Community Pantry Ph: Hugpungan ng ginhawa at pag-iral ng use value

(Photo by Bernadette Anne Morales)

Bakit ganoon na lamang ang depensa laban sa red-tagging ng mga Community Pantry (CP) at ang pagtanggi na may kinalaman ang mga ito sa rebolusyonaryong kilusan ng mga komunista sa Pilipinas.

At bakit hindi? Walang obligasyon ang mga taong tumutulong gayundin ang mga nagugutom na yakapin ang Partido Komunista ng Pilipinas dahil lamang may mga pantry na inoorganisa ng mga kritikal sa gobyerno, organisado man silang mga aktibista o hindi.

Dalawang ideya ang sisikaping talakayin ng sulating ito kaugnay ng mga CP: 1) ang pagtatayang “political” ang mga CP at 2) ang kongkretong pagbubulaga ng matagal nang mga naibaon na praktika ng use value at ginhawa kasabay ng pagkalat ng mga CP.

Pulitikal agad?

Sa pagsulpot ng mga CP nang nakaraang linggo, naging hot take sa social media na kahit ano pa ang gawin at isipin ng iba, likas na pulitikal ang mga CP.

Totoo nga ba? Kailan pa naging pulitikal ang lantay na gutom at pangangailangan? Facts are not necessarily political. Their implications do not make them necessarily so.

Kung ituturing na pulitikal ang gutom at kahirapan, inaasahan din ba nating ipagpalagay at unawain ng mga kababayang nagugutom at nangangailangan ang kanilang pang-araw-araw na buhay at naging buhay ng kanilang magulang at kanunu-nunuan bilang buhay na tigib sa pulitikal na danas at pagkilos?

Sa kasaysayan ng pag-agaw ng kapangyarihan ng masa mula sa mapang-aping estado sa nakaraang ika-20 siglo, may iba pang lapit o pagturing sa “pulitikal.”

Kung ang ibig nating sabihin sa pulitikal ay tablahan ng kapangyarihan, hindi maaaring ituring na pulitikal ang gutom o kahirapan, laganap man ito sa lipunan. Kung ituturing na pulitikal agad-agad ang kundisyon ng kagutuman at kahirapan, malinaw na ang kapangyarihan ay laging nasa mga kamay ng iilang nang-aapi at nanggugutom. Kaya hindi pulitikal kaagad ang gutom at kahirapan, kung ang pakahulugan sa pulitikal ay tablahan ng kapangyarihan sa pagitan ng mga mapagsamantala at mapangapi na malay at mapagpasiyang nilalabanan ng inaapi’t pinagsasamantalahan.

Maaari lamang ipagpalagay na pulitikal ang gutom at kahirapan sa makitid na sipat ng kapangyarihan–ang kapangyarihang mang-api at mang-gutom.

Ano ang naging silbi ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa kasaysayan ng mga rebolusyon sa mundo?

Una, naging muog na buo ang mga rebolusyonaryong organisasyon sa gitna ng gutom at kaapihan.

Ikalawa, umantabay sa masang nagugutom habang tinulak silang pawiin ang gutom sa pamamagitan ng pag-unawa kung bakit ba pinapatay sila sa gutom.

Ikatlo, ipinakitang may muog na buo upang labanan ang gutom, at nagtiwala at napakilos lang ang masa na mayroon nga sapagkat buwis-buhay ang pag-oorganisa ng mga pwersa ng pagbabago. Walang obligasyon ang masa na magtiwala kanino mang nagsasabing sila ang pagbabago. May obligasyon ang mga rebolusyonaryo na kamtin ang tiwala ng masa sa pamamagitan ng pagkilos kasama nila.

Hindi tapat sa kasaysayan ng mga rebolusyonaryong kilusan ang shortcuts na nagtuturing na pulitikal ang lahat, pati na ang gutom. Paano naging pulitikal ang isang sitwasyon kung saan ang taong gutom ay walang kalaban-laban? Kung gayon, kailangang linawin, ang pang-aapi ng nang-aapi ay isang tagibang na kalagayan, at hindi pa ang tunggalian ng kapangyarihan.

Ngunit talamak din kasi ang burgis na lapit sa pulitika. Paboritong sabihin ng mga burgis na ang lahat ay pulitikal. Bakit? Sa batayang lohika, kung lahat ay pulitikal, wala ring ni ano ang pulitikal. Lapat sa interes ng burgesya ang manatili tayo sa sitwasyong walang pulitika–walang tablahan ng kapangyarihan sa inaapi at nang-aapi. Walang pangangailangang proseso na mag-ipon at itindig ang kapangyarihan ng mga api upang makalikha ng pulitikal na sitwasyon.

Samakatuwid, pulitikal nga kung may kongkretong tunggalian at paghaharap ang nang-aapi at ang inaapi na nagdesisyong kailanma’y hindi na pagagapi, buhay man ang ialay. Naging ganoon ang kiwal at piglas ng pulitika, ng tagisan ng kapangyarihan, sa mga aktwal na rebolyusyonaryong sitwasyon sa kasaysayan ng malawakan at malalim na pagbaabago ng buhay ng mga mamamayan.

Ang CP sa kongreto

Hindi automatikong mag-aanak ng rebolusyon ang gutom, anupamang tayog at radikal ng ating pagsusuring teoretikal.

Kapag sinabing radikal, ibig sabihin ay inuugat nito ang sanhi ng isang pangyayari o kundisyon. Itanong natin, radikal nga ba ang tugon ng mga CP sa gutom? Hindi. Pero may alay itong pagkain sa mga binubusabos at ginugutom. Maaari ring sabihiing hindi pa radikal pero tiyak, makatao.

Sa puntong ito, nakikita nating maski ang mga walang radikal o malalim na pag-uugat sa sanhi ng gutom ay kayang mag-ambag upang ibsan ang gutom ng iba. Mayroon ding nag-aambag dahil radikal ang pagkagagap nila sa kalagayan ng gutom.

Kung gayon ay hugpungan ang CP ng mga taong may iba-ibang tantya at unawa sa gutom pero may isang bagay na kagyat na mahalaga para sa kanila: na sa mga oras na ito ay walang magugutom. Walang duda, ito ang kalinga ng tao sa kapwa tao, ang ginhawang makakamtan lamang kung lahat ay maginhawa. Ganitong diwa at praktika ng mga nagkalat at kumakalat pa na hugpungan na tinatawag nating Community Pantry.

Sa ganyang koteksto at latag, natatantyang walang kagyat na papel ni kapasidad ang mga hugpungang kagaya ng CP na magdala ng rebolusyon o ispontanyong pag-aaklas. Hindi rin naman dapat pagdudahan ang pagbabagong maaaring sapitin ng taumbayan kapag masapul ang pulitika o tablahan ng kapangyarihan sa pagitan ng 1) kagutuman at panggugutom; 2)at ang ugnayan nito sa naipapakitang kapasidad ng tao na kumalinga sa kapwa-tao at yakapin lamang ang ginhawa kung maginhawa rin ang komunidad.

Kapansin-pansin din na bihirang-bihira nating maengkwentro sa balita at social media ang mga organizer ng CP na nagsabing may mga pasaway at walang disiplina ang mga kababayan nating nagpupunta sa mga CP para sa kanilang pangangailangan.

Hindi ginagawang pagkakataon ng mga organizer ang CP para sukatin ang mga naghihirap at obligahin silang patunayan ang kanilang mga sarili. Marka ng mga matapobre ang ganyang gawi.

Sa una at marahil huling ( danas ng karamihan) trickle down ng ayuda mula sa gobyerno noong isang taon, walang ibang diskursong pinairal ito kundi ang disiplina at pagkokontrol sa mga tumatanggap ng ayuda.

Maagap ang paninira at sabotahe ng mga opisyales ni Duterte sa Community Pantry. Bulalas ni PCOO Usec. Lorraine Badoy, pakana ito ng mga komunista. Binalak harangin at pahinain ni DILG Usec. Martin B. Diño ang tugon ng taumbayan sa gutom sa pamamagitan ng pagtatalaga ng permit para sa mga CP, na binawi rin agad dahil sa batikos ng publiko. Binansagang kampon ni Satanas ni Lt. Gen. Antonio Parlade ang unang nagtayo ng CP sa Maginhawa St. Ito ay walang iba kundi ang matalino, mapagkumbaba at matatag na si Ana Patricia Non, o si Patreng na sa kabila ng tinatamong katanyagan ay umaapila na ang Community Pantry ay tungkol sa komunidad at hindi sa kanya.

Hindi na bago ang tugon ng mga personahe ng estado, ito rin naman ang estadong may palpak at nakamamatay na tugon sa pandemya, kasabay ang todo-gera at paniniil sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng extra-judicial killings, Anti-Terror Law, NTF-ELCAC at IATF. Ngunit hindi rin matatawaran ang depensang hatid sa mga CP ng mga Mayor ng malalaking lungsod ng Metro Manila—Joy Belmonte ng Quezon Ctiy, Vico Sotto ng Pasig at Isko Moreno ng Maynila.

Bakit nga ba may hatid na kakaibang damdamin, gambala, gitla at sukdulang pagkabalisa (anxiety) ang mga CP sa estado poder at gayundin sa ibang nag-aasam ng katapusan sa malagim na yugtong ito sa ating kasaysayan?

Sa aking pagtantya ang kakaibang dating ng mga CP ay may kinalaman sa pagbulaga ng matagal nang ibinabaon ngunit lagi namang umiiral sa ating mga buhay at lipunan—ang use value o ang kapakinabangang hindi nagpapasukat sa merkado, walang presyo (walang exchange value).

Halimbawa, napakahalaga ng gawaing-bahay, mula sa paglilinis, pagluluto, paglalaba, pangangalaga sa mga bata at buong pamilya, na karaniwang responsibilidad ng mga kababaihan. Ngunit karaniwan itong tinuturing na walang halaga sapagkat wala itong exchange value o katumbas na presyo sa merkadong kapitalista. Kaya karaniwan itong minamaliit at hindi kinikilalang mahalagang salalayan ng pag-iral ng mundo at ng mga tao rito. Matagal nang sinasabi ng mga mabubuting feminista—subukan ng mga nanay, kasambahay, taong-bahay at iba pang naghahatid ng serbisyo na tigilan ang gawaing-bahay at pagseserbisyo, guguho ang buong sistema.

Katakot-takot na paggawa ang nilalaan ng mga kababaihan ang hindi natutumbasan o nababayaran ng karampatang halaga nito sa pagtataguyod ng lipunan. Walang katapat na sweldo ni subsidiya na inilalaan ang gobyerno para sa mahalagang serbisyong ito ng mga kababaihan.* Kaya hindi rin nakapagtatakang ang inisyatibang CP ay nagmula sa isa sa ating kababaihan.

Ang pagpapasulpot ng libreng pagkain ng mga CP ay kakaiba dahil commodity o isang bagay na binibili ang turing sa pagkain, at kung gayon ay nangangailan ng bayad upang makonsumo. Ang biglang pagtampok ng use value sa ating mga komunidad ay isang penomenong dala ng mga CP. Sa ganitong ekonomiya, nakakamtan ng tao ang isang produkto sa isang bahagi lamang ng halaga nito, ang kapakinabangan nito sa tao (use value). Hindi sukatan ang kakayahan ng taong tumbasan ito ng pera (exchange value).

Use value sa Lumad at Ginhawa sa Aeta

Sa isang panayam sa mga kabataang Lumad noong Hunyo 2017, panahong inanunsyo rin ni Duterte na bobombahin niya ang mga Lumad Schools sa Mindanao, naitanong ko sa kanila kung ano ba ang ideya nila ng magandang buhay. Masusuma sa malinaw at matalas na pahayag ng isa kanila ang ibinigay na halos kaparehong sagot ng lahat:

“Kapag hindi na bumababa ng bundok ang mga magulang namin para makabili ng pagkain, yun ang magandang buhay para sa amin.”

Dito ko unang naobserbahan ang natural na pag-iral ng mga konspeto ng use value at exchange value sa pagtatanyta at pagtataya sa pang-araw-araw na buhay ng mga batang Lumad.

Nagitla ako at naisip ko na sapul sa pagkabata ay hindi dumapo sa akin ang ganitong pigurasyon ng magandang buhay. At iyan ay sa dahilang walang pagkakataong danasin ko ang mahigpit na ugnayan ng aking buhay sa kalikasan. Di tulad ng mga batang Lumad na ipinangak at nanirahan sa mga komunidad na may mayayamang biodiversity. Nakapaloob ang buhay ko sa cash economy, isang ekonomiyang dinodomina ng exchange value. Kaya imbis na “Ano ba ang kailangan ko, ang una at laging tanong ay “Magkano?”

Samakatuwid, sa mga komunidad na hindi pa lubusang lubog sa cash economy (o sa merkadong kontrolado ng lohika ng akumulasyon ng kita) sa mahabang panahon, ang ideya ng magandang buhay ay malinaw at madulas na naiuugnay sa use value o kapakinabangan ng halaga o ang mga pangangailangan ng tao na nakakamtan nang libre mula sa komunidad. Sa mga mata ng mga batang Lumad, hindi kumplikado ang ganitong ideya.

Sa isa pang panayam sa isang komunidad ng mga Aeta noong 2014, naitanong ko sa kanila (edad 35-55) kung ano ang salin ng salitang ginhawa sa kanilang wika. Tinanong nila ako kung ano ba ang ibig kong sabihin sa ginhawa. Matapos ko itong ipaliwanag, sinagot ako ng isa sa kanila: “Walang ganyang salita sa amin. Hindi namin masasabing maginhawa kami kung mayroon pang isang Aeta ang naghihirap.” Sa puntong iyon, bigla kong naalala kung bakit nga ba ginusto kong sabayan ang mga laksa-laksang tao sa mundo na naglalakad sa landas ng pagbabago.

Mahigpit ang ugnayan ng dalawang ideya na nailatag ng mga katutubong Lumad at Aeta. Sa mata ng mga batang Lumad, ang magandang buhay ay nakasalalay sa pag-iral at pagtamasa ng mga bagay na kapaki-pakinabang at kailangan — ang use value ng pagkain at iba pang rekurso, ang malayang pagprodus ng mga makakain sa mga komunidad at ang libreng pagkonsumo nito para sa lahat miyembro ng komunidad.

Samantala, malinaw sa mga may edad na Aeta kung bakit walang salitang katumbas ng ginhawa sa kanilang wika— hindi pa bahagi ng kanilang kolektibong danas ang ideya ng ginhawa. Ngunit hindi kaila sa kanilang mismong paglalahad na upang maging buhay na danas ang ginhawa, nararapat na danas ito ng kabuuan.

Mahalagang unawain ang ugnayan ng dalawang halimbawang ito na halaw sa mga katutubo dahil nagkakaroon ng materyalidad at konteksto ang pag-iral ng use value at ng isang lipunang magpapatampok sa pag-iral mismo nito.

Hugpungang Community Pantry

Ang pagpapaliwanag ng use value at exchange value na idinudugtong sa pagususuri at kritika sa sistemang kapitalismo ay tampok sa teoryang Marxista. Ngunit mismong sa obra ni Marx ay makikitang mas maunlad at malalim ang pagtalakay na inilalaan sa exchange value dahil ito ang historikal at ispesipikong porma ng halaga na umiiral sa kasalukuyang sistema ng kapitalismo—isang sistema ng produksyong nakabatay sa lohika ng akumulasyon ng kita laban sa pagtugon sa pangangailangan ng tao.

Ngayon, kung use value ang porma ng halagang umiiral, ang paglikha ng halaga sa pamamagitan ng paggawa (labor) ay ibabatay sa pangangailangan ng tao. Ito ang mga batayang pangangailangan na hindi kinakailangang ilako bilang kalakal upang maging kapakipakinabang sa tao— pagkain, tubig, pabahay, edukasyon, sistemang pangkalusugan.

Sa pamamagitan lamang ng isang kolektibong pananaw mabibigyan ng kaukulang lugar ang ginhawang danas na hindi mapang-busabos sa kapwa at mapanira sa kalikasan. Inagaw at ibinaon ito ng mga kolonyalista at imperyalistang naghasik ng dahas at nagtatag ng sistema ng pribadong pag-aari sa pamamagitan ng pang-aagaw ng lupa at yaman ng bansa.

Kailangan na ngayong magbayad ng malaki ng mga Pilipino upang mabuhay. Subalit para sa mga katutubo na mapagpasyang tumanggi at tumutol sa mga pamamaraan ng kolonyalismo at imperyalismo, hindi basta maibabaon ang kolektibong paglikha ng mga pangangailangan ng tao upang libre itong maipamahagi sa tao.

Sa pagsulpot ng mga CP sa buong kapuluan, nagkaroon ng bagong hugpungan o pagkakatagpo-tagpo. Sa hugpungang ito, matingkad ang diwa ng kolektibismo na may potensyal na makipagtalaban sa gutom, karahasan at pandemya. Litaw rin ang materyal na pag-iral ng use value (laban sa exchange value) upang makamtan ng mamamayan ang kanilang mga pangangailangan.

Sapul na sapul ng motto ng CP ang ugnayan ng pag-iral ng use value at kolektibismo: “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.”

Kung bakit naiuugnay ang CP sa komunismo ay dahil marahil sa pagkakahawig nito sa pagpipigura ni Marx sa komunismo bilang isang porma ng ugnayan ng tao sa tao o lipunan (social form): “Mula sa bawat isa batay sa kanyang kakayahan, tungo sa bawat isa batay sa kanyang pangangailangan.”Ang ganitong prinsipyo ng pamumuhay ay tumutukoy sa libreng distribusyon at pagkamit ng pagkain at serbisyo.

Ngunit ayon din kay Marx, ito ay nakabatay sa lubos na pag-unlad ng isang sistemang lumilikha ng produkto at serbisyo na makasasapat sa mga pangangailangan, at hindi nasasagkaan ng interes ng akumulasyon ng kita, pananamantala sa paggawa at ng imperyalistang pagdodomina ng makapangyarihang bansa sa mga mamamayan ng mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas.

Malayo sa komunismo ang latag at larga ng mga CP sa kasalukuyan. Malinaw rin na anumang pag-uugnay sa komunismo ng mga CP sa panahong ito, kung kailan itinuturing ng estado na teroristang dapat patayin ang komunista, ay walang ibang dulot kundi peligro sa buhay ng mga nagtataguyod ng CP.

Ngunit hindi na rin maikakaila na sa pamamagitan ng mga CP, napatutunayang kaya naman palang maging malakas ang mga pinahina. Ang mga minaltrato, pinagnakawan, pinahiya, minaliit, namatayan at sinindak ay sumasalubong sa pagkilos ng mga minaltrato, pinahiya, pinagnakawan, minaliit, namatayan at sinindak.

Hindi ba’t sa kasaysayan ng mundo ay sa ganitong paraan din nakapag-ipon ng kapangyarihan ang mamamayan upang magtayo ng mga gobyernong makatao? (https://www.bulatlat.com)

Sarah Raymundo is a full-time faculty at the University of the Philippines-Diliman Center for International Studies. She is engaged in activist work in BAYAN (The New Patriotic Alliance), the International League of Peoples’ Struggles, and Chair of the Philippines-Bolivarian Venezuela Friendship Association. She is a member of the Editorial Board of the Journal for Labor and Society (LANDS) and Interface: Journal of/and for Social Movements.

Share This Post

Post Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.