a
Konteksto | Sampaguita
Published on Jan 19, 2025
Last Updated on Feb 24, 2025 at 9:39 pm

Napanood mo ba ang viral na bidyo? Sa tapat ng isang mall, pinaalis ng guwardiya ang nakaunipormeng batang babae na nagbebenta ng sampaguita. Nagkaroon ng komosyon nang sinira ng guwardiya ang ibinebenta at sinipa niya ang batang nanlaban. Kapansin-pansin ang pagganti ng bata sa pamamagitan ng paghampas sa guwardiya kahit na armado ito.

Kahit na limitado ang impormasyong hatid ng 42 segundong bidyo, mabilis na naglabasan ang iba’t ibang opinyon sa social media.

May mga nagsabing bahagi ng sindikato ang mga namamalimos at nagbebenta ng kung ano-ano sa labas at loob ng mga mall. May mga nang-alipusta sa guwardiyang nanakit ng inosenteng bata. May mga bumatikos sa magulang ng batang naghahanapbuhay sa murang edad. May mga kumampi sa bata. May mga nagtanong kung bakit nakauniporme siya habang nagbebenta, bukod pa sa tanong kung totoong estudyante nga ba siya. May mga nagsabing peke ang uniporme dahil wala raw patch ng anumang paaralan, bukod pa sa wala raw ganoong uniporme sa mga paaralang malapit sa mall.

Habang naging trending topic ang terminong “sampaguita girl,” tinanggal sa trabaho ang guwardiya. Opo, hindi na siya makikita pang nagbabantay sa mall. Kung paniniwalaan ang pahayag ng pamunuan ng mall, nagkaroon daw ng mabilisang imbestigasyon bago ginawa ang desisyong putulin ang ugnayan sa isa nilang empleyado.

Sa isang banda, hindi naman maituturing na “empleyado” ng mall ang mga guwardiyang mula sa security agency. Hindi ba’t matagal nang isyu kung may relasyong employer-employee ang ganitong mga kontraktuwal na manggagawa? At dahil walang seguridad sa trabaho, napipilitan ang mga guwardiyang sumunod sa mga patakaran ng pinagtatrabahuan, kahit na hindi katanggap-tanggap ang mga ito.

Kung papansinin ang pangunahing katangian ng mga mall, inililigtas nila ang malilinis mula sa marurumi dahil pinaghihiwalay nila ang mga may pera sa mga wala. Walang lugar ang mga tinaguriang hampaslupa sa mga naglalakihang mall na minsa’y may simbahan pero kadalasang higanteng tubo ang sinasamba.

Kabilang ang mga guwardiya ng mga mall na nagsisilbi sa interes ng mga may-ari’t kasosyo sa negosyo. Parating nakangiti kahit na may iniindang sakit, nagkukuwaring masaya kahit na may pinagdaraanan. Mukhang malaki ang suweldo dahil maganda ang postura pero malamang na mababa pa sa minimum na sahod ang nakukuha araw-araw (kung sakaling sa takdang araw nababayaran). Tinitiis ang iba’t ibang porma ng pang-aalipusta kahit na wala namang kasalanan.

At kung sakaling magkaroon ng matinding pagkakamali, hindi hamak na mas malaki ang kaparusahan. Siyempre’y ayaw nilang masuspinde dahil sa sistemang “no work, no pay.” Siyempre’y mas ayaw nilang matanggal sa trabaho. Saan siya kukuha ng panggastos? Paano niya magagampanan ang tungkulin sa pamilya? Sa isang sitwasyong may katapat na bayad ang mga batayang serbisyong dapat na libreng ibinibigay ng gobyerno, mabubuhay pa kaya siya at ang kanyang mga mahal sa buhay?

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang pinagdaraanan ng guwardiyang nasangkot sa viral na bidyo. Totoong may kakulangan pero angkop ba ang kaparusahan? Bakit mabilisang pagtatanggal ang nangyari sa halip na malalimang imbestigasyon bago ang posibleng parusang multa o suspensiyon? Ganito ba magdesisyon ang pamunuan kapag maraming nag-ingay sa social media?

Nakisawsaw na rin ang ilang ahensiya ng pamahalaan sa ingay. Ipapatawag daw ng Philippine National Police (PNP) ang guwardiya at ang ahensiyang kinabibilangan niya. Ipinagtanggol din ng PNP ang bata dahil hindi naman daw siya miyembro ng anumang sindikato.

Sa katunayan, 22 taong gulang na ang bata at nag-aaral na sa kolehiyo. Kaya lang daw siya nakauniporme ay dahil ginagawa niyang pambahay ang luma niyang uniporme noong high school pa siya (at nakapambahay daw siya nang makunan ng bidyo). Tumutulong daw siya sa kanyang magulang kaya siya nagbebenta ng sampaguita. May iba pang personal na detalyeng isinapubliko ang PNP, pati na ang trabaho ng ama’t ina at ang kinabibilangang barangay na medyo malayo sa mall.

Gagawin kayang pelikula ang buhay ng tinaguriang “sampaguita girl”? Sige lang, pero isakonteksto sana ang kanyang karanasang personal sa sistemang politikal.

Bakit kailangan pa niyang magtrabaho samantalang dapat na tinututukan niya ang kanyang pag-aaral? Ano ang nagbunsod sa guwardiya para paalisin siya sa tapat ng mall? Nasaan ang pananagutan ng mga may-ari ng mall na inuutusan ang tauhan nilang tratuhin nang maayos ang mga may pera habang pinapalayas ang mga ‘di umanong hampaslupa? Bakit napakabilis maghusga ng ilang mamamayang may limitadong impormasyon?

Napanood mo ba ang viral na bidyo? Sige, panoorin mo pang muli. Sana nama’y higit pa sa 42 segundo ang pagninilay-nilay sa konteksto ng mga pangunahing karakter. Huwag din sanang mabilis na maghusga, lalo na sa ginawa ng guwardiya.

Walang problema kung nais gawing bida ang nagbebenta ng sampaguita. Pero pag-isipang mabuti kung sino ang tunay na kontrabida.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This