Sa gitnang uri, ayon na rin sa summa cum laude ng Unibersidad ng Pilipinas sa commencement speech nito, hindi na opsyon mangibang-bayan. Ang pagpipilian na lamang ay ang literal na pangingibang-bayan, tulad ng kapalaran ng overseas contract workers, o virtual na pangingibang-bayan, tulad ng call center agent sa loob ng bansa.
Sa jologs, ang ipinang-iiba ay hindi bayan kundi kapalarang pang-uri. Ibig sabihin, ang instantaneous na kalakaran sa panlipunang mobilidad-snatching, drug dealing, pangdedehado ng kapwa, shoplifting-ay ang kapamaraan para maging kaiba ang jologs para sa pang-estadong panuntunan na maging gitnang uring mamamayan.
Pero itong kapamaraan ng jologs ay mistulang nang kapamaraan ng mga uri sa bansa. Sa rehimen ni Arroyo, pinakamatindi ang bigwas ng neoliberalismo ng deregulasyon sa gasolina, at free-trade na nagdulot ng kapabayaan sa seguridad sa pagkain, lalo na ang bigas, pati na rin ang napakataas na VAT na 12 porsyento ng halaga sa bawat bilihin.
Lahat nang karanasang ito kay Arroyo, sa pangunahin, ay across-the-board. Lahat-mayaman at mahirap, lalake at babae, may trabaho at wala, taga-syudad at taga-probinsya-ay apektado sa pagbaba ng matagal nang mababang kalidad ng buhay.
Pero bakit walang nagbabalikwas?
Ang epektibong nagawa ni Arroyo ay ang turingan ang panlipunang buhay, sa pangunahin at sa simula’t sapul, bilang pang-ekonomikong larangan. Lahat ng desisyon ng gobyerno, negosyo, institusyong edukasyon, media at relihiyon, ay nakabatay sa cost-benefit analysis-ang pinakamurang halaga ng gastos para sa pinakamalaking balik ng kita.
Kaya sa huli, ang epekto nito ay ilagay rin sa indibidwal na mamamayan ang kalakarang magsikap, magpursigi at pagbutihin ang kanyang abang lagay. Nailipat na ng estado ni Arroyo ang responsibilidad mula sa gobyernong sarado sa benefisyo at karapatan-P125 across-the-board increase sa minimum na sahod o P3,000 sa buwanang sahod, kasama ng pagtigil sa abduction at political killings-tungo sa limitadong probisyon ng social commitment ng negosyo-sirang laruan sa toy Christmas drive ng Jollibee, lumang libro sa book drive ng ShoeMart, pagtulong sa nasalanta ng bagyo ng ABS-CBN at GMA Foundations.
At matapos nitong limitadong probisyon ng negosyo, wala nang mapapala ang mamamayan. Ang serbisyo publiko ng gobyerno ay nagmistulang charity work na lamang. Imbes na sistematikong tugunan ang problema sa kalusugan, ang pagdulog ng milyon-milyong maysakit ay sa pamamagitan ng pondo ng congressman, Presidente at ng hawak nitong PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office).
Na pati ang mga nasa kilusang masa at progresibong indibidwal ay nahihikayat na ring lumahok sa charity work na ito. Nagagamit na rin sila para sa operasyonalisasyon nang higit pang jologifikasyon ng kanilang dating ibinabakang uri. Na ang pangunahing proyekto nito ay di lamang pagandahin si Arroyo, hindi gawin itong naabot na tao, kundi gawin itong epektibong presidente sa inepektibong panahon.
Parating ganito ang retorika ng management ng krisis ni Arroyo. Sound ang kanyang mga polisiya, kaya nga hindi raw tayo kasing apektado ng pandaigdigang krisis. Pero walang respite sa pagtaas ng presyo ng gasolina o temporaryong pagtanggal ng VAT nito na tunay na makakapagpabawas ng presyo.
At ang resulta ng survey na nagsasaad na pinaka-unpopular si Arroyo, kasama ng pinakamarami ang nagugutom sa kanyang pagkapangulo (14.5 milyon), di raw matanggap ng mga tao ang masasakit na desisyong kailangang gawin ng Presidente. Para raw sa ikabubuti ng lahat at ikalalakas ng ekonomiya.
Sa Hello, Garci scandal ni Arroyo, humingi ito ng paumanhin, “error in judgment” ang idinahilan. Hindi siya ang nagkamali, kundi ang isang insidente ng pag-iisip at pagkilos.
At kung gayon, isolated case. Nanghingi naman ng sorry, bakit hindi patatawarin?
Kung gayon, perfekto pala si Arroyo. Ang di-perfektong pandaigdigang lagay ng langis, bigas, kapital, service industries, finance market, at iba pa ang may salarin kung bakit naghihirap ang nakararami.
Kung bakit ang lahat ay napapakapit sa patalim (na isa namang humanisasyon ng jologs: hindi ang jologs na tao ang may problema, kundi ang marahas na lipunan ang salarin). Ang panahong global at kung paano naapektuhan ang lokal na panahon ang nagdudulot ng pasakit sa mamamayan.
Mahirap sabihing niloloko ni Arroyo ang kanyang sarili dahil mas hibang ang mamamayang hindi nagbabalikwas. Sino ang mas malaking baliw? Ang hibang na pangulo o ang mas hibang na mamamayang kaorkestradong sumasayaw sa kahibangang tugtog ng pangulo?
Sa posisyong panlipunan ng docile na mamamayan, siya man ay nagpapasya batay sa neoliberal na panuntunan. Ano ba ang mapapala niya sa rally at politikal na pagkilos? Ano ba ang mababago nito sa kagyat na ikakaginhawa niya? At dahil nga wala, hindi siya lalahok.