga institusyon ng pamahalaan na may konsentrasyon ng bilang ng mga tao (paaralan, kampong militar, tanggapan ng burokrasya, atbp.), ang Bilibid ang isa sa pinakanasalanta sa pandemia ng Influenza ng 1918. Pinakamataas ang case mortality (proporsyon ng mga namatay sa mga nagkasakit sa sakit ng Influenza) at case morbidity (proporsyon ng mga nagkasakit kung ihahambing sa lahat ng iba’t ibang mga dumapong sakit) sa loob ng Bilibid sa nabanggit na panahon. Gaya ng naganap na epidemya ng kolera noong 1905, lumala ang pandemia ng influenza noong 1918 nang kumalat ang sakit sa looob at labas ng Bilibid. Sa kasamaang palad, higit na mataas ang proporsyon ng nagkasakit at namatay sa loob ng kulungan kung ihahambing sa buong populasyon.
Bukod sa pagkakasakit, tila mga guinea pig ang turing ng ilang awtoridad sa mga nakakulong sa Bilibid. Noong 1904-05, tinimbang ng Bureau of Science sa ilalim ng pamumuno ni Maximilian Herzog at ilang mga siyentistang Amerikano ang mga utak ng mga presong namatay sa loob ng kulungan. Hindi lamang para sa medikal na kondisyon at kalagayang pangkalusugan ang layunin ng pagsusuri sa pagtimbang ng mga utak, kundi para alamin kung makikita sa timbang ng mga utak ang kakanyahan sa pag iisip ng mga preso sa partikular, at sa mga mamamayan ng kapuluan, sa pangkalahatan. Nais patunayan ng eksperimentong ito sa pamamagitan ng timbang ng mga utak, aalamin kung kaya nga bang tumanggap ng ‘sibilisasyong Amerikano’ ang mga Pilipino.
Sa inilimbag na Album of Philippine Types ni Daniel Folkmar na naglalarawan ng pisikal na anyo ng iba’t ibang grupong etnolingwistiko sa Pilipinas upang maipakilala sa Eksposisyon ng St. Louis ng 1904, gumamit sila ng mga larawan ng iba’t ibang preso ng Bilibid na nagmula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Ilang plaster cast din ang ginamit upang matiyak ang sukat at dimensyon ng mga pisikal na anyo ng mga Pilipino. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagpapahubad sa mga preso at paglalagay sa kanila ng plaster cast hanggang sa mabuo ang mga molde nito na magsisilbing pangdisplay ng kanilang anyo sa isasama sa Expo bilang representasyon ng mga bagong pag-aaring populasyon ng bagong imperyong Amerikano.
Isa sa kontrobersyal na eksperimentong medikal ang ginawa sa mga preso noong panahon ng pananakop ang ginawa ni Richard Peason Strong, pinuno ng Biological Laboratory services sa Maynila. Sa isang eksperimento ang isinakatuparan noong 1906, binakunahan niya ang 24 preso ng Bilibid ng bakuna para sa kolera para alamin kung epektibo ito sa pagsugpo ng sakit. Sa kasamaang palad, hindi naging maayos ang pagbabakuna at naging kontamidado ito ng mga organismo ng plague. Namatay ang 13 sa mga presong pinag eksperimentuhan. Nagkaroon ng malawakang imbestigasyon ukol sa kontrobersyal na pangyayari subalit napawalang sala si Strong sa anumang kaso ng pagpapabaya.
Sa kasalukuyang panahon ng pandemia, nagbabadya na namang sumambulat sa Bilibid ang isang krisis pangkalusugan. Ang pagsisiksikan ng mga nakapiit sa kulungan; ang kakulangan sa nutrisyon at aktwal na kinakain ng mga nakakulong; ang kawalan ng sanitasyon at programang pangkalusugan sa mga nakapiit; at ang pagkakahalo-halo ng mga taong maysakit sa loob ng kulungan – ang tila nauulit na kalagayan na nagbibigay ng posibilidad na muling maganap ang trahedyang pangkalusugan sa mga kulungan. Maaaring tingnang krisis panghumanitarian na ang kalagayan sa mga piiitan sa bayan. Maraming mga nakakulong ang hindi pa man lamang nasisimulang madinig ang kanilang mga kaso. Maraming tumanda na sa kulungan. Maraming mga maysakit at kapansanan sa mga nakakulong. May mga buntis at mga kababaihang kumakaharap sa iba’t ibang usaping pangkalusugan. Bilang pagsasaalang-alang sa kalagayang humanitarian, maaaring bigyan ng kalayaan ang mga ito. Bahagi din ito ng tugon upang maisakatuparan ang pag-apula sa pagkalat ng sakit, lalo na sa mga nagsisiksikang kulungan sa bansa.
Pinakita sa kasaysayan ang trahedyang idinudulot ng krisis pangkalusugan sa mga pinakabulnerableng mga mamamayang nahahayag sa pagkakasakit kung walang pagpapahalaga ang lipunan sa kanilang kapakanan. Ang mga aral sa kasaysayan ng mga maysakit sa Bilibid ang magpapakita sa kasalukuyang henerasyon kung mauulit ang nagbabadyang trahedya ng pandemia sa hanay ng mga detenido o kung magiging makatao ang lipunan sa pagturing sa mga bulnerableng mga mamamayan nito – sa loob o labas man ng piitan.
Ref.
Chemin, Eli. (1989). “Richard Pearson Strong and the Iatrogenic Plague Disaster in Bilibid Prison, Manila, 1906” Reviews of Infectious Diseases, Volume 11, Issue 6, November 1989, Pages 996–1004.
Folkmar, Daniel. (1904) Album of Philippine types (found in Bilibid prison in 1903) Christians and Moros (including a few non-Christians) Prepared and Published under the auspices of the Philippine Exposition Board. Manila, Bureau of Public Printing.
Gealogo, Francis. (2004). “Ang Buhay sa Loob: Social Conditions in the Philippine Insular Prisons, 1866-1940.” In Violeta Ignacio, (ed.). Manila. Manila Studies Association.
Gealogo, Francis. (2018). “Bilibid and beyond: Race, body size, and the native in early American colonial Philippines” Journal of Southeast Asian Studies. Volume 49, Issue 3
October 2018 , pp. 372-386
Laurel, Salvador. The State of the Philippine Penal Institutions and Penology (Manila: Senate of the Philippines, 1969)
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.