Panata ng Pilipino

(Pasintabi sa mga makatang Amado V. Hernandez, Rio Alma, Jose Lacaba at Bienvenido Lumbera)

NI JOI BARRIOS-LEBLANC
Bagong Alyansang Makabayan Women’s Desk
Inilathala ng Bulatlat

Hindi na kailanman.
Hindi na kailanman ang alembreng tinik,
ang bilanggong pulitikal na tumatanaw sa kapirasong langit[1]
ang takot sa pasismo na namamahay sa dibdib.

Hindi na kailanman ang kondesa del tipaklong,[2]
Ang magagarang pista habang mamamayan ay gutom,
Ang pagtapak sa mahirap niyang nag-aakala
na korona ang sa ulo nakapatong.

Hindi na kailanman ang isang Juan de la Cruz na may pakikipagsapalarang kagila-gilalas,[3]
Mula sa bukid hanggang sa pabrika, trabaho ang hinahanap,
Ngunit sa bawat hakbang, ay may karatulang nagsasaad:
“Bawal magreklamo!”  “Bawal magwelga!”
“Bawal ang mangarap ng laya at gihhawa!”

Pinagmamasdan ko ang mga kuha ng aking kamera:[4]
ang noon at ngayon sa aking bayang sinisinta,
at nagtatanong: ano nga ba ang pagkakaiba,
ng Batas Militar na hayag at binabandila,
at Batas Militar, na palihim, dahan-dahan
na gumagapang upang sakmalin, ang ating kalayaan.

Hindi na kailanman. hindi ngayon, hindi bukas.
Pagkat tayong ang mga mata’y nakadilat
sa kadiliman ng magdamag,
Tayong nakatanod at handang kumilos,
Tayong naturuan na ng kasaysayan,
Batid nating walang hari o nagrereyna-reynahan
Ang hindi mapatatalaksik ng bayang nagngangalit,
Bayang ang bawat himagsik, ay nakasalig sa lupang iniibig.


[1] Humahalaw ang imahe na ito sa “Isang Dipang Langit” ni Amado V. Hernandez

[2] Humahalaw ang imahe na ito sa “Kondesa del Tipaklong” ni Rio Alma.

[3] Humahalaw ang imahe na ito mula sa “Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz” ni Jose Lacaba

[4] Humahalaw ang imahe na ito mula sa “Tatlong Kuha ng Aking Kamera” ni Bienvenido Lumbera.

Share This Post