
Magkakasunod na rumagasa ang mga bagyo sa loob ng ilang linggo na nakasalanta sa maraming bayan. Hindi pa nakakabangon sa naunang bagyo, dumating na naman ang panibago at higit na mapaminsalang unos at mas malawak ang mga naapektuhang mga pamayanan. Ilang linggong nakalubog sa baha ang ilang mga bayan. Ilang daan ang namatay, nalunod, at nasugatan sanhi ng kalamidad. Naging mahalaga ang pagtutulungan ng mga mamamayan dahil sa kakulangan na rin ng mga nasa pamahalaan na rumesponde sa trahedya. Maraming mga samahan ng mga mag-aaral, manggagawa, kababaihan, taong simbahan at mga taga-iba’t ibang pamayanan ang naglunsad ng kani-kanilang kampanya sa pangangalap ng donasyon, pagluluto ng mga makakain para sa mga nagsilikas na mga pamilya at pagbibigay ng damit at iba pang ayuda sa mga nasalantang pamayanan.
Samantala, pagtatangkang maalis sa kanila ang paratang ng kapabayaan, sinisi ng mga nasa pamahalaan ang mga maralita sa kanilang katigasan ng ulo na lumikas mula sa kanilang mga barong barong na nakatirik sa mga estero at iba pang delikadong lugar. Sinisi rin ng mga nasa pamahalaan ang mga nagbigay tulong at sinabing bahagi ito ng propaganda ng mga komunista upang mapasama ang imahe ng pamahalaan. Upang makapaglikom ng rekurso, ipinanukala ng pamahalaan ang pagsasantabi ng bagong pondong tinawag na Disaster Fund na nasa kamay lamang ng palasyo ang kontrol sa paggastos. Sa lahat ng mga ito, nagpatuloy ang padurusa ng mamamayan. Ito ang isa sa mga idinahilan ng palasyo kaya ‘napilitan’ itong ideklara ang batas militar. Ang bagyo, baha at ang pangkalahatang kalamidad ang isa sa binigyang dahilan ng pangulo sa konsolidasyon ng kanyang kapangyarihan.
Bagaman pamilyar sa kasalukuyang kalagayan, naganap ang mga ito noong Hulyo hanggang Setyembre taong 1972, sa panahon ng ikalawang termino ng panunungkulan ni Ferdinand Marcos. Nagsimula ito noong 6 Hulyo 1972, nang pumasok sa Pilipinas ang bagyong Edeng sa lalawigan ng Quezon at tumagal ang bagyo ng dalawang araw. Bagaman hindi gaanong malakas ang bagyo, at panandalian lamang ang itinagal nito sa kalupaan, nagdulot na ito ng mga unang pagbaha sa gitnang Luzon. Hindi pa nakalalabas nang lubusan sa teritoryo ng responsibilidad ng Pilipinas ang bagyong Edeng nang pumasok naman ang bagyong Gloring – isa sa pinakamalakas na bagyong naitala noong panahong iyon (umabot ang lakas ng 375kph). Bagaman hindi tumama agad sa kalupaan, tumagal sa may bandang hilaga-hilagang silangan ng Luzon ang bagyo sa loob ng sampung araw. Dahil sa pagtigil nito sa bandang hilagang silangan ng Luzon, nagdulot ito ng patu-patuloy na ulan sa malaking bahagi ng kapuluan. Sinasabing may mga lugar na umabot ng hanggang 30 araw ang patuloy na pag ulan.
Kakaiba ang buhos ng ulan sa buwan ng Hulyo at Agosto ng taong 1972. Ayon sa tala ni Roby Tatingco,
According to the weather bureau, the rains of July-August 1972 were the heaviest since 1911. Baguio City recorded 479.6 mm of rain in a single day (compared to Ondoy’s 454.9 mm), for a total of 4,724.5 mm in one month. In Apalit, Pampanga it was 1,999 mm while in Manila it was 1,751mm.
I was a high school freshman at the time at the Mother of Good Counsel Seminary in San Fernando. We didn’t have classes for many weeks but we couldn’t go home either, so we spent our wet, idle days catching gurami, tiny snakes and frogs in the flooded classrooms and corridors, nursing our alipunga (fungi infection between toes) and watching military helicopters from Clark drop sacks of rice and nutribuns in nearby Assumption College.
Because rice had become scarce, we resorted to eating ground corn and sorghum. Soon the seminary fathers had no choice but to send us home. Back in Mabalacat, my father took me around to see the destruction, mostly wreaked by the town’s Sapang Balen. In Angeles City, their own Sapang Balen had wiped out bridges and eroded entire neighborhoods in Pulungbulu and San Jose (which is why some areas in those two barangays lie on lower ground today).
When the Great Luzon Flood of 1972 was over, the nation counted 565 dead (485 by drowning), 5.5 million people directly affected by flood, and P2 billion in damage to property and agriculture. It was the worst disaster in the Philippines since World War II (that is, until the Luzon Earthquake of 1990 and the Pinatubo eruption in 1991).
Sa kabila ng malawakang pagbaha at kasiraan ng mga bahay at buhay ng mga mamamayan, naging bunton ng paninisi ng pamahalaan ni Marcos at ng asawa nitong si Imelda ang mga maralita. Sabi nila, ang pagbaha ay bunga ng mga baradong estero na tinambakan ng mga basura ng mga maralitang tagalunsod na tumira doon kahit pinagbabawalan. Hindi dumaloy ang mga tubig ulan sa mga dating dinadaanan nito dahil na rin daw sa mga pasaway ng mga maralitang nagpabaya sa kalikasan. Bunga nito, nanghingi ang pamahalaan ng dagdag na pondong P500 milyon na tatawaging Calamity Fund, na maaaring gamitin ng ehekutibo sa panahon ng sakuna nang hindi na kinakailangang dumaan pa sa mahabang proseso ng burokratikong pagpipinansya at sistemang piskalya. Nagbunga ang ganitong sistema na pinasimulan ng diktadura ng pagkakaroon ng higit na malawakang pagkakataon sa katiwalian, sa pagkamal ng tubo sa pagbili ng mga gamit pang-ayuda para sa mga nasalanta gamit ang pondo ng pamahalaan, at ang pangkalahatang penomenon ng tinatawag na disaster bureaucrat capitalism. Sa gitna ng pananalanta, mayroon pang mga kumita habang nasa trahedya ang nakararami.
Subalit ayon sa mga historyador na sina James Warren at Michael Pante, naging bunton ng sisi ng mag-asawang Ferdinand at Imelda ang mga maralita upang mapagtakpan ang kakulangan mismo ng mga nasa pamahalaan gaya ng kanilang pamumuno. Maraming mga maralitang nagsiksikan sa mga lungsod dahil sa kabiguan ng kanayunan na magpatupad ng malawakang repormang agraryo na magbibigay ng oportunidad sa mga maralitang tagabukid na magpaunlad ng kanayunan at ng sariling kabuhayan. Dahil sa kawalang kaunlaran at kapabayaan ng pamahalaang paunlarin ang kanayunan, maraming nagsisiksikan sa mga impormal na pamayanan kahit sa mga lugar na matagal nang daluyan ng tubig. Pero sa katotohanan, ani ni Warren, ang trahedya ng bagyong Gloring ang pahiwatig pa ng mas malawakang suliraning panlipunan ng bayan. Walang sapat na programa ang pamahalaan sa panirahanan at pabahay pati pagbibigay ng trabaho sa mga maralita. Pinalala pa ito ng kawalang ng regulasyong pangkapaligiran na nagbigay -aan sa pagsasakatuparan ng mga negosyong mapanira sa kalikasan. Noon pang 1972, napuna na marami sa mga negosyong ito, gaya ng real estate development sa mga dating palayan, malawakang pagtotroso sa mga watershed at kanugnog na mga kabundukan at kagubatan sa palibot ng Maynila, at ang pagtatayo ng mga industriya sa mga lugar na malapit sa kailugan ang higit na nakakapinsala sa kalikasan at nagdudulot ng suliranin sa pagbaha. Sinabi rin ni Warren na marami sa mga may-ari ng mga malalaking empresang nabanggit ang malapit sa unang pamilya at nagbubuo ng tinatawag na crony corporation na nagsisimula nang yumabong sa interes pangkabuhayan. Ang pagbubunton ng sisi sa mga maralita ang isa sa naging pamamaraan ng pamahalaan upang hindi mabaling ang sisi sa kanilang pagpapabaya, at sa pagmamalabis ng mga malalaking korporasyon at mga crony na siyang higit na nakasira sa kalikasan. Bagaman likas sa Kamaynilaan, lambak ng Cagayan, Kabikolan at Gitnang Luzon ang mababang lokasyon ng kalupaan, ang kawalan ng regulasyon sa mga empresang nakakasira sa kalikasan ang isa sa hayag na kadahilanan ng pagkasalanta at malawakang pagbaha sanhi ng bagyong Gloring ng 1972.
Malawakan man ang pananalanta ng bagyo at pagbaha ng 1972, at ginawa man itong pamamaraan para sa konsolidasyon ng diktadura at katiwalian sa pamahalaan, makikita ring malaki ang ambag ng baha ng 1972 sa pagmomobilisa at pagmumulat sa mga mamamayan. Ang malawakang pagbaha ang nagbigay-daan upang mapasangkot ang maraming mga mamamayan sa pagbibigay ayuda dahil napagtanto nilang kulang o walang ginagawa ang pamahalaan upang maibsan ang pagdurusa ng marami. Isa ito sa panahong unang ‘lumubog’ sa mga pamayanang maralita kahit ang panggitnang uri at mga “moderate” na grupo at mga indibidwal. Matatandaang ang dating lider estudyante ng mga moderatong NUSP na sina Edgar Jopson at Artemio Celestial, Jr ang ilan sa mga namobilisa sa pagtulong sa mga nasalanta ng baha sa gitnang Luzon. Nagbigay-daan ito sa paglawak ng kanilang kamalayan at pagkilala sa pangangailangan ng higit na malawakang pagbabagong panlipunan upang masolusyonan ang mga suliranin ng bayan. Sa kabilang banda, ang higit na progresibo at radikal na mga mamamayan ang lalong nakaranas ng radikalisasyon ng pagkakasangkot sa panlipunang pagkilos. Ito rin ang panahong namobilisa ang mga kabataan sa ilalim ng Kabataang Makabayan at Samahang Demokratikong Kabataan na maglunsad ng malawakang tulong sa mga nasalantang pamayanan, kasama ang mga radikal na sina Lorena Barros, Juan Escandor, at marami pang iba na nagpatibay sa kanilang higit na radikal na oryentasyong pampulitikal. Sa matagalang panahon, ang mga buhay na inalay ng mga martir ng bayan ang sila ring magiging tuntungan sa pagpapatalsik sa diktadura noong 1986.
Sa kasalukuyang panahon nananalasa na naman ang sunud-sunod na kalamidad, hindi maiiiwasang ituring na walang lakas ang tao sa pwersa ng kalikasan lalo na sa mga bagyo, baha at iba pang kalamidad o kaya naman ay pagdiinan na lamang ang resilience o kakanyahan ng mga kababayang magsikhay sa gitna ng trahedya. Subalit kailangan ding kilalanin na panlipunan ang sanhi ng mga kalamidad na ito. Ang kapabayaan ng pamahalaan, ang pangunguna ng komersyal na interes kaysa sa interes at kapakanan ng nakararami, at ang pangkalahatang kakulangan ng paghahanda ang nagpapalala sa mga sakunang dala ng kalikasan. Maituturing na isang krimen na nagdudulot ng kamatayan, pagkasira ng mga ari-arian at pagkawasak ng kabuhayan ang ibinubunga ng kapabayaan ng mga nasa autoridad. Sangkot sa krimeng ito ang malalaking empresang sumira sa kagubatan at kabundukan, nagpatag sa mga bundok para sa pagtotroso at pagmimina; nagpatayo ng mga negosyo at proyektong real estate na nakahambalang sa mga natural na daluyan ng tubig at walang pakundangan sa kapakanan ng nakararami kumita lamang ng tubo.
Ang sistema ng pagtutulungan ng mga mamamayan at ang bayanihan para maibsan ang pagdurusa ang salamin ng kawalang kakanyahan ng mga nasa kapangyarihang tumugon sa pangangailangan ng nasalanta. Ang pagtutulungan ding ito ang nagbibigay daan upang mapalalim ang pagkakasangkot ng marami para wakasan ang trahedyang panlipunang nagpalala sa sakuna ng kalikasan.
References:
Bantayog ng mga Bayani. 2016. Ang Mamatay nang Dahil Sa’Yo. Manila: National Histortical Commission, v 1-2
Pante, Michael. (2016). The Politics of Flood Control and the Making of Metro Manila. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints. 64; 3-4, 555-92.
Tantingco, Robby. The Big Luzon Flood of 1972 https://www.facebook.com/notes/robby-tantingco/the-big-luzon-flood-of-1972/1486260198066626/
Warren, James. (2013). A Tale of Two Decades: Typhoons and Floods, Manila and the Provinces, and the Marcos Years r. The Asia-Pacific Journal | Japan Focus Volume 11 | Issue 43 | Number 3 | Article ID 4018 | Oct 21, 2013
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.