Ka Manny, hindi mo kami malilisan

Manny Sarmiento. (Photo from Migrante-Austria)
Ni FELIPE UNLAYAO

Para sa ama ng Migrante-Austria

pagkat hindi makapaniwala sa biglaang balita
nabigla, nagulat, nawindang ang aming utak kaluluwa
tila para bang biglang lumutang sa balitang biglaan mong paglisan
wala sa hinagap na ngayon ka na aalis
walang paalam kahit ni konting pahiwatig

Sa gitna ng pagdadalamhati biglaang gumuhit sa isip
mahigpit na kasaysayan ng ating pagkakapit-bisig
sa madawag na landas ay magkakasama nating tinahak
iginiit ipinaglaban kung ano ang para sa bayan ay dapat
at sinikap nating ikintal sa diwa ng bawat isa na pakamahalin
ang bayang ating sinisinta.

Hindi matatawaran at walang katumbas ang pag-ibig mong dalisay
para sa mahihirap at sa inang bayan na labis mong nililiyag
Higit pa sa ginto`t mga hiyas na kumikinang
walang katumbas na yaman ang iyong pagmamahal
sa altar ng pangarap ng bayang lugmok sa dusa’t hirap
inialay mo ang iyong dunong, panaho’t buhay na liyag
hindi kailan man nagpagupo sa bangis ng kaaway at dahas.

Para sa ‘yo ay walang puwang ang pamamahinga
ang palagiang puyat at pagod ay di mo inalintana
naluluoy man rin ang katawan sa pag ipas ng tadhana
kapakanan pa rin ng maliliit ang laman ng iyong diwa
na palayain sila sa kadena ng labis na pag sasamantala

bagamat batid mong malayo pa ang umagang inaasam
ang lipunang tunay na malaya ay sa pangarap pa lamang
at sambit mong minsa’y sadyang iyo itong sapantaha
na ang bunga ng iyong mga ipinunla ay di mo na makikita
kailan ma`y hindi ka nagsawa’t napagod na magpunla
Upang bukas ang susunod na lahi’y mabuhay na malaya.

Ka Manny, kahit ikaw ay umalis hindi mo rin kami ma lilisan,
dahil nakatanim ka na dito sa aming mga isipan
at habang may tibok ang aming mga puso,
at may kislot ng dugo sa bawat pintig ng mga pulso
laging dadaloy ang iyong alalala sa aming pagkatao
gabay naming tatahakin ang matimyas na pangarap mo

Walang Hanggang Paalam…

Share This Post