CR

May kung ano-anong di malinaw na rural legend hinggil sa pag-upo sa at taas ng kasilyas. Bawal sa babae ang maupo, lalo na sa publikong lugar, dahil may kamay daw na manghihipo. Maaring mabuntis, magkasakit ng STD (sexually transmitted disease), at ma-divirginize sa pag-upo sa bowl. Sa lalake naman, marumi ang CR kaya hindi dapat umupo sa bowl.

Malas daw ang nakaangat na bowl, nakausli sa semento, dahil parating na-flu-flush lamang ang anumang ideposito rito. At naalaala ko ang bowl namin sa nasalanta ng bagyo, nawalan ng bubong ang banyo. Nang i-repair ito ay pinabuhusan ang buong sahig ng banyo na halos kasing taas ng bibig ng bowl.

Dati ay nagtataka pa ako kung bakit ang mga banyong Filipino, hindi mahilig gumamit ng flush gayong P150 lamang ang isang set nito. At naisip ko, lampas sa kahirapan, ang sikreto ng pagbabantay at pagtunghay sa sariling dumi. Hindi ba’t ang mga nakatalagang eunuchs sa emperador ng Tsina ay uma-umagang tumutunghay sa dumi ng nobilidad para tignan ang pagbabago ng kulay, hugis, konsistensi, at iba pang indikatibo ng kalusugan ng may-ari nito?

Sa isang pelikula ni Michael Douglas, buskang kinausap nito ang psychoanalyst para patunayan na normal siya. At ang isang binanggit niya ay hindi niya tinitignan ang kanyang dumi tuwing iflu-flush niya ang toilet. Therapy nightmare ang praktis na pagtingin sa dumi sa bansa! Dahil ang dumi, flinu-flush lang, vina-vacuum, inaanod ng hose, idinudura sa lababo. Para sa modernong sibilisasyon, ang dumi ay pinapadaloy sa tamang lugar para hindi na matunghayan.

Walang sewerage plan ang Metro Manila, kaya ang natural na daluyan ay ang Pasig River palabas sa Manila Bay. Kahit malaki ang binabayaran ng may bahay na sewerage service fee ay hindi pa ito napapaunlad para ma-spare ang ilog at ang baybayin. Naalaala ko nang mapuno ang poso-negro namin sa Mandaluyong. Catastrophe talaga. Sa mall kami dumudumi hanggang sa nalinis ito. Papuri sa mall!

At nang ako naman ay bagong-lipat sa tinutuluyan sa Fairview, at mangyari rin ito, tunay namang laking pasasalamat sa kompanyang ang henerikong pangalan at apelyido ay “Malabanan” nang bigyan nila nang mas mabilis na solusyon ang mabahong problema. Sa ilang libo, tinanggal ang laman ng poso-negro. At kung nagdagdag pa ako ng P1,500 na ayaw magpatawad, may tao pang bababa sa konkretong yungib para pisikal na linisin pa ito.

Share This Post