Binhi at agos ng paglaya

*Rebyu sa librong “Binhi ng Paglaya” ni Amanda Socorro Lacaba Echanis

Hindi madali para sa mga political detainee o poldet ang matagumpay na paggiit ng karapatang makapagbasa at makapagsulat sa loob ng piitan kaya marapat itanghal ang publikasyon ng aklat ni Amanda Socorro Lacaba Echanis.

Higit na mahirap ang lumikha ng mga akda habang kinakaharap ang sunud-sunod na trahedya. Sa kaso ni Echanis, kinulong siya kasama ang kanyang sanggol at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Nangyari ito ilang buwan makalipas tadtarin ng apatnapung saksak ang kanyang ama na si Randall, beteranong aktibista at konsultant ng National Democratic Front.

Sa halip na sumuko at bumigay sa takot, matapang na tumindig si Echanis habang nagpatuloy ang atake ng reaksyonaryong estado sa kanya at sa kanyang pamilya.

Apat na tema ang tumingkad sa aklat na kompilasyon ng mga tula, sanaysay, kuwento, liham, at isang dula.

Book cover of Binhi ng Paglaya (Photo by Pinoy Weekly)

Una, mababasa ang araw-araw na danas ng isang poldet na pilit sinusubok ang tatag sa selda habang pumipiglas at lumalaban para sa katotohanan at katarungan. Sa mga tulang “Pagdating ng Araw” at “Bakal na Rehas” ay nagpahiwatig si Echanis sa tortyur na kanyang pinagdadaanan sa kamay ng mga opisyal na ang misyon ay “palambutin” ang kanyang prinsipyadong pagtutol sa alok na ipagkanulo ang kanyang mga kasama’t kaibigan.

Pangalawa, pinaramdam ng awtor ang pagmamahal at pangungulilala ng isang anak sa kanyang mga magulang. Binahagi niya ang kuwento ng kanyang mga magulang na si Randall at Linda mula sa kanilang pagkamulat bilang kabataang aktibista bago ang pagpataw ng Batas Militar, ang kanilang pagkakahiwalay at muling pagkikita, at ang pag-usbong ng pag-iibigan habang kalahok sa pakikibaka laban sa diktadurya. Mula dito ay higit na mauunawaan ang aktibismong kinalakihan ng awtor, ang progresibong nilalaman at mga karakter ng kanyang panulat, ang kapasyahang sundan ang halimbawa ng magulang, at ang pagpalag sa brutal na pag-uusig ng mga pasistang institusyon. Paano nga naman dudurugin ang mapanlabang diwa ng mga Echanis kung ang “yakap sa lupa’y mahigpit” na tumutumbok sa kanilang matagalang pagtataguyod sa kilusang magsasaka at radikalismong nakalapat sa kongkretong kondisyon ng malapyudal na lipunan?

Pangatlo, maselan niyang hinabi ang naratibo ng ilang kababaihang bilanggo sa tulang “Bawat Maria: Mga Tula sa Loob at Labas ng Kahon”. Sapol ang pagtukoy sa karahasang sinapit ng mga indibidwal at ang pagsusumamo upang igpawan ito. Sa dulang “Nanay Mameng” ay malikhain niyang inugnay ang karamdaman ng maralitang lider at ang halaga ng kolektibong aksyon ng masa bilang sagot at gamot sa “kanser ng lipunan.”

At pang-apat, nag-iiwan ng mahalagang aral ang mga sulatin ni Echanis para sa lahat ng mga sinisindak ng terorismo ng estado. Aniya, “gumawa ka ng sigwa” bilang gabay kung paano hahamunin ang kawalang hustisya sa bansa habang siya ay nasa kulungan. At ano dapat ang aktitud sa mga krisis na sumasambulat: “Ang mga pagsubok ay hindi masong dudurog sa aking diwang palaban, kundi masong huhubog sa aking mga paninindigan.”

Ayon kay Echanis, “tagpi-tagpi pa lamang ang mga nabubuo kong ideya” at nagpahayag siya ng pagnanais na patuloy itong paunlarin. Paalala ito na kalayaan ang isang kondisyon ng sining kung kaya’t asahan na hindi titigil ang mga makabayang manunulat tulad ni Echanis na lumikha ng mga obra na nagtutulak ng mga posibilidad kung paanong ang katwiran ng tama ang manaig sa lipunan.

Sinubukang patahimikin si Echanis subalit nananatili siyang matatag sa kabila ng panunupil ng mga pwersang nagtatanggol sa interes ng mga mapang-api. Ang librong ito ay isang patunay na bigo ang mga nagtangkang tanggalan siya ng boses. Patuloy na nakapagsulat si Echanis kahit nakakulong at sa kanyang mga akda masusukat ang lalim ng kanyang pagnanasa na lumaya at higit sa lahat ay magpatuloy na lumaban para sa pagbabago.

Share This Post