Kerima and I wrote a long and anonymous piece together (this was pre- Blood Rush, bulatlat). We did not bother to publish it elsewhere as we want to keep it that way, anonymous. We thought we would be writing articles together any time we want. Perhaps we thought we were forever? Kerima envisioned a series of research-heavy cum polemical articles to be used in EDs and lectures.
This is on the Balangiga Bells and the armed anti-imperialist resistance here. We uploaded it in July 2012, https://saludybenedicto.wordpress.com/author/saludabenedicto/
Kerima insisted we write this in Tagalog first and then translate it into English. She was concerned that if we initially wrote in English, then we might end up postponing and never accomplishing Tagalog translation. She wanted to make sure it is accessible to people beyond the English-speaking academic crowd.
The first article we wrote together was on Ericson Acosta, activism, etc, which the Collegian published in February 2012. We drafted quite a number of press releases and statements on the Free Ericson Acosta campaign.
At some point into the long and winding campaign to free Eric, I recall her telling me to keep our minds off of it for a bit and write something on anti-imperialist politics.
Back then, the demand for the return of the Balangiga Bells was making the headlines. That was also a time when I was coming a couple times to Samar to visit Ericson who was a political prisoner in the Calbayog jail. A friend and comrade gifted me with a book on the “Balangiga Massacre” before going back home to Spain. Kerima and I read it together—literally sharing one book, fixing our eyes on the same page while sitting close or lying down next to each other. We would gleefully call it the height of suffocation.
We wrote small parts of this article separately and a huge part in their family home where we’d spend whole days trapped in her room. Mornings would come and we would be downstairs to devour Papu’s (her father, Pablo Tariman) prepared breakfast. I no longer recall how long it took us to finish. Perhaps 2 sleepless days and nights. I also recall being toured to the Pasig market and museum during this time with then 9-year-old Emmanuel, her only son, who took tons of photos of Kerima and myself while being touristy in his mom’s home city.
Close to two years ago before this pandemic upended our lives, Kerima proposed that I work on updating this piece to cover the conditions under the Duterte regime. I have only managed to prepare a shared online document of pertinent themes and articles, no more than that. I was never looking forward to a day when Kerima and I can sit together, draft press releases and statements, much less, co-write a long piece such as this. She made a choice that I fully respected. Whenever she can, Kerima supported my own work. My understanding of anti-imperialist politics and revolutionary history however incomplete, I owe to Kerima’s guidance and encouragement since we were very young. It is a friendship that lasted for more than half of my life.
My first column for Blood Rush was on the Mendiola Massacre and Hacienda Luisita. I wrote that after Kerima respectfully urged me to come to Luisita and witness a project they were starting— bungkalan (collective farming) using organic farming technologies. She urged me to come to more places in the Visayas and Mindanao, sometimes with her, other times without her. But in all those times, she ensured that everything was in order, from plane tickets and other “sub-rides” to my personal luggage. That needs a separate article all together. For now, here:
Han tuig Mil Nuebe Syentos Uno
Bulan han Setyembre bente otso
An petsa nga guintalwasa hini nga aton bongto
Han pagmaltrato nga guinbuhat han mga AmerkanoDamo nga mga molupyo an nagkaurusa
Tikang ha Quinapundan, Giborlos, Lawaan ug Balangiga
Han magbagtingon na, tulo nga mga lingganay ta
Agud magmahimyang, pati kinabuhi iguinbuhis taTungod han pagpasimuna ni Kapitan Valeriano Abanador
Na di pagraugdaugon lupiglupigon an mga Balangigan-on
Bisan kon mang-armado an mga Amerkano
Naperdi ta hira hin arnis, sundang ug bolo(Noong taong Mil Nuebe Syentos Uno
Buwan ng Setyembre bente otso
Ang petsa ng paglaya nitong ating bayan
Mula sa pagmamalupit na ginawa ng mga AmerikanoMaraming taumbayan ang nagkaisa
Mula sa Quinapundan, Giporlos, Lawaan at Balangiga
Nang magbatingaw ang ating tatlong kampana
Maging kumpyansa, pati buhay ay ating inialayDahil sa pamumuno ni Kapitan Valeriano Abanador
Laban sa pagsasamantala at pang-aapi sa mga Balangigan-on
Kahit armado ang mga Amerikano
Natalo natin sila sa arnis, sundang at bolo)– Mula sa awiting bayan na pinatutugtog sa mga sayawan sa Samar
ANG BALANGIGA BELLS NG SAMAR ay hindi pa rin naiuuwi, o nababawi ika nga ng karapat-dapat nitong mga tagapagmana. Sa malabnaw na diskurso ng patrimonya sa kamay ng Estado – na nilinang sa udyok ng nostalgia at turismo – ang dating makapangyarihang hudyat mula sa mga kampanya ay naging piping alingawngaw na tiwalag sa kasaysayan.
Itinuturing ng US bilang war booty mula sa kampanyang kontra-insurhensiya sa tinagurian nitong ‘Philippine Insurrection,’ ang tatlong kampana mula sa simbahan ng bayan ng Balangiga sa Eastern Samar ay sinamsam ng tropang Amerikano biglang ganti sa madugong atake ng mga Pilipino sa garison ng mga Amerikano sa Balangiga. Dalawa sa mga kampana ay kasalukuyang nasa F. E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming (ang dating himpilan ng 11th Infantry Regiment), habang ang isa pa ay bitbit ng 9th Infantry Regiment sa museo ng kanilang base sa South Korea.
Mahigit isandaang taon nang nasa hawak ng US ang Balangiga Bells. Nitong huling mga dekada, namukod ang mga panawagan ng iba’t ibang lokal na grupo para sa pagsasauli ng mga kampana sa bansa. Tampok dito ang mga apela ng dating pangulo ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos, siya mismo isang dating heneral ng sandatahang lakas ng Estado, para itaon sa opisyal na sentenaryo ng kasarinlan ng Pilipinas, na magarbong ipinagdiwang ng Estado noong 1998.
Napabalita kamakailan na pinag-iisipan diumano ng Pentagon at ng U.S. Department of Defense ang pagtugon sa mga pakiusap ng Pilipinas para sa pagsasauli ng mga kampana ng Balangiga. Ngunit sa sulat kay US Secretary of State Hillary Clinton at US Defense Secretary Leon Panetta nitong nakaraang Mayo 3, ginawang malinaw ni Gobernador Matt Mead ng Wyoming ang kanyang posisyon:
“Mariin kong tinututulan ang anumang pagtatangka sa dekonstruksyon ng ating mga war memorial na nagpaparangal sa ating mga yumaong sundalo,” ani Gob. Mead. Para sa kanila, ang Balangiga Bells ay simbolo ng kagitingan ng mga sundalong Amerikano na nangamatay sa isang ‘masaker.’
Sa pagitan ng diplomasya at ng lantad na pagkabusabos, ganito lang ang maisasagot ng kasalukuyang pangalawang pangulo Binay ng Pilipinas kay Gob. Mead:
“Habang nirerespeto namin ang katotohanan na ang mga Kampana ay nagsisilbing war memorial para sa mga sundalong Amerikano na pinatay sa Balangiga, umaasa ako na ikokonsidera ng US na ang mga Kampana ay memoryal din sa maraming inosenteng sibilyan na pinaslang sa walang pagtatanging ganting-salakay na iniutos ni Hen. Jacob H. Smith.”
Ang mga ahente ng Estado gaya ni Binay ay maaari lamang bumoka tungkol sa ‘espesyal na kahulugan’ ng mga kampana para sa mga Pilipino, at magbitiw ng hungkag na pagkilala sa mga bayani ng Balangiga na nagsakripisyo para sa kalayaan. Bahagyang binanggit ni Binay ang tungkol sa mga kalupitan ng US. Ngunit sa katunayan, maging ang mga pamilyar sa mga insidenteng nakapalibot sa kontrobersyal na mga kampana, ay lito na rin sa kung aling pangyayari ang tinutukoy bilang ‘masaker.’ Nalalambungan nito ang tungkol sa malinaw na masaker na ginawa ng pwersang Amerikano hindi lamang sa Balangiga kundi sa buong Samar at ang henosidyong naganap sa buong kapuluan – habang hindi nasasapul ang katotohanan hinggil sa buong digmang mapanakop na inilunsad ng imperyalismong US kasabwat ang lokal na naghaharing-uri, laban sa sambayanang kalakhan ay mga magsasaka.
Makalipas ang mahigit isandaang taon, patuloy na tinatanaw ng neo-kolonyal na Estado bilang utang na loob ang mapagpalang asimilasyon. Maingat ito na hindi masaling ang kapangyarihan ng US, habang inihahasik at kinukunsinti ang patuloy na karahasan laban sa mamamayan: mga digmaang hindi lamang sa larangan ng armadong kumprontasyon, kundi maging sa marahas na pagbaluktot sa mga aral ng kasaysayan – sa marahas na paghubog ng kamalayang panlipunan upang pumabor sa kanilang maka-uring interes.
Higit sa paglalansag ng memorabilya, isang seryosong obligasyon ang pagdidistrungka sa imperyalistang interpretasyon sa kasaysayang komun sa kolonisador at kolonya. Ang paglalansag ng mga mitong ito ay proyektong nararapat sundan ng sinumang seryosong mag-aaral ng kasaysayan. Higit pa rito, utang natin sa kasaysayan ang aktwal na paglulubos sa mga aral na ibinabahagi sa atin ng nakaraan.
Inililinaw ng artikulong ito na ang atake ng mga Pilipino laban sa tropang Amerikano sa Balangiga noong Setyembre 28, 1901 ay hindi isang “masaker,” sa punto na ang salitang masaker ay maaari lamang tumukoy sa brutal at walang-pakundangang pagpaslang lalo na sa mga sibilyan o mga taong walang kalaban-laban, at hindi karaniwang magagawa sa mga tauhang nasasandatahan – sa mga kombantant na aktibong kalahok sa digmaan. Ang surpresang atake ng mga Pilipino sa Balangiga ay isang matagumpay na pagsalakay na lumipol sa isang garisong Amerikano – isang matagumpay na pagsalakay na proto-tipo ng mga anyo ng labanan sa maka-uri at anti-imperyalistang pagbabalikwas na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) o New People’s Army (NPA) sa kasalukuyang panahon.
“Balangiga Massacre”
Sa isang piraso ng balita tungkol sa panibagong rebyu na gagawin diumano ng US para sa pagsasauli ng mga kampana, sinasabing ang Balangiga Bells ay “sinamsam bilang war trophies noong 1901, matapos ang isang walang pag-uudyok (unprovoked) na atake mula sa mga Pilipinong insurekto na nagresulta sa pagkamatay ng di-bababa sa 48 sundalong Amerikano.”
Ang tila inosenteng paglalarawan sa pagsalakay ng mga Pilipino bilang ‘walang pag-uudyok’ o walang makatwirang dahilan ay kargadong pagdidiin ng diskursong ipinataw ng US sa Pilipinas magmula nang umusbong ito bilang isang imperyalistang kapangyarihan sa nakaraang siglo. Malaon nang idinadaing ng ilang lokal na makabayang historyador ang laganap na pagtukoy sa pangyayari sa Balangiga bilang isang ‘masaker’ – mangyaring usapin din kahit ang pagturing dito bilang isa lamang hamak na ‘insidente;’ ang pagturing ng US dito bilang isang ‘affair:’ parang sumulpot lang na suliranin o gusot; o isang nahihiwalay na sagupaan (conflict) na napakapartikular ng mga dahilan at para bang nakahiwalay sa isang pangkalahatang konteksto ng digmaan. Ang tendensya ng ganitong paglalahad ay iligaw o ikaila na ito’y isang lehitimong pagkilos na isinagawa ng makabayang mga Pilipino upang magtanggol laban sa pananakop ng US (Maglalaan ng mas masaklaw na pagtalakay sa hinggil sa kontra-insurhensiya sa mga susunod na bahagi ng artikulo.)
Ito pa rin ang laganap na persepsyon sa lokal na masmidya at iba pang institusyong pangkultura hanggang ngayon:
“Dalawa sa tatlong kampana, na nakadispley sa F. E. Warren Air Force Base—isang dating himpilang militar – sa Wyoming sa loob ng mahigit isang siglo, ay sinamsam dahil isa o pareho sa mga ito ay ginamit ng mga Pilipinong insurekto upang ihudyat ang masaker ng isang buong kumpanya (ng mga sundalong Amerikano)”
Sa isang banda, bukambibig ng Estado na ang mga lumahok sa atake ay mga ‘bayani ng kalayaan,’ – pero sa kabilang banda, kalakaran sa mga institusyong pangkultura ang pagturing sa kanila bilang ‘insurekto’ (insurgents) o nahihiwalay na mga rebelde. Sa isang banda, hindi nakaliligtaan ng Estado ang regular na komemorasyon sa “Balangiga Encounter Day,” at ang maya’t mayang apela, o kaya’y tokenistang mga pahayag para maisauli na ang Balangiga Bells. Pero sa kabilang banda, wala namang pagsisikap ang mga dominanteng institusyon para mabigyan ng tamang pagkilala ang magiting na labanan. Sa diskurso ng neo-kolonyal na Estado, isa pa rin itong ‘masaker’ – reartikulasyon ng pangangayupapa at pangungumpisal: isang opisyal na pag-amin na ang atake sa Balangiga ay isang walang kapatawarang krimen laban sa mga sundalong Amerikano at sa US mismo.
Pinakabulgar marahil sa pagpapalaganap ng ganitong tagibang na pananaw ang mismong istorikong muhon (historical marker) na itinayo ng National Historical Commission ng Estado sa lugar na pinangyarihan ng atake sa Balangiga.
BALANGIGA MASSACRE
SA BAYANG ITO, NOONG IKA -28 NG SETYEMBRE 1901, NILUSOB NG MGA PILIPINONG NASASANDATAHAN NG GULOK ANG KUMPANYA ‘C’ NG IKA-9 IMPANTERIYA NG E.U. NAPATAY NILA HALOS ANG LAHAT NG MGA SUNDALONG AMERIKANO. BILANG GANTI AY NAGLUNSAD ANG MGA AMERIKANO NG MAY ANIM NA BUWANG ‘PAGPATAY AT PAGSUNOG,’ ANG BAYAN AY NAGMISTULANG ‘HUMAHAGULGOL NA KAGUBATAN,’ DAHIL SA KANILANG KALUPITAN, SINA BRIG. HEN. JACOB H. SMITH AT MEDYOR LITTLETON W.T. WALLER AY NILITIS NG HUKUMANG MILITAR AT ITINIWALAG.
Sadyang malabo sa halimbawang ito kung ang tinutukoy bilang ‘masaker’ ay ang ‘paglusob ng mga Pilipino’ sa tropang US, o ang sumunod na kampanya sa ‘pagpatay at pagsunog’ na inilunsad ng mga tropang Amerikano sa buong Samar. Sa popular na mga akda ng ilang lokal na historyador gaya nina Agoncillo at Constantino, ang kabanata patungkol sa Samar ay halos ilang pangungusap lamang na mas nagbibigay-diin sa “pagpatay at pagsunog” at “patayin lahat ng edad sampu pataas” na ganting-salakay upang lipulin ang insureksyon sa Samar, batay sa utos ni Hen. Jacob Smith. Ang atake sa Balangiga – at ang buong yugto ng Digmaang Pilipino-Amerikano – ay nananatiling mga kontrobersyal at pinagdedebatehang kabanata sa kasaysayan na bihirang bigyan ng ekstensibong pagtalakay. Bukod sa mga apela para sa pagsasauli ng Balangiga Bells at lokal na komemorasyon, naging pana-panahong hakbang para sa pag-alala at pagkilala ang pagbibigay ng mga lakbay-aral sa Balangiga para sa mga mag-aaral at dayuhang turista.
Ang karaniwang tinuturol ni Propesor Rolando Borrinaga ng Unibersidad ng Pilipinas, kilala bilang awtoridad sa paksa, ay ang mga salungang datos sa salaysay ng atake sa Balangiga. Ito ang diin sa likod ng pagtitipon ng isang “UP National Symposium on the Balangiga Attack of 1901,” pinangunahan niya sa Tacloban City noong 1998, at sa ilan pang sumunod na akademikong talakayan hinggil sa paksa sa gitna ng kampanya para sa pagsasauli ng Balangiga Bells.
Ganito ang bersyon ng pangyayari ayon sa grupo ng mga Pilipino na dumalo sa naturang symposium:
“Noong umaga ng Sabado (at hindi ang maalamat na Linggo) Setyembre 28, 1901, daan-daang katutubong mandirigma na nasasandatahan ng mga bolo, ilan sa kanila nakabihis bilang mga babaeng magsisimba, ang naglunsad ng isang matagumpay na sorpresang atake sa tropang Amerikano, habang karamihan sa kanila ay nag-aalmusal, sa Balangiga na nasa silangang baybayin ng Isla ng Samar.
Inilalarawan bilang ‘pinakamalalang pagkatalo’ ng militar ng US sa Pilipinas, ang pangyayaring iyon ay naging kilala sa kasaysayan bilang ‘Balangiga Massacre.’
Lumaban ang mga katutubo upang magtanggol laban sa paninira o pagkumpiska at pagrarasyon ng kanilang suplay ng pagkain at upang palayain ang mga 80 lalaking residente na tinipon para sa sapilitang paggawa at ikinulong nang ilang araw sa masisikip na kondisyon nang may kakaunting tubig at pagkain.
Ang mga tropang Amerikano ay kabilang sa Company C, 9th Infantry Regiment, na inistasyon sa Balangiga upang panatilihing nakasara ang maliit na daungan dito at sagkaan ang anumang kalakalan. Ang kanilang misyon ay ipagkait sa mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino ang mga suplay sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na kumalat na sa Kabisayaan.
Isang yunit ng mga piling tauhan, gumanap ang Company C bilang honor guard sa makasaysayang inagurasyon ng gubyernong sibil ng Amerika sa Pilipinas noong Hulyo 4, 1901, at sa pagtatalaga kay William Howard Taft, na paglaon ay naging pangulo ng US, bilang unang gobernador sibil (ng kolonyal na pamahalaang itinayo ng US sa Pilipinas).
Dumating sila sa Balangiga matapos ang ilang linggo, noong Agosto 11.
Ang umatakeng pwersa, na kinoordina ni Valeriano Abanador, ang lokal na hepe ng pulisya, ay binuo ng mga 500 tauhan sa pitong magkakaibang kumpanya. Sa katunayan ay kinatawan nila ang lahat ng mga pamilya sa Balangiga, na ang malalayong baryo noon ay kabilang pa ang kasalukuyang mga bayan ng Lawaan at Giporlos, at ang Quinapundan, isang bayan na pinagsisilbihan ng pari sa Balangiga.
Ilan sa mga pinuno, tampok na si Kapt. Eugenio Daza, ay mga rebolusyonaryong opisyal sa ilalim ng kumand ni Brig. Hen. Vicente Lukban, ang politiko-militar na gobernador ng Samar na itinalaga ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Ang pagtunog ng kampana ang naging hudyat ng atake. Sumunod ang maigting na labanan na nagresulta sa isa sa pinakamalaking bilang ng kaswalti sa mga Amerikano sa loob lamang ng iisang engkwentro.
Sa 74 tauhan ng Company C, 36 ang napatay sa atake, walo sa mga sugatan ang namatay sa pag-atras sa pamamagitan ng mga bangka patungo sa bayan ng Basey, at apat ang nawawala at hininalang patay.
Sa 26 na nakaligtas, apat lamang ang hindi sugatan.
Sa mga katutubo, 28 ang namatay at 22 ang sugatan.
Ang kampana ay kinuha mula sa kampanaryo ng simbahan ng mga tropa ng US reinforcement mula sa Basey isang araw matapos ang atake, at dinala ng mga nakaligtas patungo sa US bilang war booty.”
Mas maikling sumada ang paglalarawan ni Borrinaga, isandaang taon matapos ang aktwal na pangyayari:
Noong umaga ng Setyembre 28, 1901, ang taumbayan ng Balangiga, na nasa timog na baybayin ng Isla ng Samar sa Pilipinas, ay matagumpay na sumalakay sa garison ng Company C, 9th U.S. Infantry Regiment na naka-istasyon dito mula Agosto 11 ng taong iyon.
Mga 500 lalaking katutubo na nasasandatahan ng mga bolo ang sangkot sa surpresang atake na kumitil sa buhay ng mga dalawang-katlo (2/3) ng 74 tauhan ng Company C, kabilang ang lahat ng kinomisyong opisyal nito (Capt. Thomas W. Connell, 1st Lt. Edward A. Bumpus, at Maj. Richard S. Griswold). Mahigit 20 Amerikanong nakaligtas na karamiha’y sugatan ang tumakas sa pamamagitan ng baroto (katutubong bangka na may katig at pinaaandar gamit ang kahoy na sagwan) patungong Basey, Samar at Tolosa, Leyte.
Kung ikukumpara ay mas mababa ang mga kaswalti ng mga Pilipino, mga 50 ang nasawi o nasugatan.
Inilalarawan bilang ‘pinakamalalang pagkatalo’ ng militar ng US sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, ang pangyayaring ito ay naging kilala sa kasaysayan bilang ‘Balangiga Massacre.’”
Materyalismong istoriko
Anuman ang layon ng pagpapakadalubhasa sa kasaysayan (gaya ng ultimong layunin, layaw – o ilusyon – na ang masinsing pananaliksik lamang ang paraan upang sa wakas ay maiharap ng Pilipinas sa US ang di-matitibag na argumento upang mabawi ang Balangiga Bells) – mahalagang turulin ang kahinaan sa pagtutuon ng debate hanggang sa pinakamaliit na butil na detalye, at sa paglalahad ng mga ito na para bang serye ng mga pangyayaring kinapos sa swerte; o siyang kinahinatnan, dahil lamang sangkot dito ang ilang tampok na personalidad.
Gamit ang ganitong ideyalistang balangkas sa pag-aaral ng kasaysayan, pihadong magiging baligho ang mga punto ng debate hinggil sa Balangiga: masaker nga ba ito o lehitimong labanan? Ilan buwan bago ang atake sa Balangiga ay sumuko na sa US si Hen. Emilio Aguinaldo, na kinikilala mismo ng US bilang pangulo ng bagong-tatag Republika ng Pilipinas na pumalit sa Rebolusyonaryong Gubyerno. Ilang linggo bago ang deployment ng Company C sa Balangiga ay estabilisado na ang kolonyal na gubyernong sibil ng Amerika sa ilalim ni Taft, at saksi mismo ang Company C sa inagurasyon nito. Nakasalalay ba ang pagiging lehitimo ng labanan sa ganitong mga teknikalidad at usapin ng petsa?
Nakakabagabag lamang ang mga detalyeng ito habang tiwalag ang pag-aaral ng kasaysayan sa layuning punan ang praktikal na ideolohikal na kakapusan ng sambayanan. Ang talas sa pagtatasa at paglalagom ng kasaysayan ay hindi rin magiging ganap o hindi lubos na magagagap, kung gagamitin ang lantay na punto de bistang lokal, o ang palalong mga teorya na ang tendensya ay sipatin ang kasaysayan ng Pilipinas sa isang makitid na “nasyunalismo” na walang kamalayang maka-uri.
Ang materyalismong istoriko bilang pananaw sa kasaysayan ay binubuo ng masinsing pagsipat sa mga relasyong maka-uri na nagpapagalaw sa umiiral na moda ng produksyon sa isang tiyak na yugto o epoka sa kasaysayan. Ang moda ng produksyon ay walang iba kundi ang karaniwang pinagkakabuhayan ng lipunan, at ang paggawa na ginugugol para rito. Ito’y nagbubunga ng tiyak na mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Ang relasyon na ito ang nagtatakda ng pagkakahati-hati ng mga tao sa uri – uri, na batay sa esensyal na paglahok sa produksyon, at pagmamay-ari hindi lamang ng simpleng ari-arian kundi ng mga kasapangkapang mahalaga sa produksyon hanggang sa pagmamay-ari ng mismong paggawa. Kongkreto itong inililinaw nina Ebert at Zavarzadeh para sa kasalukuyang panahon:
“Sa lahat ng mga maka-uring lipunan, ang mga tao ay itinutumbas na lamang sa mga kanilang mga pag-aari, at kung gayon ay nahahati lamang sa dalawang uri: ang mga bumibili, at samaktwid ay nagmamay-ari ng paggawa ng iba sa araw ng pagtatrabaho at kumikita sa pamamagitan nito, at iyon namang walang ibang pag-aari kundi ang kanilang paggawa… ang pagbili at pagmamay-ari ng paggawa ng iba ang nagtatakda sa iyo bilang may-ari, pero ang pagmamay-ari ng bahay, o kotse o refrigerator o Xbox – na kadalasang binabanggit bilang indikasyon na sa panahon ngayon, ang lahat ay nagmamay-ari at wala nang mga uri – ay hindi nangangahulugan na ikaw ay nagmamay-ari. Ang paggamit ng paggawa ng iba ay nagdadala sa iyo ng kita; ang pagmamay-ari ng Xbox ay nagsasauli ng iyong sahod pabalik sa mga may-ari. Walang nasa pagitan ng dalawang ito. Ang paggitnang uri ay isang ilusyong ideolohikal na ginagamit upang lambungan ang mga maka-uring kontradiskyon at itago ang katotohanan na sa ilalim ng kapitalismo, ang lipunan ay mas mahigpit na nahahati sa dalawang uri na ang tunggalian ay hindi na maaaring malusaw sa malarong pakiwari ng pagiging-nasa-pagitan ng gitnang uri.”
Maging sa usapin ng digmaan, mahalagang linawin na ang mga litaw na kontradiksyon gaya ng mga armadong engkwentro, kolaborasyong kolonyal, at kapitulasyon, ay dumudulo sa maka-uring tunggalian. Ang mga digmaan mismo ay pamamaraan ng pagresolba ng mga maka-uring kontradiksyon. Habang sinasala ang mga salaysay hinggil sa Balangiga, mahalagang bigyan ng kaukulang diin ang mulat at matinong pag-unawa sa istorikong konteksto at mga motibong pwersa sa likod ng partikular na pangyayaring ito.
Mababalaho ang istorikong pag-aaral habang kinandili nito ang ilusyon ng pagtatamasa ng ganap na soberanya habang sa aktwal ay nananatiling mala-kolonyal ang lipunang Pilipino; at habang sinusuportahan, kinukunsinti, o nananatiling bulag sa pagkakaila ng Estado sa esensyal nitong papel bilang maka-uring instrumento sa pagpapapataw ng gahum ng imperyalismong US sa lipunang ito. Dapat gagapin ang kalagayan at kasaysayan ng Pilipinas sa mga puwang na tiyak nitong kinalalagyan sa partikular na mga istorikal na yugto o epoka na umiral sa buong daigdig. Sa ganitong siyentipikong paraan lamang matutukoy ang mga mga kongkreto at makabuluhang “pambansang usapin” na dapat lutasin ng istorikong pananaliksik.
Ayon pa kay Stalin: “ang isang nasyon ay hindi lamang isang kategoryang istoriko, kundi isang istorikong kategorya na kabilang isang tiyak na yugto, ang yugto ng pag-usbong ng kapitalismo. Ang proseso ng pagkapawi ng pyudalismo at ang pag-unlad ng kapitalismo ay siya ring proseso ng pagkakatatag ng mga mamamayan sa mga nasyon.”
Ang mga salaysay ng Balangiga, gayundin ang iba pang maseselang usapin at pangyayari sa pagitan ng Pilipinas at ng iba’t ibang dayuhang mananakop, ay mananatiling hungkag at baluktot, kung hindi tutukuyin ang “ultimong sanhi at sa dakilang pwersang nagtutulak sa lahat ng mahahalagang istorikong pangyayari mula sa pang-ekonomiyang pag-unlad ng lipunan, sa mga pagbabago sa moda ng produksyon at palitan, at sa pagkakahati ng lipunan sa mga tiyak na mga uri, at sa mga pakikibaka ng mga uri na ito laban sa isa’t isa (Engels).” Ito ang makabuluhang pamana ng materyalismong istoriko bilang pananaw sa kasaysayan ng proletaryado, at bilang isa sa mga haligi ng Marxismo.
Lipunan at rebolusyong Pilipino
Ang lapat at sipat ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP) ni Amado Guerrero, ay nananatiling matalas na giya sa pag-unawa ng kasaysayan, partikular ang relasyong US-Pilipinas. Ipinupwesto nito ang transisyon ng lipunang Pilipino mula sa kapit ng iba’t ibang kolonisasyon patungo sa kasalukuyang mala-kolonyal na kaayusan. Nilalagom nito ang mga esensyal punto sa larangan ng ekonomiya, pulitika, kultura at militar sa mahahalagang lundo ng kasaysayan at tiyak na istorikong yugto o epoka sa daigdig.
Nananatiling makabuluhan ang LRP kapwa sa mga iskolar, intelektwal, aktibista at rebolusyonaryo, sapagkat dala nito ang natatanging istoriko-materyalistang pagsipat sa pag-aaral na hindi lamang nakatuon sa pagbabalik-tanaw – kundi sa praktikal na paggagap sa mga batas ng kasaysayan upang magsilbi sa pakikibaka tungo sa aktwal na panlipunang pagbabago.
Bago pumutok ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899, ang Rebolusyong Pilipino ng 1896 ang siyang marahas na istorikong rurok ng maka-uring tunggalian sa lipunang Pilipino. Ang mga pwersa sa produksyon ng sistemang pyudalismo sa ilalim ng kolonyal na paghahari ng Espanya ay umabot na sa sukdulang pag-unlad na hinog para sa paglalansag ng mga sagka ng lumang relasyon sa produksyon.
Inilarawan ni Guerero ang Rebolusyong 1896 bilang isang pambansa-demokratikong rebolusyon ng lumang tipo – ginabayan ito ng liberal-burgis na idelohiya ng pamunuang ilustrado. Anu’t anuman, iginiit ng rebolusyon ang soberanya ng sambayanang Pilipino, ang pangangalaga at pagtatanggol sa mga kalayaang sibil, pagpawi sa teokratikong dominasyon, at pangungumpiska ng mga ari-arian ng mga prayle. Isang armadong anti-kolonyal at anti-pyudal na pakikibaka – ang mga mithiin at aspirasyon ng rebolusyon ay binigo at ipinagkait ng imperyalismong US sa mabilis at marahas na pagpataw ng panibagong pananakop.
Wastong tinukoy ni Guerrero na noo’y naabot na ng US ang yugto ng monopolyo kapitalismo – o imperyalismo. Sa pagpasok ng ika-20 siglo, ginamit ng US ang pyudalismo bilang baseng panlipunan ng imperyalismo sa Pilipinas. Bunga ng pandaigdigang pag-iral ng kapital, ang lumang sistema ng pyudalismo ay naging matabang lupa para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan.
Sa ganito matalas na natukoy ang pagiging mala-pyudal ng lipunang Pilipino – nanatiling luma at pyudal ang mga relasyon sa produksyon ngunit nagbago na ang tunguhin ng produksyon, gayundin ang partikular na papel ng mga nagmamay-ari: mula panginoong-maylupa, lumitaw ang uri ng malaking burgesya-komprador. Burgesya-kumprador, dahil naging tagapamagitan (kumprador) ito sa pagpiga ng halaga ng pandaigdigang kapital na noon ay eksklusibo sa mga bansang kapitalista sa industriyalisadong yugto ng mga ito. Kasabay nito, nagiging tagapamagitan ang burgesya-kumprador sa paglikha at pagpapatupad ng mga batas na humahadlang sa tunay na reporma sa lupa sapagkat mahalagang mapanatili ang batayang pyudal para sa pagpiga ng tubo ng monopolyo-kapitalismo. Ang mala-pyudal na katangian ng lipunang Pilipino, ay hindi nangangahulugan ng pagiging bahagya ng pagsasamantalang pyudal – ito’y nangahulugan ng pagpapatibay ng mga relasyong pyudal para sa sukdulang pakinabang ng imperyalistang US at ng lokal na naghaharing-uri na kasakapakat nito. Nasasaksihan natin na tinatakda ng pandaigdigang kapital ang isang karikatura, isang huwad na larawan ng internasyunalismo, na siyang pinakabatayang katangian ng mga mala-pyudal na bansa.
Ayon kay Lenin: “Ang imperyalismo ay ang yugto ng kapital sa pinansya at monopolyo. Sukdulang pagpapaigting ng bigat ng pambansang pagsasamantala at ng paghahangad ng pananakop – ang paglabag sa pambansang kalayaan (sapagkat ang pananakop ay walang iba kundi ang paglabag sa karapatan ng mga bansa upang magsarili).
Ang mga monopolyo, oligarkiya, at ang paghahangad ng dominasyon at hindi ng kalayaan, ang pagsasamantala ng papalaking bilang ng maliliit o mahihinang bansa ng iilang pinakamayayaman o pinakamakapangyarihang mga bansa – ang lahat ng ito ay nagluwal sa mga natatanging katangian ng imperyalismo – isang parasitiko o nabubulok na kapitalismo.”
Ang mga panlilinlang at maniobrang pulitikal ng US sa pakikipagkasundo sa Espanya (Treaty of Paris) at sa mga ipinangako nitong tulong sa mga ilustradong lider ng rebolusyon (Biak na Bato) ay susi, pero hindi sapat upang maipataw ang imperyalistang proyekto ng US sa Pilipinas. “Ang kolonisasyon ay isa mismong akto ng karahasan ng mas makapangyarihan laban sa mas mahina (Ho Chi Minh).”Ang madugong kampanya ng US laban sa sambayanang Pilipino ay sadya at kailangan: ito’y kalikasan mismo ng kolonyalismo na lalong pinagsidhi ng imperyalistang ekspansyon. Pinakawalan ng US ang kontrarebolusyonaryong dahas laban sa sambayanang Pilipino upang supilin ang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong digma para sa pambansang kalayaan.
Ang ganitong istorikong posisyon ang tinukoy ni E. San Juan sa kanyang pagbabalik-tanaw sa naganap na henosidyo sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano:
“Dahil sa istorikal na partikularidad ng pag-usbong ng Pilipinas bilang isang nagsasariling bansa-estado na kontrolado ng US sa ika-20 siglo, ang nasyunalismo bilang isang kilusang masa ay lagi lamang makikilala sa mga pangyayari ng anti-imperyalistang rebelyon. Ang pananakop ng US ay nangailangan ng mahaba at sustenidong marahas na pagsupil sa reboluyonaryong pwersang Pilipino sa loob ng ilang dekada.”
Ayon sa LRP: “(Mula 1899-1902 pa lamang), 126,468 tropang Amerikano ang pinakawalan laban sa 7,000,000 sambayanang Pilipino. Ang mga dayuhang agressor ay nagkaroon ng kaswalti ng di-bababa sa 4,000 patay at mga 3,000 sugatan. Aabot sa 200,000 Pilipino kombatant at di-kombatant ang pinaslang. Sa madaling salita, sa bawat namamatay na sundalong Amerikano, 50 Pilipinos ang pinaslang bilang ganti. Mahigit sa sangkapat ng isang milyon ang namatay bilang tuwiran at di-tuwirang resulta ng mga labanan. Subalit, ang tantya ng isang heneral ng US sa bilang ng mga napatay na Pilipinong kaswalti ay aabot sa 600,000, o 1/6 ng populasyon ng Luzon noon. Ayon pa kay historyador na si William Henry Scott: “Sa isang sitwasyon kung saan lahat ng pagbabalikwas ay ‘insurhensiya’ at ang insurhensiya ay pinarusahan ng kamatayan, ang pinakamahuhusay at pinakamatatalino ng isang henerasyon ng mga Pilipino ay ipinatapon, ginawang ekskomunikado, ikinulong, tinortyur, binitay, binaril, ginutom at pinasabugan ng artilyeriya.”
Sa Samar, ang ganting-salakay na iniutos ni Smith ay nangahulugan ng sustenido at malawakang masaker ng di-armadong populasyon. Upang gutumin ang mga rebolusyonaryong pwersa, pinutol ang suplay ng pagkain at kalakalan. Sa isang ulat ni Littleton Waller, inihayag niya na sa saklaw ng 11 araw, ang mga tauhan niya ay nakapagsunog ng 255 kabahayan, bumaril ng 13 kalabaw at pumatay ng 39 tao. Sa katapusan ng huling kampanya ng pagpatay at pagsunog sa Samar sa taong 1905, 5 baryo sa Samar ang ganap na nabura sa isla.
Hindi na dapat maging lingid na ang anti-kolonyal at anti-pyudal na mithiin ng Rebolusyong 1896 ay hindi pa nalulubos, habang nananatili ang mga batayan para paigtingin ang anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Ang uring manggagawang Pilipino na sa huling bahagi ng kolonyalismong Espanyol ay umuusbong pa lang, ay kinakitaan ng hayag na pagtuligsa sa imperyalismo, sing-aga ng Mayo 1903 – sa martsang bayan na nilahukan ng 100,000 manggagawa. Mula sa paglaganap ng mga unyon hanggang sa pagtatatag ng talibang partido, at muling pagsabak sa armadong pakikibaka, makailang-ulit sinuong ng uring manggagawang Pilipino ang mga hamon upang matutunan ang mapapait na aral sa kasaysayan, at upang sa wakas ay mulat na gampanan ang rebolusyonaryong papel na iniaatang ng kasaysayan.
Para sa isang mulat na uring mangagawa, hindi mahirap unawain na hindi pa tapos ang Rebolusyong Pilipino, at nagpapatuloy ito hanggang sa mga sandaling ito.
Kontra-insurhensiya
Katumbas ng imperyalismo ang digmaan. Matapos ang mabangis na agresyon, tiniyak nito ang konsolidasyon ng kapangyarihan at pagpapatuloy ng marahas na pagsupil sa pamamagitan ng kontrol sa neokolonyal na Estado at lokal na armadong pwersa nito – sa pagsasanay ng kasakapakat na lokal na naghaharing-uri sa Komonwelt at pagtatayo ng Philippine Constabulary; at sa kasalukuyang pag-aalaga ng mga rehimen at sandatahang lakas na patuloy na magpapatupad ng mga programang kontra-insurhensiya batay sa imperyalistang balangkas.
Ang maka-uring batayan ng digmaan at karahasan ay napakahalagang aral na dapat masapol mula sa atake sa Balangiga. Ayon pa sa isang bagong pag-aaral ni Bryan Ziadie ukol sa mga kampana ng Balangiga, at kaugnayan nito sa kultura at kontra-insurhensiya: “Ang kontra-insurhensiyang operasyon ang nagpapahintulot sa karahasan ng estado upang maipakita nito ang sarili bilang nagseserbisyo sa publiko, habang ginagamit ang karahasang ito para sa pribadong interes. Ang layunin ng kontra-insurhensiya na magpanatili ng lehitimasiya para sa estado ay siya ring proyektong pangkultura na nagnanaturalisa sa interpretasyong ito ng karahasan ng estado.”
Ang pagkakait sa tagumpay ng rebolusyon, ang marahas na agresyon, at sunud-sunod na kampanya ng pagsupil at paglipol na ipinataw ng imperyalismo sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ay higit pa bilang “udyok” upang maganap ang atake sa Balangiga. Ipinapakita ng tuluy-tuloy na pakikipagsagupa ng iba’t iba’t ibang armadong pwersang Pilipino sa panahon ng kolonyal na pananakop ng US, na hindi lamang simpleng pasya ang paglaban, kundi masidhing pangangailangan upang magtanggol. Ang kontra-rebolusyonaryong dahas – ang kontra-insurhensiya na ipinatupad ng US nang may istatehikong sinsin at taktikal na kabangisan ay konteksto para sa isa pang tampok na labanan na naganap din sa Samar, isang taon bago ang atake sa Balangiga. Ito ang apat-na-araw na Labanan sa Catubig, sa salaysay ng mga kamag-anak at saksi sa labanan:
…Noong Pebrero 1900 nagsimulang dumating ang mga Amerikano na nagpanggap bilang mga pribadong surbeyor. Sa loob ng ilang linggo, ang mga ‘surbeyor’ ay nakasuot na ng mga unipormeng militar, habang paparami pa ang dumating sakay ng isang bangkang pandigma.
Ang mga sundalo ay kabilang sa Company H, 43rd Volunteer Infantry Regiment of the U.S. Army. Ang kanilang tunay na misyon ay ang ipagkait kay Heneral Lukban ang ani ng bigas, at pigilan ang Heneral sa pagtatayo ng himpilan masaganang Lambak ng Catubig para sa hukbo na itinatatag niya sa Samar at Leyte para sa Rebolusyong Pilipino, na noon ay natransporma sa Digmaang Pilipino-Amerikano.
Ikinagalit ng mga taga-Catubig ang mapanlinlang na presensya ng mga Amerikano. Mabilis na naitayo ang may 300-kataong lakas na pwersang panlaban. Dahil kulang sa kasanayan at kulang sa armas, ang mayayamang pamilya ay nagbigay ng kanilang mga baril na mouser at rebolber. Ang mga lokal na panday ay nagpuyat para makagawa ng mga paltek (mga baril na gawang-lokal) at baid (ang katapat ng samurai para sa mga Samarnon).
Itinalaga ni Lukban ang isa sa kanyang mga kemiko sa Catubig upang matiyak na may sapat silang suplay ng pulbura. Higit sa lahat, nangako ang Heneral na magpapadala siya ng di-bababa sa 500 tauhan para dumagdag sa milisya ng Catubig.
Abril 15, 1900: 7:30 ng umaga, umalingawngaw sa di-pangkaraniwang bilis ang mga kampana sa Catubig. Lahat ng lalaking may sapat na pangangatawan ay tumakbo papunta sa kumbento (kung saan nakabase ang mga Amerikano) at nagboluntaryong lumaban. Pero dahil walang mga armas, sila ang nagsalansan ng mga tumpok ng abaka sa paligid ng kumbento na nagsibiling pananggalang ng milisya.
Nang mapilitan ang mga Amerikano na lumabas patungo sa dalawa nilang bangkang de-motor, binuhusan ng gaas at sinilaban ng milisya ang mga abaka sa tulong ng mga sibilyan. Lahat ng Amerikabong nangahas na lumabas sa kumbento ay kinailangang dumaan sa nagtataasang impyerno ng naglalagablab na abaka, pagkatapos ay sa mga baid at baril ng mga milisya. Labing-lima (15) sa 36 na Amerikano na nasa loob ng garison ang nagtangkang tumakas, habang 15 ang nasunog nang buhay o naharang ng mga bolo at baril ng mga Catubignon.
Hindi agad sumuko ang mga Amerikano para makarating ang reimpors. Maaaga sa ikatlong araw ng labanan, dumating ang 600 tauhan ni Heneral Lukban. Isang maigting na labanan ang agad na pumutok matapos ang dalawang araw na puwang.
Itinala ng mga Amerikano ang kanilang mga kaswalti sa 22, 19 ang patay at 3 ang sugatan. Pero naniwala ang mga pwersa ni Lukban na pinagtakpan ng mga Amerikano ang tunay nilang kaswalti. Ang iba pang nalathalang salaysay ay nagtala ng 31 patay sa panig ng mga Amerikano. Sa mga Pilipino, 150 ang patay.
Isa sa mga nakaligtas, si Cpl. Anthony J. Carson (na pinarangalan ng Congressional Medal of Honor), ay hayagang umamin na ang Labanan sa Catubig ay isang ganap na pagkatalo para sa mga pwersang Amerikano.
Ayon sa ilan, ang Labanan sa Catubig ay isang nakaligtaang tagumpay sa loob ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Ang Labanan sa Catubig ay hindi man lang nababanggit kahit sa mga talababa ng mga librong pangkasaysayan ng Pilipinas.
Hanggang sa ngayon, nananatiling lingid sa maraming Pilipino ang nagpatuloy na pakikibaka laban sa imperyalismong US sa mga pag-aalsa at kilusang lumaganap sa Katagalugan, Kabisayaan at ng di-nagpagaping sambayanang Moro sa Mindanao. Ang mga pagbangon, gaya ng Republikang Tagalog ni Sakay, Sakdalista, pulahanes, kolorum at iba pa ay patuloy ding nilapatan ng mabangis at marahas na pagsupil habang binansagang mga tulisan, bandolero, o mga relihiyosong panatiko.
Sa kabila ng marahas na pagkasalakay ng tropang Amerikano sa mga komunidad ng Moro sa Mindanao, kinatangian ng gitgitang armadong pagbabalikwas ang pagtatanggol na tumangging magpagapi sa kolonyalismo. Gaya ng Balangiga, sadya ring inilingid, ngunit hindi nalilimot ng mamamayang Moro ang maigting nitong pakikihamok laban sa US, tampok na ang labanan sa Bud Dajo sa Jolo noong 1906, kung saan 1,000 Moro ang napaslang (bawat isa diumano, may 50 sugat sa katawan), na sinundan pa ikalawang labanan noong 1911. Sa Labanan ng Bud Bagsak noong 1913, 500 Moro, kabilang ang kababaihan at mga bata, ang napaslang.
Mapagmuni ang banggit ng isang artikulo tungkol sa mga ito: “Sa katunayan, ang parehong engkwentro sa Bud Dahu at Bud Bagsak ay hindi naman talaga mga masaker ng mga katutubong mahina, maamo o walang kalaban-laban; bagkus, ang mga ito ay maigting na pakikihamok ng magiting na pagbabalikwas…alam nila na ang kaaway nila ay di-hamak na mas superyor na pwersa pero mariin silang nanindigan na labanan ito; mas minarapat nilang mamatay para sa mga pagpapahalaga at prinsipyong pinaniniwalaan nila, kaysa sa sumuko sa dayuhang maniniil, na ang target ay ‘ipagpatuloy ang hindi natapos na layunin ng kolonisasyong Espanyol…’” Gayunman, ang labis na pagbibigay ng diin sa mga kaibhang kultural at panrelihiyon bilang ugat ng mga sagupaan ay nagpapalabnaw sa mga maka-uring kontradiksyon sa istorikal na pakikibaka ng mamamayang Moro.
Nagiging baligho ang mga debate at palaisipan – halimbawa na lamang, ang pagbusisi sa eksaktong wakas ng Rebolusyong 1896 at pormal na simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano; o sa eksaktong wakas ng Digmaang Pilipino-Amerikano at simula ng kampanya ng pagsupil ng US laban sa watak-watak na mga pag-aalsa at sa rebelyong Moro. Kung bakit iba-iba ang bersyon ng mga Pilipinong historyador sa eksaktong saklaw ng Digmaang Pilipino-Amerikano?
Samantala, sa punto de bista ng imperyalistang pananakop, ang buong yugto ng katutubong pagbabalikwas mula sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa pagpasok ng US – ay matatawag lamang ng Amerika bilang panahon ng Insureksyong Pilipino. Maaari lamang itong sumipat sa posisyon ng kolonyal na kapangyarihan – sa pagmamantini ng awtoridad bilang superyor na sibilisasyon at pwersang mapanakop. Sa larangang militar, ang istratehiyang inilapat ng US upang agresibong pangalagaan ang mga interes nito sa Pilipinas at saanman, mula noon at hanggang ngayon – ay ang kontra-insurhensiya (counter-insurgency o COIN).
Ang kontra-insurhensiya – ang komprehensibong kampanya ng marahas na panunupil sa mga pwersa na itinuturing na banta sa kapangyarihang imperyalista – ay mabangis na ipinataw ng US sa Pilipinas nang agawin nito ang tagumpay ng Rebolusyong 1896 at ilunsad nito ang makahayop na paglipol sa lahat ng porma ng anti-imperyalistang pagbangon. Hindi dapat malimot na sa Pilipinas ay humantong ito sa henosidyo ng buo-buong populasyon.
Ang kontra-insurhensiya bilang disenyong militar ay patuloy na ipinapataw ng imperyalismong US sa Pilipinas. Kontra-insurhensiya ang nasa ubod ng mga internal na patakarang panseguridad ng neokolonyal na Estado at ng sandatahang lakas nito hanggang sa kasalukuyan.
Noong 1998, isang papel na ipinrisinta sa Balangiga Round-Table Conference ang nagtangka na ipwesto ang atake sa Balangiga ayon sa karampatang punto de bistang militar. Sa pananaw mismo ng isang opisyal mula sa sandatahang lakas ng Estado, si Emmanuel C. Martin, (noo’y Capt. ng Philippine Army) sa kanyang papel na “Balangiga Was Not A Massacre,” ang naturang pangyayari ay “isang marangal na pakikipaglaban ng mga Pilipinong rebolusyonaryo-gerilya na nagkamit ng kumpletong surpresa at nagresulta sa anihilasyon ng C Company, 9th US Infantry.”
Ayon kay Martin, ang pangyayari ay hindi isang ‘masaker’ kundi isang raid (reyd, kubkob), na sa pakahulugang militar ay “isang surpresang atake sa isang yunit militar na nakahimpil o pansamantalang nakatigil, na kinakatangian ng mabilis at marahas na aksyon na sinusundan ng mabilis at maayos na pag-atras.” Sa halip na “masaker,” ipinanukala ni Martin na tawagin ito bilang “The Victorious Raid at Balangiga” o “Ang Matagumpay na Reyd sa Balangiga.”
Magkagayunman, maaaring ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dumaranas ng pinakamalalang kalituhan at pagkaulol sa kasaysayan, sa lahat ng katutubong biktima ng kolonyal na indokrinasyon ng US sa Pilipinas.
Sa Samar, halimbawa pa, ang punong himpilan ng 8th Infantry Division ng AFP sa Catbalogan – na sa kasagsagan ng mabangis na kontra-insurhensiyang kampanyang Oplan Bantay Laya (OBL) ng nakaraang rehimen ay pinagharian ng pinakamasugid nitong panatikong heneral, ang “berdugo” na si Jovito Palparan – ay nakapangalan sa pinaka-prominenteng anti-imperyalistang heneral na si Hen. Vicente Lucban. Pinaparangalan ba siya ng establisimentong militar para sa pamumuno sa mga “insurhenteng atake” na gaya ng naganap sa Catubig at Balangiga, o dahil sumumpa siya ng katapatan sa US nang siya’y madakip? Paano tinitimbang ang pagsuko sa US sa pagbibigay-pugay sa mga anti-imperyalistang heneral na gaya nina Miguel Malvar at Simeon Ola? Nakapangalan din sa kanila ang mga punong himpilan ng pulisya sa lungsod ng Batangas at Legazpi sa Timog Luzon.
Binabanggit ng mga Pilipinong opisyal militar sa Samar ngayon na ang “katapangang ipinamalas noon sa Balangiga ay ipinapamalas din ngayon ng kasalukuyang ng hanay ng mga sundalo,” habang sa aktwal ay ipinapatupad ng mga armadong establisimento ng Estado ang sunud-sunod na planong operasyon batay sa COIN, ang makahayop na disenyong militar na unang ipinataw ng mga tropang US sa Balangiga at sa buong Pilipinas noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Kung nais nating sipatin ang atake sa Balangiga sa kaukulang perspektibang militar, kailangang magagap ang patakaran sa kontra-insurhensiya na kininis ng US mula sa praktika nito ng padaigdaigang panghihimasok at gahum-militar. Ang lito, doble-kara, o sadyang pataksil na pagpapalabnaw ng AFP sa kasaysayan ng paglaban ng sambayanan ay indikasyon lamang ng internal na kabulukan at ng sarili nitong mersenaryong tradisyon. Isang lantad na lihim sa lipunang Pilipino ang sahol ng korapsyon at kriminal abuso sa loob ng lokal na establisimyentong militar, bagay na nagtutulak sa demoralisyon, pagtiwalag at pagrerebelde ng naaagrabyadong mga tauhan – mula sa ilang tapat, naliliwanagan o makabayang opisyal, hanggang sa pinakamabababang kawal na siyang karaniwang pain at pambala ng Estado sa di-makatarungang digmaang kasalukuyan pa ring idinidirehe ng imperyalismong US sa Pilipinas.
Kahit napatalsik na ng mamamayan ang mga struktura’t base militar ng US sa Clark at Subic noong 1991, nagpapatuloy ang mga kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas sa batayan ng Mutual Defense Treaty ng 1951. Sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA), na sinasabayan ng masigasig na kampanya ng disimpormasyon sa masmidya, nabibigyang-katwiran ng Estado ang pagpapahintulot ng direktang kontrol ng US sa AFP – paglulunsad ng joint-military exercises at war games, ibayong pagpapalaganap sa presensya ng mga tropa, armas at kagamitang militar ng US kabilang na ang mga paniktik na eroplanong drones at sasakyang-dagat na pinatatakbo sa nukleyar, at tuwirang paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong paniktik at kombat laban sa mga lokal na armadong grupo na target ng kontra-insurhensiya.
Kung uunawain batay sa mga kondisyon ng kontra-insurhensiya, lalong nagiging hungkag ang diin sa ‘kabayanihan’ ng mga Pilipino sa Balangiga sa mga bitiw ng pahayag ng mga tagapagsalita ng sandatahang lakas at Estado, at ng iba pang umaapela sa pagsasauli ng mga kampana ng Balangiga sa mababaw na batayan ng sentimyento. Sa suri ng pag-aaral ni Ziadie : “Ang inililigaw rito ay ang pag-unawa na ang buhay ng mga Balangiganon sa istorikong sandaling iyon ay hindi lamang ‘isinakripisyo’ kundi sapilitang binawi sa kanila habang nakikibaka laban sa mga partikular na anyo ng pang-aapi na katangian ng kontra-insurhensiya (at siyang kinakatawan ng VFA ang isa sa maraming anyo ng pagpapatuloy).”
Noong 2005, inilunsad ni Palparan ang ala-“Howling” Smith na kampanyang “pagpatay-at-pagsunog” sa Samar at Leyte, ayon sa balangkas ng kontra-insurhensiyang OBL at Oplan Phoenix na inilunsad ng US sa Vietnam. Ang nakababahalang bilang ng mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, desaparesidos, internal na repyudyi at iba pang abusong militar ay hindi lamang mga nahihiwalay na insidente ng paglabag sa mga karapatang pantao, kundi bahagi ng kabuuang kampanyang teror ng Estado tungo sa ultimong layunin na ipagkait sa mamamayan ang lohikal at istorikal na pangangailangan ng paglahok at pagsuporta sa armadong pakikibaka sa kasalukuyan. Sa kabila ng puspusang paglalapat ng “modelong Palparan” ng kampanyang teror na ipinatupad mismo ng berdugo sa Mindoro, Samar-Leyte at Gitnang Luzon, hindi nakamit ng OBL ang target nitong “durugin ang insurhensiya” bago natapos ang termino ni Pangulong Gloria Arroyo nitong 2010.
Kapag binabanggit ng Estado ngayon ang “insurhensiya,” ang karaniwang tinutukoy nito ay ang sesesyunistang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na konsentrado sa ilang bahagi ng Mindanao; at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na apat na dekada nang naglulunsad ng isang “komunistang insurhensiya.” Ang BHB ay isang anti-imperyalistang hukbong magsasaka na itinayo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ilang buwan lamang matapos itong itatag muli noong Disyembre 1968, sa pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Ang anti-imperyalistang armadong pagbabalikwas ay matingkad sa praktika ng BHB sa walang-kompromisong paggigiit sa pambansang soberanya at pisikal na pagsaklaw sa buong kapuluan. Ang National Democratic Front (NDF) ay kalipunan ng mga lihim na organisasyong masa mula sa iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino na bahagi ng demokratikong rebolusyong bayan. Tahasan nitong sinusuportahan ang BHB, armadong pakikibaka, at ang digmang bayan.
Pandaigdigan ang prestihiyo ng PKP-BHB-NDF para sa rebolusyonaryong praktika nito sa loob ng mahigit apat na dekada. Isang lantad na lihim na ang BHB ay nagtatamasa ng malaganap na suportang pulitikal, moral at materyal mula sa masa sa mga base at sonang gerilya at saanman naroroon ang PKP, NDF at kilusang lihim: “Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan na ang lumitaw bilang pinakamalaki, pinakamalaganap at pinakamakapangyarihang hukbong lumalaban para sa pambansa at panlipunang paglaya ng sambayanan.” Isang hukbong panlaban na may tuwirang gawain sa pagsusulong ng anti-pyudal na rebolusyong agraryo, pagtatayo ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika at rebolusyong pangkultura, tiyak na wala pa ngang ibang hukbo sa Pilipinas na makapag-aangkin ng ganitong puwang sa kasaysayan (ang iba pang posibleng kandidato ay ang Katipunan ng Rebolusyong 1896; at ang Hukbalahap at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ng lumang PKP) sa kabila ng pagiging “insurgents” sa mata ng maitim na propaganda ng Estado at dominanteng masmidya, at sa huling klasipikasyon ng US sa PKP-BHB-NDF bilang “foreign terrorist organization.”
Ang mga mekanismo ng pandaigdigang pamilihang kapitalista ay nangangailangan ng mga pamamaraan na hindi mahigpit na nalilimita sa pamilihan. Ang saligang kontradiksyon na umuuk-ok sa mismong mga mekanismo ng pamilihan, ay lagi’t laging nangangailangan ng mga pansamantalang resolusyon na nililikha at ipinapatupad ng naghaharing imperyalistang kapangyarihan at ng kanilang mga alyado sa lokal na naghaharing-uri. Sa Pilipinas, ang mala-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng moda ng produksyon ay nasasalamin at patuloy na pinatatatag sa mga gawain ng burukrasya, isang makinaryang nangangalap ng pagsang-ayon habang gumagamit ng brutal na pwersa. Ang burukratikong makinarya nito na lugmok sa mga interes ng imperyalista at kumprador ay tuwirang nanghihimasok sa pagtatangol ng isang monolitikong pambansang adhikain sa pamamagitan ng mabilis at mapagpasyang sagka sa alternatibong pambansang adhikain, isang adhika na kilala ang PKP-BHB at NDF sa pagsusulong sa lahatang-panig ng pakikibaka. Sa pagtatangka na maseguro ang “pamilihan” ang alyansa imperyalista-kumprador, kasama ang mga mersenaryong rekrut nito mula sa pambansang sandatahan na minobilisa na ng una para sa makitid nitong maka-uring interes, ay nagpapataw ng mga mapaniil na hakbang, mga istratehiyang pansagka at tuwirang kabangisan. Ang obhetibong resulta nito ay ang pagpapatigas ng maka-uri at pambansang pang-aapi.
Paliwanag pa ni Fanon: “Mauunawaan na ang karahasan ay isang aksyong desperado, kung inihahambing lamang ito in abstracto sa makinaryang militar ng mga mapang-api. Sa kabilang banda, ang karahasan sa konteksto ng mga pandaigdigang relasyon ay kumakatawan sa isang banta na mahirap gapiin para sa mapang-api… sa pananaw ng imperyalismo, ang mas malaking banta ay ang posibilidad ng paglaganap ng sosyalistang propaganda at mabahiran nito ang masa. Isa nang seryosong peligro ang malamig na yugto ng tunggalian; pero ano na lang ang mangyayari sa kolonyang nawasak na sa pakikidigmang gerilya kung magkaroon na ng isang totoong digmaan?
Matatanto ng kapitalismo na mabibigo nang lubos ang istratehiyang militar nito kung puputok ang mga pambansang tunggalian. Ang dapat iwasan sa pamamagitan ng lahat ng paraan ay ang mga istratehikong peligro, ang pagyakap ng masa sa isang doktrina ng kaaway at sa radikal na pagkamuhi ng sampu-sampung milyon ng mamamayan. Ang mga kolonya ay malay na malay sa mga pangangailangang nangingibabaw sa pandaigdigang pulitika. Ito ang dahilan kung bakit maging ang mga nagngangalit laban sa karahasang ito ay laging nagpaplano at kumikilos sa batayan ng ganitong pandaigdigang karahasan.”
Ang Oplan Bayanihan ang bagong kontra-insurhensiyang programa na ipinapatupad ng kasalukuyang rehimen ni Benigno Aquino III. Tahasan itong nakapadron sa bagong-labas na Counter-Insurgency Guide ng US Defense Department. Mas pinong pakinggan sa bersyon ng Oplan Bayanihan ang kumbinasyon ng lumang kolonyalistang pormula ng dahas at panlilinlang – na sa kasalukuyan ay ipinapatupad ng Estado sa pamamagitan ng mga operasyong nakatutok-sa-populasyon (population-centric) at operasyong nakatutok-sa-kaaway (enemy-centric).
Mahigit isandaang taon matapos ang atake sa Balangiga, nananatiling tinik sa imperyalismong US ang pwersang gerilya ng mga rebolusyonaryong Pilipino, hindi lamang sa Samar, kundi sa buong bansa. Upang patuloy na maisulong at ipagtanggol ang imperyalistang interes sa Pilipinas, inilunsad ng neokolonyal na estado ang sunud-sunod na operasyong COIN mula sa “nip-in-the-bud” at Oplan Katatagan ni Marcos hanggang sa OBL ni Arroyo. Sapagkat komprehensibo, may kaukulang tutok ang mga operasyon sa pagkakaila ng suporta mula sa mamamayan. Bukod sa operasyong kombat, nilalapat ang operasyong paniktik at sikolohikal, hindi lamang sa mga target na armadong grupo, kundi sa buo-buong populasyon. Sa Samar sa kasalukuyan, ang paggamit ang soft approach ng operasyong sibil-militar, ay muli nang nilalahukan ng mga tropang Amerikano.
Integral na bahagi ng kontra-insurhensiya ang pagbubuhos ng malalaking ‘proyektong pangkaunlaran’ bilang mapanlinlang at mapaniil na hakbang para sa mga target na komunidad. Halimbawa nito ang malawakang network ng mga kalsada sa buong isla ng Samar na itatayo mula sa pondo ng Millenium Challenge Corporation ng US, at ang pagpapamudmod ng pera sa mga maralitang pamilya ng programang Conditional Cash Tranfer (CCT) o Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Mula rin nitong Hunyo 15-Hulyo 1 ay dumaong sa Calbayog City ang pinakamalaking “floating hospital” ng US Navy, ang USNS Mercy, at direktang nagbigay ng serbisyong medikal ang personel ng US sa mamamayan ng Samar sa ilalim ng programang Pacific Partnersip 2012 ng US at iba pang alyado nito sa Asya-Pasipiko. Matapos ang dalawang linggo ng ‘serbisyong sosyo-sibiko,’ dumaong ang USNS Mercy para sa rest and recreation (R & R) sa Subic, kung saan nakadaong na rin mula Hunyo 25 ang isang nuclear-powered fast-attack submarine ng US Navy, ang USS Louisville.
Ang pagpapakita ng maamong mukha ng kontra-insurhensiya, ay hindi nangangahulugan na binibitiwan nito ang tutok sa mga operasyong kombat, sa militarisasyon at kampanyang teror lalo na sa mga komunidad at populasyong sibilyan. Ang seryosong pagsisinsin ng mga istratehiya, taktika at disenyo ng kontra-insurhensiya gamit ang mga metodong di-kumbensyal sa digmaan, ay pag-amin na ang kanilang kaaway – kulang man sa armas o kapos sa abanteng teknolohiyang pandigma – ay totoong mahirap durugin.
Kung kaya, sa kabilang banda, ay napakahalaga namang magagap ang rebolusyonaryong praktika – ang esensya ng atake ng Balangiga na tinutukoy mismo ni Capt. Martin bilang “tagumpay ng Pilipinong rebolusyonaryo-gerilya.” Ang paggamit ng digmang makilos at mga taktikang gerilya, at ang di-maikailang suportang masa o pang-masang karakter ng atake sa Balangiga ay makikita bilang tampok na katangian ng mga anti-imperyalista at maka-uring pagbangon na inilunsad sa kasaysaysan ng Pilipinas – at maging sa matatagumpay na anti-kolonyal at anti-imperyalistang armadong paglaban na inilunsad ng mga aping mamamayan sa buong daigdig.
Hudyat ng pagbabalikwas at tagumpay
Ang matagumpay na anti-kolonyal at makauring armadong labanan ay matutunghayan sa naging larga ng tunggalian sa Vietnam at North Korea sa isang yugto ng kasaysayan. Hindi lamang sa larangan ng istratehiya at taktikang lantay-militar naipagwagi ang digmang bayan sa mga bansang ito. Pangunahin sa mga modelong ito ang naging mapagpasyang papel ng organisasyong pulitikal na halaw sa Leninistang modelo ng pagbubuo at pagpapatibay ng papel ng isang abanteng destakamento ng uring manggagawa (proletaryado) na walang iba kundi ang Partido Komunista (PK). Ang pang- ideolohikal at pulitiko-militar na tagumpay ng digmang bayan ng Vietnam at ng North Korea ay ginabayan ng PK. Isang rebolusyonaryong partido ang kailangang iluwal sa proseso ng pagrerebolusyong maka-uri at anti-imperyalista.
Ito, sa pagtatasa ni Mao Zedong, rebolusyonaryong lider ng Rebolusyong Tsino, ang mahalagang kalagayang nararapat tukuyin hinggil sa magiting na pag-aaklas ng mamamayan sa Paris Commune – walang iba kundi ang hinog na sitwasyon para sa isang rebolusyonaryong pag-aaklas ng uring manggagawa sa panahong hindi pa hinog ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa kilusang manggagawa. Mahalaga itong bigyang-diin para sa kasalukuyang panahon sapagkat patuloy na nagaganap ang maiigting na digmaan sa pagitan ng mga reaksyunaryong pwersa ng estado at ng rebolusyonaryong mamamayan sa iba’t-ibang dako ng daigdig. Ang pagdidiin ay nasa kalagayang patuloy ang pagsasapraktika ng rebolusyon bilang muhon ng panlipunang praxis na nakatuon sa pagbabago ng lipunan mula sa pagkilos ng sambayanan.
Kakatwa na kontra naman dito ang pagtataya ng ilang akademiko at pilosopo kagaya ng radikal na si Alain Badiou. Para sa kanya, ang hamon ng panahong kasalukuyan kaugnay ng Paris Commune ay hindi ang binabanggit niyang klasikal na interpretasyon dito mula sa balangkas ng partido-estado, o ang kalagayang nasa “labas” ito ng balangkas ng Leninistang partido ng proletaryado. Ang Commune para sa kanya ay bahagi ng isang sekwensyang pulitikal na hindi inilugar ang sarili sa naturang balangkas. Mungkahi niyang ilagay sa isang tabi ang klasikal na pagtatasa at talakayin ang mga pulitikal na kaganapan at mga sukat ng Commune gamit ang ibang metodo. Sa puntong ito, mainam na itanong kay Kasamang Badiou kung para saan at para kanino ang ganitong hamon sa kalagayang kasalukyan nang nagaganap at nagngangalit ang mga digmang bayan?
Habang itinatanghal ang kontra-insurhensiya mula sa iregular na pakikidigma tungo sa bagong pandaigdigang kalakaran sa giyera, patuloy namang inilalapat at pinagyayaman ng mga rebolusyonaryo ang pag-aaral at praktika ng digmang makilos, mga taktikang gerilya at teorya ng digmang bayan sa diwa ng tagumpay ng mga digma para sa pambansang pagpapalaya sa Tsina, Vietnam, Cuba, Hilagang Korea at iba pa.
Hindi pinalampas ni Chossudovsky ang mga metodo’t istilo ng mga naghaharing uri o ang mga tinutukoy niyang ‘globalizers’: “Upang pangaralan ang sambayanan hinggil sa ilusyon ng demokrasya, nagagawa ng mga imperyalista at ang mga kasabwat nitong naghahairng-uri na mameke ng diwang pagbabalikwas. Sa madaling sabi, kailangan nilang lumikha o mang-agaw at magpondo ng sarili nilang pulitikal na oposisyon. Upang magmukhang lehitimo, kailangan nilang aktibong himukin ang tipo ng kritisismong hindi naghahamon sa kanilang dominasyon.”
Tampok sa halimbawang ito ang mga diskurso at pangkating nangangaral ng samu’t-saring dispalinghadong kaisipan. Ang pag-uudyok sa mamamayan na pumili sa pagitan ng bolo o pluma ay lampas sa pagpupusisyon kung sino ang nararapat na bayani sa pagitan nina Bonifacio (bolo) at Rizal (pluma). Sa kalagayang si Rizal na ang tinukoy ng estado bilang pambansang bayani, ang anumang diskurso na sumususog dito, pati na ang mga diskursong tila sumasalungat dito ay nakakupot pa rin sa diskurso na inilatag ng estado.
Sa diskursong ito, itinatanghal ng Estado ang malisyosong pakana ng ilusyong walang tunay na kaalaman o karunungan na mahihita sa pag-aarmas. Habang ang panulat ay iniuugnay sa reporma o sa gradwal na pagbabago nito, na tila ba walang panahon o punto na magiging kanais-nais ang isang rebolusyonaryong pagbabago habang binabanggit din naman na posibilidad ito ng pagbabago sa lipunan. Pinalalabas na ang rebolusyon ay para sa mga walang pinag-aralan at walang patutunguhan gawa ng padaskul-daskol na pakikiniig sa kasaysayan. Habang ang reporma umano ay para sa mga edukadong mahilig mag-isip, may sariling pag-iisp, mapanuri o kritikal. Malinaw ang kiling at pakinabang sa binarismong rebolusyon bersus reporma – bolo bersus pluma– para ito sa istabilidad ng kaayusang kumakandili sa estado na siya mismong nangangaral ng ganitong huwad na pagpipilian.
Lapat ang ganitong utos o panuto na pumili sa kasalukuyang latag ng mga pulitikal na pwersa na sa isang banda ay kontra, at sa kabilang banda naman ay pabor sa rehimeng US-Aquino. Kilala ang pwersa ng pambansa demokratikong kilusan sa katawagang ND (National Democracy), panig na kontra-sa-rehimen; samantalang ang Akbayan, ay lantarang kakampi ng rehimen. Ang huli ay isa sa mga pangkating nabuo mula sa mga tiwalag na pwersa ng kilusang pambansa demokrasya sa panahon ng split sa Kaliwa na naging hayag lamang noong 1992. ‘Reaffirmists’ (RA) bersus ‘rejectionists’ (RJ) ang mas kilalang katawagan sa dalawang pwersang ito noong dekada ‘90. Pinagtibay ng mga RA o ND ang matagalang digmang bayan bilang estratehiya ng rebolusyon, habang tinalikuran naman ito ng mga RJ at binansagan pang laos o hindi na naayon sa mga ‘bagong kundisyon’ sa lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng panlipunang pagsisiyasat sa mga obhetibong kondisyon ay makikita na wala pa ring kalitatibong pagbabago na nagaganap sa lipunang Pilipino. Nanatili ang mga saligang katangian ng pang-aapi at pagsasamantala na inilantad ng kilusan mula noong itatag ito, at hanggang sa manghati at tumiwalag mula rito ang mga pangkating ito. Kaya’t ang anumang akusasyon ng ‘pagkalaos’ ay may kinalaman sa pagbabago sa pananaw ng mga suhetibong pwersa na tumalikod sa rebolusyon, kaysa sa mga pagbabago sa mga obhetibong kondisyon ng pagrerebolusyon.
Mahalagang tukuyin sa puntong ito ang alingawngaw ng huwad na binarismo ng bolo o pluma – ng rebolusyon o reporma. Ngunit mas mahalagang ipakita ang pagkabangkarote ng ganitong pangaral lalo na sa kalagayang ang mga tinutukoy na alagad ng reporma ay sukdulang umaakto bilang pulitikal na makinarya ng kasalukuyang rehimen. Hindi repormista ang tawag sa mga pwersang nasa loob at nagpapatakbo ng burukratang makinarya ng estado. Sila’y mga reaksyunaryo. Reaksyunaryo at hindi repormista ang mga galamay sa pagpapatupad ng mga kontra-insurhensyang programa at polisiyang nakabalangkas sa maka-imperyalistang interes at structural adjustment program ng IMF-WB. Hindi lamang ito dahil sa kalagayang nagbago sila ng pusisyon o pagpanig. Ang anumang maingat at matalas na pagsusuring pulitikal ay nagsasaalang-alang sa aktwal na dinamikong ugnayan ng reporma at rebolusyon.
Hindi madaling makamit ang mga reporma, sa katunayan madalang nitong datnan ang mga mamamayan kahit pa sa isang lipunang may matalas na tunggalian bunga ng polarisasyon ng mga uri: habang lalong yumayaman ang mga mayayaman ay lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang kondisyon ng polarisasyon ay nagiging matabang lupa para sa mga mapagsamantalang uri: upang patuloy na magkamal ng ganansiya sa pagpapanatili ng atrasadong ekonomiya; panunupil at pambubusabos sa mamamayang aktwal at potensyal na pwersa ng lakas-paggawa, at para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Ang tunggaliang ito ang nagbibigay ng dinamikong hugis at koneksyon sa pag-iral ng reporma at rebolusyon sa isang lipunan. Ang mga reporma ay nakakamit lamang kung mayroong malakas na pwersa mula sa ibaba na naggigiit nito – ito’y walang iba kundi ang pwersang rebolusyonaryo na may kakayahang makipagkiskisan sa estado nang walang kompromiso batay sa pwersa at lakas nito sa isang takdang panahon. Bumibigay lamang ang mga naghaharing-uri sa mga presyur mula sa ibaba kung ito ay may hatid na rebolusyonaryong banta at hamon laban sa kanilang kapangyarihan. Kung gayon, laging magkarugtong ang reporma at rebolusyon. Ang tunay na rebolusyonaryo ay naghahawan ng landas para sa mga reporma, habang batid naman ng isang tunay na repormista na kailangang-kailangan ang rebolusyonaryong pwersa para sa pagsasakatuparan ng mga tunguhin nito.
Sa ganitong paglilinaw, marapat ding ilantad na ang kontemporaryang pagtukoy sa mga reporma ay kadalasang pagtukoy sa mga praktikang walang anumang hangaring repormista. Ang mga sinasabing ‘istratehiyang pangreporma’ at maanomalyang proyekto na kaakibat nito ay walang iba kundi mga pakanang reaksyunaryo na may basbas ng imperyalismo – katulad na lang ng Conditional Cash Transfer (CCT), microcredit at microfinance, at Public-Private Partnerships na pawang ibinabandera ng Akbayan at mga kaalyado nitong NGOs. Samantala, ang mga proyektong pabahay ng Gawad Kalinga ay naglalayong magbigay ng panggitnang-uring aspirasyon sa mga maralita sa pamamagitan ng disenteng pabahay; habang nagagamit ng Habitat for Humanity ang mga maralita upang itanghal ang mga proyekto ng mga negosyo at korporasyong nasa larangan ng imprastraktura, at sa gayon ay makakopo ng malalaking kontrata. Ang CCT at microcredit ay pawang mga imperyalistang pakana na sinusulong ng IMF-WB. Ang dalawang huli naman ay itinatanghal bilang inisyatiba ng “civil society.” Diumano, mga institusyon itong walang kinalaman sa estado, bagamat mahalaga ang suporta nito sa direkta o di-direktang pagsasapraktika ng mga estratehiya ng pagkukupot sa maralitang mamamayan – upang pigilan silang mangahas sa digmang bayan, at sa halip ay mahumaling sa pag-asa na mababago nila ang kanilang buhay sa pamamagitan lamang ng pagsisikap, sa kabila ng mga obhetibong kondisyon ng pang-aapi at kawalan ng oportunidad.
Ang mga communards ng Paris Commune noon at ang sambayanang Pilipino sa kasalukuyan ay pinagbibigkis ng mga hinog na rebolusyonaryong kondisyon sa magkaibang yugto ng kasaysayan. Nasa posisyong magwagi ang sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng paggagap at pagtangan sa mga rebolusyonaryong aral ng kasaysayan. Patungkol naman sa mga aral mula sa kabiguan sa mga pangyayaring sangkot ang rebolusyonaryong kondisyon, mahalagang isaalang-alang ang papel ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Sa pamumuno ng partido, “ang masamang bagay ng kabiguan ay nahihinang tungo sa mapanlabang kahusayan ng karunungan (Claudel).” Muli nitong pinasisinungalingan ang palalong pagbibida na walang tunay na karunungan o kaalaman na maaaring mapanday mula sa pag-aarmas: mariing ipinaalala ni Mao Zedong na ang hukbong walang kultura ay isang mapurol na hukbo, at ang mapurol na hukbo ay hindi makagagapi ng kaaway.
Ang mga kampana ng Balangiga ay kumakatawan sa maka-uring tunggalian na hindi hinahayaan ng Estado na mabigyan ng hugis at wangis – isang makapangyarihang representasyon na bubulabog sa kasalukuyang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Ang pagbawi sa mga kampana, kailanman ay hindi naging usapin ng lantay na diplomasya sa pagitan ng magkakaibigang estado – matingkad itong larawan ng pangdudusta ng naghaharing-uri. Ang pagbawi ay hudyat ng mapangahas na pagbabalikwas ng aping sambayanan. Ang pagkakait ng US na maibalik ang mga kampana ay pagtatangka nitong ipagkait sa sambayanan ang pakikibaka para sa isang bagong kaayusan at ang posibilidad ng isang bagong daigdig.
Ang pagpapatuloy ng Rebolusyong 1896 at ng anti-imperyalistang pagbabalikwas ng sambayanan ay malulubos lamang sa pamamagitan ng armadong pakikibaka – aral ito ng kasaysayan na sing-linaw ng batingaw. Saanmang panig ng kapuluan umaalingawngaw ang katotohanang ito, tiyak na sumisiklab ang digmang bayan at ipinapangako ng laksa-laksang mamamayang nangangahas dito na ang bagong kaayusan ay hindi lamang paparating, kundi naririto na sa ating harapan.
Waray bisan ano an katawhan kun waray hukbong bayan!
(Kung wala ang hukbong bayan, wala ni anuman ang sambayanan!)
Mangahas sa matalagang digmang bayan!
Mangahas magtagumpay!
English version is also available: The bells of Balangiga: Resonances of the armed anti-imperialist resistance
Sarah Raymundo is a full-time faculty at the University of the Philippines-Diliman Center for International Studies. She is engaged in activist work in BAYAN (The New Patriotic Alliance), the International League of Peoples’ Struggles, and Chair of the Philippines-Bolivarian Venezuela Friendship Association. She is a member of the Editorial Board of the Journal for Labor and Society (LANDS) and Interface: Journal of/and for Social Movements.