Nagsimula ang pelikulang GOMBURZA sa rebelyon ni Hermano Pule at mga magsasaka ng Katagalugan, at nagtapos naman sa rebolusyon ng Katipunan. Sa pagitan ng dalawang pangyayaring pananda sa kasaysayan ng bayan naganap ang eksperimentasyon ng kapuluan sa liberalismo at ang isa sa mga rurok ng kabiguan nito sa pagbitay sa tatlong paring sina Gomez, Burgos at Zamora.
Makabuluhang itinampok ang mga pangyayaring ito sa pelikulang nagmulat sa mga pangamba at pangako ng sekularisasyon at liberalismo noong ikalabingsiyam na dantaon. Makabuluhang karagdagan ito sa mahaba na ring listahan ng mga pelikulang historikal na lumabas kamakailan, gaya ng Jose Rizal (1998); Bonifacio: Unang Pangulo (2014); Heneral Luna (2015); at Goyo (2018).
Mahusay ang panulat at pananaliksik nina Pepe Diokno at Rodolfo Vera at halata ang metikulosong direksyon ni Diokno sa pelikula. Natatangi ang pagiging makatotohanan ng historikal na detalyeng ipinakita, ang teatrikalismo ng produksyon, pati ang mga kasuotan, tunog at ilaw na ginamit na nagdala sa manonood sa panahong ipinapakita. Kapuri-puri ang inaasahang mahusay na pagganap nina Dante Rivero, Piolo Pascual at Elijah Canlas. Subalit ang rebelasyon sa lahat ang galing sa pagganap nina Cedrick Juan, Enchong Dee at Ketchup Eusebio na nagdala sa naratibo ng pelikula hanggang dulo. Kailangang abangan ang mga suri at komentaryo ng mga kritiko sa pelikula at kanilang husga sa tagumpay, husay at galing ng Gomburza bilang pelikula sa iba’t ibang aspekto ng produksyon nito.
Gayunman, kung mayroong pagsusuri na dapat ilahad ukol sa Gomburza, ito ang mensahe nito sa kasalukuyang henerasyon sa mga aral ng kasaysayan. Tagumpay ang pelikula sa pagpapakita ng pangako at hangganan ng kampanyang liberalismo sa Pilipinas sa panahong kolonyal. Nang mapangiti habang napapaluha si Padre Burgos sa tinuran ni Padre Gomez nang nasa kulungan na sila na ‘malas’ ang bayan (‘malas’ din ang sinabi ni Maximo Inocencio sa panahon nailunsad na ang rehimen ng terror na nagbabadya ng kanilang pagkaaresto at pagkakapatapon sa malayong mga teritoryo ng España). Sadya nga bang malas ang kapuluan o trahedya lamang itong dulot ng limitasyon ng liberal na kaisipan na nagtatangkang magbigay ng limitadong kapantayan gayong marahas ang pananakop ng mga dayuhan?
Maraming paglillinaw na ipinakita ang direktor na si Diokno (na siya mismo ay nagmula sa angkan ng mga beterano ng rebolusyon) sa iba’t ibang porma ng trahedyang historikal na ito. Ang mga lalaking naghaharing uring naka-amerikana at kurbata ang malinaw na nagsasambit ng pagiging Filipino ang isa sa ugat ng trahedyang ito.
Matatandaang sa kasaysayan, nagmula ang terminog “Filipino” bilang pantukoy sa mga Español na ipinanganak sa Filipinas (Españoles Filipinos), para pag-ibahin sila sa mga Español na ipinanganak sa peninsula ng Iberia (Españoles Europeos). Pinag-iba sa mga Europeo gawa ng mga aral ng pagkawala ng imperyo ng España sa Latina America na pinamunuan ng mga criollo, mga Español na ipinanganak sa kolonya. Sa bandang huli, lalawak ito upang saklawin ang ilang lahi – mga mestizo at mga principalia – na pawang nakatanggap ng kultural na hispanisasyon, pag-angat sa kabuhayan, subalit wala o limitado ang pampulitikal na kapangyarihan. Ang mga Filipinong ito ang nanguna sa paggiit ng karapatan ng mga paring sekular sa pamumuno ng mga parokya. Sila rin ang makakatanggap ng mga kaisipang liberal mula sa binuksang mga institusyong pang-edukasyon batay sa Dikretong Royal sa Unibersal na Edukasyon ng 1863. Ito ang ugat ng pagkakakilanlang isusulong ng mga illustrado – batay sa lahi, lugar ng kapanganakan at katayuang panlipunan. Nakalimutang higit na malaking bahagi ng populasyon ang itinuturing pa ring indio at hindi kasangkot sa unang imahinasyon nila ng pagka-Filipino.
Ang unang magpapahayag ng pagka-Filipino ang nanguna sa pagbubuo ng mga mag-aaral na kabataang liberal. Sila rin ang magpupulong sa inakalang madaliang paglalahad ng liberal na kaisipan sa kapuluan. Walang tinig ang mga karaniwang tao sa kanilang pagpupulong. Ginagawa lang na piping tagamasid at saksi ang mga serbidor na tila hindi umiiral, hindi nagsasalita o hindi nakikita. Sa natatanging pagkakataon na tinanong ang isang katulong na nakakamisa kung siya ay Filipino, malakas na nagtawanan ang mga nakakurbata nang sagutin nito sila na siya ay Tagalog. Tila ipinapakitang walang katuturan ang pagkakakilanlang ito na mapapatunayang kasinghigit sa kahulugan ng pagsusulong ng himagsikan, gaya ng tinuran ni Andres Bonifacio sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” at ang konstitusyong rebolusyonaryo na itinatag ni Macario Sakay na “Republika ng Katagalugan”. Ang mapanlait na tawanan ng mga nakakurbatang pinagsisilbihan sa nakakamisang serbidor ang nagpapatunay na kahambugan ng pag-aakalang silang nakatataas ang tanging tama at kumakatawan ng artikulasyon ng kahulugan na nacion, gayong dinamiko at maraming pagmumulan ang mga ito, lalo na sa karanasang materyal ng mga mamamayan sa gilid ng kasaysayan.
Trahedya din ang kinasadlakan ng mga kampanya ng mga liberal na sila mismo ang nagsagawa. Umasa sa pangakong magdadala ng pagbabago mula sa pinuno, gaya ng pagdating ni Carlos Maria de la Torre na itinalaga ng kolonyal na pamumuno ng kapuluan. Subalit ang ganting paling ng pagkatalaga ng konserbatibong heneral na papalit dito ang kagyat na magwawakas sa ilusyon ng liberalismong dala ng pinuno. Gayundin, trahedyang maituturing ang pagiging palaasa sa mutin na isusulong ng mga kaalyadong militar. Sa halip na palakasin ang hanay ng mga manggagawang nagwelga sanhi ng bagong patakarang pagbubuwis at sapilitang paggawa dulot ng mapanupil na patakarang kolonyal, umasa ang mga liberal sa dagliang kilusang dala ng mga sundalong nagmutin, na kasindali ring mabibigo matapos ang panandaliang pag-iral nito. Magdadala ito sa pagsukol at pagkatalo ng nag-mutin sa Cavite Puerto at magbabadya ng simula sa rehimen ng terror na magpipiit, magpapatapon at papaslang sa kanilang hanay.
Simboliko din ang hangganang inilahad sa pagpapakita ng pagkatampok ng dalawa sa marami namang mga estudyante ni Padre Burgos na bumuo ng kilusang mag-aaral at kabataang liberal. Hindi aksidenteng sila ang pinili ni Diokno na kumatawan sa dalawang tendensiya at hangganan ng repormismo sa kapuluan. Ang dalawang pinakilalang natatanging mag-aaral na sina Paciano Rizal at Felipe Buencamino ang kumakatawan sa dalawang posibleng tahakin ng mga kabataang liberal sa kanilang kinabukasan.
Alalahanin na magiging heneral ng rebolusyon si Paciano Rizal sa pagsiklab ng himagsikan sa Laguna, at ang mga kapatid niyang babae, pati ang hipag na si Josephine Bracken ang ilan sa mga bubuo ng mga rebolusyonaryang hanay kababaihan. Sa katunayan, si Paciano ang katulad ng iba pang mga kikilala sa hangganan ng repormismo at yayakap sa lohika ng rebolusyon, gaya nina Antonio Luna at Apolinario Mabini. Kahit si Maximo Inocencio na ipinakitang kabilang sa maraming liberal sa pelikula, ang magiging mga destierro at ipapatapon sa malalayong bayan sa panahon ng rehimen ng terror at sa pagbabalik sa kapuluan, ay muling makikilala bilang isa sa mga tagapagsulong ng himagsikan sa Cavite at mabibilang sa pinaslang ng mga Español na Labintatlong Martir (Trece Martires de Cavite) sa pagsiklab ng rebolusyon.
Sa kabilang banda, maaalalang magpapalit ng iba’ibang panig ang mga gaya ni Buencamino sa panahong kinakailangan ng bayan ng malawakang kilusan para sa ganap na pagbabago. Ang mga gaya niya ang nagpahayag ng hangganan ng liberalismo ng naghaharing uri. Huli ito sa pagsapi sa rebolusyon at sa una pa nga ay kakampi pa ito sa kolonyal na pamamahala. Matapos maagaw ang pamunuan sa republika ng Malolos, ang mga gaya nina Buencamino, Pedro Paterno, Andres de Luzuriaga at mga kasamahan nila ang magtatatag ng Partido Federal na magsusulong sa paglalapit ng Pilipinas bilang kasaping pederal ng bagong mananakop na Estado Unidos. Ang madaliang pakikipagkompromiso sa mananakop ang dulot na trahedya ng hangganan at limitasyon ng repormismong liberal.
Ilang mga historyador na gaya ni Teodoro Agoncillo ang nagsabi na ang 1872 ang simula ng kasaysayan ng nasyonalismong Filipino dahil dito nagsimula ang artikulasyon ng pagkakakilanlan bilang isang bayan. Ipinakita sa pelikula ni Diokno na higit na dapat kilalaning may pagpapatuloy ang kasaysayan ng pagbubuo ng nasyon mula sa ibaba, mula sa mga kilusang magsasaka sa panahon ni Hermano Pule, hanggang sa panahon ng rebolusyong hindi lamang ipinahayag sa mga anting-anting na pinaniniwalaan ng masa kundi sa materyal na kalagayan ng paglaban sa karahasan ng kolonyal na estado. Ito ang filibusterismo hindi lamang sa nobelang inialay ni Rizal sa alaala ng tatlong paring martir, kundi ang kasaysayan ng kilusang mapagpalaya sa Pilipinas.
Ipinahayag ng 1872 na ilusyon ang reporma at liberalismo sa kapuluan. Ang pagkagarote sa tatlong pari ang simbolikong paalala ng lupit at dahas ng kolonyal na kaayusang hindi kayang tapatan ng ilusyon ng ideyalismong liberal na isinulong ng mga naglalayon na maging kapantay lamang sila ng mga mananakop. Nauutal sa Latin subalit tinatawanan ang nagpapahayag na sila ang Tagalog. Nagsulong sila ng Hispanisasyon ng wika at kalinangan sa halip na maglunsad ng ganap na kalayaan. Naging usapin ng pagkakapantay-pantay ng lahi sa loob ng kolonyal na kaayusan at walang pagkilala sa kakanyahang pang-uri ng mga magsasaka at manggagawang maaaring maging pundasyon ng tunay na malawakang pagbabago. Ito ang ipinapakitang hangganan ng Gomburza at sekularisasyon.
Isandaang taon mula 1872, mailulunsad na naman sa kapuluan ang panibagong rehimen ng terror. Bagong Rafael Izquierdo ang lupit na dala ng diktadurang Marcos simula ng 1972. Panibagong panahon ng panunupil, subalit panahon din ng pagbalikwas laban sa dahas. Gaya ng maluha luhang ngiti ni Padre Burgos bago siya bitayin – hindi ito malas, kundi pagkilala sa pangangailangang matuto sa mga aral ng kasaysayan.
Ref.
Agoncillo, Teodoro. (1974). Filipino Nationalism, 1872-1970. Quezon City: RP Garcia.
Nava, Jose (1936/2002) trans by Erwin Bautista. The Trial of the Thirteen Martyrs of Cavite. Manila/Quezon City: Ilagan Press, UP Press.
Quibuyen, Floro. (1999). A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Schumacher, John. (2004). Burgos and the Cavite Mutiny. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.